Andres Bonifacio

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Andres Bonifacio (30 Nobyembre 1863–10 Mayo 1897) ay isang Pilipinong bayani na nakipaglaban sa mga Espanyol upang makamit ang kalayaan ng Pilipinas noong panahon ng kolonyalisasyon. Siya ay isa sa mga nagtatag ng Katipunan o Kataas-taasan Kagalang-galangang Katipunan (KKK) ng mga Anak ng Bayan kasama sina Valentin Diaz, Teodoro Plata, Ladislao Diwa, Deodato Arellano, at iba pa na nagtipon sa isang bahay sa Kalye Azcarraga, Maynila noong 7 Hunyo 1892.[1]

Si Bonifacio ay tinaguriang “Ama ng Himagsikang Pilipino.” Tinawag din siyang “Supremo ng Katipunan” at “Haring Tagalog” dahil siya ang naging pangulo ng Katipunan.

Pamilya at Mga Gawain

Si Bonifacio ay isinilang noong 30 Nobyembre 1863 sa Tondo, Maynila kina Santiago Bonifacio, isang sastre, at Catalina de Castro. Siya ang panganay sa anim na magkakapatid. Maaga silang naulila kaya sa edad na 14, nagsikap si Bonifacio upang maitaguyod ang kaniyang mga kapatid sa pamamagitan ng pagtitinda ng bastong kawayan at papel na abaniko. Nagtrabaho rin siya bilang mensahero at bodegero. Nakapasok din siya sa mga banyagang kompanya tulad ng Fleming and Company at Fresell Company.[1]

Mahilig sa sining si Bonifacio. Mahilig siyang gumuhit ng poster at umarte sa entablado. Bago pa man naging isang tunay na rebolusyonaryo, naging bahagi muna siya ng mga tanghalan na sinasabing humasa sa kaniyang husay sa pagsulat. Siya ay naging aktibo sa mga gawaing panteatro ng El Teatro Porvenir, na naitayo niya kasama ang ilang kaibigan sa Tondo, Maynila noong 1887. Dito sila nagtatanghal ng moro-moro.[1]

Isa ring mangingibig si Bonifacio. Una niyang napangasawa ang isang nagngangalang Monica ngunit ito ay namatay sa ketong. Sunod niyang napangasawa si Gregoria de Jesus na labingwalong taong gulang lamang nang sila ay nagkakilala. Ang dalawa ay ikinasal sa Simbahan ng Binondo noong 1893, at kinagabihan ay ikinasal din sa harap ng Katipunan. Dito tinagurian si Gregoria bilang “Lakambini ng Katipunan.” [1]

Kagitingan, Katipunan

Noong 7 Hulyo 1892, isang araw matapos ang pag-aresto kay Jose Rizal na kalauna’y ipinatapon sa Dapitan, ay naitatag ang Katipunan o ang Kataas-taasan Kagalang-galangang Katipunan (KKK) ng mga Anak ng Bayan. Naganap ito sa isang bahay sa Kalye Azcarraga (ngayon ay Claro M. Recto), Maynila. [2]

Pangunahing layunin ng KKK ang pagkakamit ng kalayaan ng Pilipinas mula sa mapang-abusong pamumuno ng Espanya. Bagama’t marami nang naganap na pag-aalsa ng mga katutubo sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ang Katipunan lamang ang maituturing na organisado at may malawak na gawain laban sa pamamahala ng mga Espanyol. Tinatayang may 30,000 hanggang 100,000 kasapi ito sa Maynila at mga karatig lalawigan.[2]

Naging layunin din ng Katipunan ang maipalaganap ang magagandang katangian na dapat manaig sa mga Pilipino at tutulan ang bulag na pagsunod sa relihiyon. Isinulong din nila ang kahalagahan ng pagtutulungan at pagtatanggol sa mahihirap at mga inaapi.[2]

Manunulat ng Buhay

Karaniwang nakikita sa mga guhit sa larawan at mga bantayog ni Andres Bonifacio ang hawak niyang bolo at baril at payak na kasuotan. Gayunman, sa kabila ng kaniyang matapang na imahe, ang kinikilalang Ama ng Katipunan ay isa ring mahusay na manunulat.[3]

Kahit maagang nagtrabaho, patuloy na nag-aral si Bonifacio sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga aklat. Nagsikap din siyang pag-aralan ang wika ng mga mananakop. Patunay rito ang pagsasalin niya tungo sa tula at sanaysay ni Jose Rizal na “El Amor Patrio” at ang tulang “Mi Ultimo Adios.”[3]

