Alonso Fajardo de Entenza

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Alonso Fajardo de Entenza ay ang ika-16 na naging gobernador-heneral ng Pilipinas noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Siya ay naglingkod mula 18 Hunyo 1618 hanggang Hulyo 1624. Siya ang pumalit kay Andres Alcaraz.

Panahon ng Pamamahala

Si Fajardo ay isinilang sa Murcia, Spain. Siya ay nagsilbing knight (tao na pinagkalooban ng naturang titulo dahil sa kaniyang galing sa paglilingkod) ng Order of Alcantara. Siya ay dumating sa Cavite noong 2 Hulyo 1618. Sa kaniyang termino naganap ang ikaanim na pagkubkob ng mga Dutch sa Maynila, na naganap sa pagitan ng Oktubre 1618 at Mayo 1619.

Nagpadala si Fajardo ng mga barko sa Macau upang umangkat ng mga bála at balaan ang mga Tsino na huwag munang magpadala ng mga bangka (pangkalakal) dahil tiyak umanong pipigilan sila ng mga Dutch. Pinaghandaan na rin ni Fajardo ang kanilang hukbong pandepensa.

Nang malaman ng mga Dutch na nakahanda nang makipaglaban ang mga Espanyol, binaybay nila ang papuntang Ilocos, at umalis na sa kapuluan ng Pilipinas.

Noong Pebrero 1620, inatasan ni Fajardo si Kapitan Garcia de Aldana y Cabrera, gobernador ng Pangasinan, para sa ekspedisyon upang hanapin at kontrolin ang minahan ng ginto na pagmamay-ari ng mga katutubong Itogon. Nagtayo sila ng kuta sa Bua, na pinangalanan nilang Santisima Trinidad, ngunit isa lamang sa mga minahan ang nakitaan nila na mapagkukunan ng mga batong mineral.

Noong 1621, ipinatayo ni Fajardo ang kumbento ni Santa Clara.

May lumaganap na tsismis noon na nagkaroon ng kalaguyong mangangalakal na Espanyol ang asawa ni Fajardo, at pinatay umano niya ang asawa at pinagiba ang tahanan ng mangangalakal.

Noong 1623, winakasan niya ang isang pag-aalsa sa Visayas.

Namatay si Fajardo noong Hulyo 1624.  

Sanggunian

Carlos L. Quirino, ed. Maria Eloisa G. Pargo de Castro. “Governors-General of the Philippines.” Old Manila 2nd Edition, p. 290. Quezon City: Vibal Foundation, 2020.  

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.