Ambahan

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang ambahan ay kabilang sa mga natatanging anyo ng pagtula sa Pilipinas. Ito ay isang tradisyonal na paraan ng pagsulat ng tula na patuloy na nililinang ng mga Hanunoo Mangyan, katutubong pangkat sa Mindoro.

Nakaukit na Yaman

Natatangi ang ambahan dahil ang tula ay iniuukit sa kawayan gamit ang matulis na patalim o kutsilyo. Ang mga simbolo o titik na ginagamit sa pagsulat nito ay batay naman sa Surat Mangyan, katutubong alpabeto na kanilang kinagisnan.[1]

Ang ambahan ay may sukat na pipituhin bawat taludtod at may tugmaan kahit walang tiyak na bilang ang mga taludtod.[1][2]

Makatang Mangyan

Noong 1993, ipinagkaloob sa makatang Mangyan na si Ginaw Bilog at sa iba pang manunula ng ambahan mula sa Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro ang Gawad Manlilikha ng Bayan (Gamaba). Ang Gamaba ay natatanging parangal na ipinagkakaloob ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) sa mga indibidwal o pangkat na nagpapamalas ng kahusayan at nakapag-ambag sa pagpapanatili ng iba’t ibang katutubong sining sa Pilipinas.[3]

Pumanaw si Ginaw Bilog noong 2003.[3]

Pagtataguyod ng Dayuhan

Malaki ang naitulong ng isang dayuhan para maipakilala sa maraming Pilipino ang tungkol sa ambahan. Sa masigasig na pananaliksik ni Antoon Postma (28 Marso 1929–22 Oktubre 2016), isang antropologong Dutch na mahigit sa 50 taon na nanirahan sa Mindoro.[4]

Unang dumating si Postma sa Mindoro bilang misyonaryong pari.[4]

Sa tulong ni Postma, nagkaroon ng malawakang pag-aaral tungkol sa kulturang Mangyan at naitatag ang Mangyan Heritage Center (MHC) noong Nobyembre 2000. Ang MHC ay matatagpuan sa Calapan City, Oriental Mindoro at itinuturing na isang sentrong pangkaalaman tungkol sa katutubong kultura ng mga Mangyan.[4]

Paraan ng Pagpapalaganap

Ayon sa website ng MHC, isang kaugalian sa mga Mangyan ang kopyahin ang mga nakaukit na ambahan na isinulat ng kanilang mga ninuno. Ipinapasa naman ng mga magulang sa kanilang mga anak ang kaugaliang ito upang patuloy na maging bahagi ng kanilang kultura ang katutubong pagtula. Bukod sa mga sinaunang tula na kanilang iningatan, may mga nagsusulat din ng mga makabagong tula.[5]

Karaniwang binibigyan ng pagkakakilanlan ang awtor ng isang akdang pampanitikan. Subalit para sa mga Mangyan, mas mahalaga ang isinulat kaysa sumulat kaya hindi na nila kinikilala kung sino ang orihinal na nagsulat o umukit ng ambahan.[6]

Pormal na naitala ang mga titik o simbolo ng ambahan sa Memory of the World Registry ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) noong 1999.[1]

Halimbawang Tula

Isang halimbawa ng ambahan na tungkol sa pag-aalaga ng bata:[2]

Kaw danga maglumi Huwag ka ngang umiyak
Kita madnugan kuti Bakâ magising ang pusa
Kuti gin sa siyangi Pusang mula pa sa siyangi
Mag-ingaw magyangyangi Ngumiyaw at mag-ingay
Kita ud may ibawi Wala kitang pambugaw
Kantam bangkaw nabari Sibat natin ay nabali
Kita utak nalumbi. Itak natin ay nabingaw.

Ang sumusunod na tula naman ay tula hinggil sa edukasyon ng kabataan. Inihambing sa tabak ang mga karanasang kailangang pagdaanan ng mga kabataan upang maging kapaki-pakinabang sa lipunan.[2]

Tigday na nawa naw-an Ang tabak kung bago pa
Tigdayan sa daramgan Ikiskis sa hasaan
Bag-o tigday sa kaywan Itaga sa kakahuyan
Siyan nga panmanlangan At sakâ ito subukan
Sa kiling sa kawayan. Sa pagkayas ng kawayan

Mga Sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 Restituto Pitogo. “Mangyan Script and Poetry.” Mangyan Heritage Center. http://mangyan.org/content/mangyan-script-poetry-0. Accessed 6 Enero 2021.
  2. 2.0 2.1 2.2 Virgilio S. Almario. “Ambahan,” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. pdf
  3. 3.0 3.1 Grace Bengco. “Ginaw Bilog,” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. pdf
  4. 4.0 4.1 4.2 Madonna Vorola. “Dutch anthropologist Antoon Postma dies; 87.” Inquirer.net, 23 Oktubre 2016. https://newsinfo.inquirer.net/830053/dutch-anthropologist-antoon-postma-dies-87. Accessed 6 Enero 2021.
  5. “The Origin of the ambahan.” Mangyan Heritage Center. http://www.mangyan.org/content/origin-ambahan. Accessed 6 Enero 2021.
  6. “Introduction to ambahan.” Mangyan Heritage Center. http://www.mangyan.org/content/introduction-ambahan. Accessed 6 Enero 2021.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.


Kategorya:Buhay at Sining Kategorya:Panitikan