Ginawa niyang sandata laban sa mga mananakop na Espanyol ang pagsulat ng mga tulang mapanghimagsik. Maituturing na pinakatanyag sa kaniyang mga tula ang “Pag-ibig sa Tinubuang Bayan.” Sa tulang ito ay hinimok niya ang mga Pilipino na maging makabayan. Ang tulang ito ay nailathala noong Marso 1896 sa Kalayaan, opisyal na pahayagan ng Katipunan. Ginamit ni Bonifacio ang Agapito Bagumbayan bilang sagisag-panulat sa tula. Kinikilala ang tulang ito bilang kauna-unahang akda sa katutubong wika na nagpapahayag ng pag-ibig sa bayan. Narito ang sipi ng ika-17 saknong ng tula:[3] [4] [5]

“Di gaano kaya ang paghinagpis

Ng pusong Tagalog sa puring nalait?

At aling kalooban na lalong tahimik

Ang di pupukawin sa paghihimagsik?”

Sa tulang “Katapusang Hibik ng Pilipinas” matutunghayan naman ang pahiwatig ni Bonifacio sa nalalapit na pag-aalsa laban sa mga Espanyol. Narito ang unang saknong ng tula:[3]

“Sumikat na Ina sa sinisilangan

Ang araw ng poot ng Katagalugan,

Tatlong daang taong aming iningatan

Sa dagat ng dusa ng karalitaan.”

Isinalin din ni Bonifacio ang tulang “Mi Ultimo Adios” ni Jose Rizal. Ang salin niya na pinamagatang “Huling Paalam” ay isa sa mga pinakatanyag na salin ng tula ni Rizal, at hinangaan ng marami dahil naging maingat si Bonifacio sa pagsasalin nito. Narito ang unang saknong ng salin:[3]

“Pinipintuho kong Bayan ay paalam

Lupang iniirog ng sikat ng araw,

Mutyang mahalaga sa dagat Silangan

Kaluwalhatiang sa ami’y pumanaw.”

Dalawa pa sa mga naging tula ni Bonifacio ay “Ang mga Cazadores” at “Tapunan ng Lingap.” Ang parehong tula ay nagpapakita pa rin ng labis na pag-ibig sa bayan at pagkamuhi sa kolonyalismo.

Bilang Ama ng Katipunan, si Bonifacio ay sumulat ng Decalogo ng Katipunan, ang sampung utos na nagsilbing gabay ng mga Katipunero bilang tagapaglingkod ng bayan. Ayon sa ikatlong utos: “Itanim sa iyong puso na ang tunay na kahalagahan ng puri’t kaginhawahan ay ang ikaw ay mamatay dahil sa ikaliligtas ng Inang Bayan.”[3]

Pagsunod sa mga Yapak ng Bayani

Noong 2013, ipinagdiwang ng pamahalaan ang sesquicentennial o ang ika-150 taong kaarawan ni Bonifacio. Sa pangunguna ng Department of Tourism (DOT) at ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), inilunsad ang “Byaheng Bonifacio: Byaheng Bayani ng Bayan.” Isa itong paglalakbay-aral na layuning ipakilala at ipagunita ang buhay at kabayanihan ng Supremo.[6]

Ang “Byaheng Bonifacio: Byaheng Bayani ng Bayan” ay inilunsad noong Marso hanggang 30 Nobyembre 2013 kung saan ang mga nakilahok ay binigyan ng pamphlet na kailangan nilang dikitan ng kanilang mga larawan sa bawat lugar bilang patunay ng paglahok. Ang unang 100 katao na nakakompleto ng paglalakbay ay nakatanggap ng premyo at katibayan mula sa DOT.

Labing-anim na pook ang kabilang sa paglalakbay na ito na mahalagang bahagi ng buhay ni Bonifacio:

