Alejandro G. Abadilla

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Alejandro G. Abadilla (10 Marso 1906–26 Agosto 1969) ay makata, manalaysay, at kuwentista. Nag-aral siya sa Mababang Paaralan ng Baryo Sapa, at pagkaraan sa Mataas na Paaralan ng Cavite, bago tumulak pa-Seattle upang magtrabaho sa isang maliit na palimbagan. Inedit niya roon ang seksiyong Filipino ng Philippine Digest, naging tagapangasiwang editor ng Philippine American Review, at itinatag ang Kapisanang Balagtas na “naglalayong paunlarin ang wikang Tagalog.” Pagbalik sa Filipinas, nakamit niya ang titulong Batsiler sa Sining ng Pilosopiya mula sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1931. Nagsilbi siyang konsehal sa munisipyo ng Salinas hanggang 1934, pagkaraan ay naglako ng seguro para sa Philippine-American Life Insurance.

Si Abadilla, na tinawag ni Pedro Ricarte at itinuturing na “Ama ng Modernistang Pagtula sa Tagalog,” ay sinalungat ang labis na romantisismo sa panitikang Tagalog at de-kahong paggamit ng tugma at sukat sa tula. Tumulong siya sa pagpupundar ng Kapisanang Panitikan, upang isulong ang simulaing labanan ang di-lumalagong panitikang Tagalog.

Ang tulang “Ako ang Daigdig” ang itinuturing na hudyat ng pagsilang ng modernistang pagtula sa Tagalog. Ito ay nakasulat sa anyo ng malayang taludturan.

Si Alejandro ay isinilang sa Salinas, Cavite noong 10 Marso 1906. Napangasawa niya si Cristina Zingalava at nagkaroon ng walong anak.

Pumanaw si Alejandro noong 26 Agosto 1969.

Mga aklat

Kabilang sa mga aklat ni Abadilla ang sumusunod:

  • Piniling mga Tula ni AGA (tula, 1965);
  • Tanagabadilla (tula, 1964; 1965);
  • Sing-ganda ng Buhay (nobela,1947);
  • Pagkamulat ni Magdalena (nobela, 1958)
  • Parnasong Tagalog (antolohiya, 1954)
  • Mga Kuwentong Ginto (antolohiya na kasamang editor si Clodualdo del Mundo Sr., 1936);
  • Ang Maikling Kathang Tagalog (antolohiya, 1954);
  • Maikling Katha ng 20 Pangunahing Awtor (antolohiya na kasamang editor si Ponciana B.P. Pineda,1957).

Sanggunian

Phillip Y. Kimpo Jr. “Alejandro G. Abadilla.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.