  1. Tutuban (Maynila). Dito isinilang at lumaki si Bonifacio.
  2. Simbahan ng Binondo (Maynila). Dito pinakasalan ni Bonifacio ang ikalawa niyang asawa na si Gregoria de Jesus.
  3. Claro M. Recto (Maynila). Dito itinatag ni Bonifacio ang Katipunam at naganap ang sanduguan ng mga Katipunero.
  4. Kuweba ng Pamitinan (Rodriguez, Rizal). Dito tinipon ni Bonifacio ang walong Katipunero noong 12 Abril 1895 upang ideklara ang kalayaan mula sa Espanya.
  5. Dambana ng Sigaw sa Pugad Lawin (Quezon City). Dito naganap ang unang sigaw ng himagsikan kasabay ng pagpunit ng sedula bilang pagtuligsa sa Espanya noong 23 Agosto 1896.
  6. Krus na Ligas (Quezon City). Sa lugar na ito nagtago at namalagi ang grupo ni Bonifacio noong 26 Agosto 1896, matapos ang sagupaan sa Pasong Tamo.
  7. Hagdang Bato (Mandaluyong City). Dito namalagi ng dalawang araw ang mga Katipunero noong 27–28 Agosto 1896. Dito rin ginanap ang huling pagpupulong tungkol sa paglusob sa Maynila.
  8. Dambana ng Pinaglabana (San Juan City). Dito naganap ang unang labanan sa pagitan ng mga guwardiya sibil at Katipunero noong gabi ng 29 Agosto 1896. Nilusob ito ng pangkat ni Bonifacio upang makakuha ng mga armas dahil dito nakalagak ang mga armas ng mga Espanyol.
  9. Pasig Catholic Church o Valentin Cruz Marker (Pasig City). Namalagi ang mga Katipunero sa Lungsod ng Pasig matapos ang sagupaan sa San Juan. Nakituloy sila sa bahay ni Valentin Cruz, pinuno ng mga Katipunero sa Pasig.
  10. Imus Plaza (Cavite). Noong 29 Disyembre 1896 ay nagpulong ang Magdiwang at Magdalo sa isang gusali ng mga prayle sa loob ng plasa. Layunin ng pagpupulong na planuhin ang bagong Konstitusyon at ang posibleng pagsasanib ng puwersa ng dalawang partido.
  11. Tribunal, Noveleta (Cavite). Ito ang nagsilbing kuta ng Magdiwang, ang partido ni Bonifacio, sa Cavite.
  12. Tejeros, Rosario, Cavite. Dito ginanap noong 22 Marso 1897 ang pagpupulong ng Magdiwang at Magdalo, partido ni Emilio Aguinaldo. Isinagawa rito ang unang botohan sa pagpili ng pangulo ng KKK upang magkaroon ng bagong gobyerno. Tinawag na Tejeros Convention ang pulong. Dito pinagtaksilan ng ilang miyembro si Bonifacio sapagkat ang botohan ay ginanap sa Cavite, na sakop ng partido ni Aguinaldo. Nanalo si Aguinaldo na ikinasama ng loob ng Supremo.
  13. Casa Hacienda de Naic (Naic, Cavite). Nanuluyan si Bonifacio sa lugar na ito at binuo niya ang Naic Military Agreement noong 19 Abril 1897.
  14. Pinagbarilan, Indang, Cavite. Dahil sa paglaban ni Bonifacio sa pamumuno ni Aguinaldo, binaril at sinaksak ang Supremo kasama ang nakababatang kapatid nito na si Procopio Bonifacio noong 28 Abril 1897. Dito rin namatay ang isa pa nilang kapatid na si Ciriaco habang bihag at nakakulong ang Supremo at si Procopio.
  15. Col. Riel St., Maragondon, Cavite. Noong 4 Mayo 1897, pinagbintangan sina Andres at Procorpio bilang tagapanguna ng rebelyon laban sa pamumuno ni Aguinaldo. Dinala ang magkapatid sa Maragondon at doon hinusgahan at tinawag na taksil.
  16. Bundok Nagpatong, Maragondon, Cavite. Dinala ang magkapatid na Bonifacio sa Bundok Nagpatong at doon pinaslang noong 10 Mayo 1897.[6]

Sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 Virgilio S. Almario. “Andres Bonifacio.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.  
  2. 2.0 2.1 2.2 Marco B. Lagman, ed. Galileo S. Zafra. “Katipunan.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.  
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 3.5 Jerome B. Vitug. “Mga Mapanghimagsik na Akda ni Andres Bonifacio.” Integratibong Suplemento Filipino, Tomo 8, Bilang 3. Quezon City: Vibal Group, Inc., 2018.  
  4. “Andres Bonifacio’s Pag-Ibig sa Tinubuang Lupa.” Presidential Museum & Library. http://malacanang.gov.ph/7050-andres-bonifacios-pag-ibig-sa-tinubuang-lupa. Accessed 2 Pebrero 2021.
  5. Virgilio S. Almario. “Pag-ibig sa Tinubuang Bayan.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  6. 6.0 6.1 Mary Rose B. Magcamit. “Sundan ang mga Yapak ni Gat Andres Bonifacio.” Integratibong Suplemento Filipino, Tomo 3, Bilang 1. Quezon City: Vibal Group, Inc., 2013.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.