Alan Peter Cayetano

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Rep. Alan Peter Cayetano (18th Congress PH).jpg

Si Alan Peter Schramm Cayetano (isinilang noong 28 Oktubre 1970) ay isang Pilipinong politiko na kasalukuyang naninilbihan bilang kongresista ng Unang Distrito ng Taguig – Pateros. Siya ay nagsilbing senador ng Pilipinas mula 2007 hanggang 2017. Nagsilbi rin siya bilang Speaker of the House of Representatives noong 2019 hanggang 2020. Dati rin siyang naging kalihim ng Department of Foreign Affairs simula 2017 hanggang 2018. Noong halalan 2016, tumakbo si Cayetano sa pagkabise presidente katambal ni Pangulong Rodrigo Duterte ngunit nabigo.

Si Cayetano ay mula sa pamilya ng mga politikong mula sa Taguig, kabilang ang ama niyang si dating Senador Rene Cayetano at kaniyang ate na si Pia Cayetano na kasalukuyang senador ng Pilipinas.

Siya rin ang naging tagapangulo ng komiteng namahala sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games. Isa rin si Cayetano sa itinuturong sanhi ng hindi pagkaka-renew ng prangkisa ng ABS-CBN noong 2020.

Personal na buhay

Si Alan Peter Cayetano ay isinilang noong 28 Oktubre 1970 sa Bagumbayan, Taguig. Siya ay anak ng abogado at politiko ring si Renato “Compañero” Cayetano at gurong si Sandra Schramm. Ang mga kapatid niya ay mga politiko rin. Si Pia Cayetano ay kasalukuyang senador ng Pilipinas at dating kongresista ng Taguig. Ang kuya niyang si Ren ay dating konsehal ng Muntinlupa. Ang nakababata naman niyang kapatid na si Lino na isang direktor sa telebisyon at pelikula ay dating kongresista rin ng Taguig at ngayon ay alkalde ng lungsod.

Nag-aral ng elementarya at haiskul si Cayetano sa De La Salle – Zobel. Nagtapos sa kursong political science si Cayetano sa University of the Philippines – Diliman sa Lungsod Quezon. Habang nasa UP, siya ay naging university councilor sa student council. Dahil idolo ni Cayetano ang kaniyang ama, kumuha rin siya ng abogasya sa Ateneo de Manila University kung saan siya nagtapos bilang second honorable mention. Nakapasa siya sa Bar Examination noong 1998.

Napangasawa ni Cayetano si Maria Laarni “Lani” Lopez noong Marso 2004. Si Lani ay kasalukuyang kongresista ng Taguig at naging alkalde rin ng lungsod mula 2010 hanggang 2019.

Politika

Bilang konsehal at bise alkalde

Noong 1992, nahalal si Cayetano bilang konsehal ng Taguig sa edad na 22. Siya rin ang nanguna noong eleksiyong iyon. Siya rin ang unang humawak ng titulong pinakabatang konsehal sa buong Pilipinas. Tinagurian din siyang “Batang Compañero”. Habang konsehal, si Cayetano ay nag-aaral din sa Ateneo Law School.

Sa kaniyang termino bilang konsehal, siya ang naging lider ng mayorya ng munisipalidad ng Taguig (na ngayon ay isa nang lungsod). Naging vice chairman din siya ng people’s law enforcement board, at bahagi ng municipal peace and order at municipal disaster coordinating council.

Noong 1995 naman, nahalal siya bilang bise alkalde ng Taguig. Dahil sa inahing protesta ng mga kalaban sa politika, naproklama si Cayetano bilang bise alkalde, sampung araw bago matapos ang kaniyang termino noong 1998.

Bilang kongresista

Dahil sa pagkadismaya sa hindi niya opisyal na pag-upo bilang bise alkalde ng Taguig, napagpasiyahan ni Cayetano na tumakbo bilang kongresista ng Taguig noong Hunyo 1998 na napagtagumpayan naman niya. Siya ang naging kinatawan ng distrito ng Taguig-Pateros sa Ika-11 Kongreso. Nahalal si Cayetano hanggang sa kaniyang ikatlong termino na nagtapos noong Hunyo 2007.

Bilang kongresista, naging matunog ang pangalan niya bilang bahagi ng Impeachment Team laban kay noon ay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa mga alegasyon ng pagnanakaw, pandaraya, at pagtataksil sa bayan.

Sa unang termino niya bilang kongresista, si Cayetano ay naging assistant majority leader. Noong Ika-12 Kongreso naman, siya ang naupo bilang deputy majority leader at naging senior deputy minority leader noong Ika-13 Kongreso.

Bilang senador

Nahalal si Cayetano bilang senador ng Pilipinas noong eleksiyon 2007. Siya ang ika-8 sa pinakamataas na boto sa eleksiyon noong 2007 para sa posisyong senador. Siya ang naging chairman ng Blue Ribbon Committee na nanguna sa pag-iimbestiga ng NBN-ZTE deal, fertilizer fund scam, at sa pamimigay umano ng pera sa Malacañang.

Siya rin ang naging chairman ng Committee on Education, Culture, and Arts na nanguna sa pagpapasa ng RA 9500 o ang University of the Philippines Charter Act of 2008 at isa sa mga nagsulong ng mas mataas na sahod para sa mga guro. Siya rin ang naging chairman ng Committee on Mass Media and Information na nagsulong ng Freedom of Information Act. Noong Ika-15 Kongreso, siya ang naging Senate Minority Floor Leader at isa sa mga nanguna sa pag-iimbestiga tungkol sa umano’y dayaan noong halalan 2004 at 2007.

Tumakbong muli si Cayetano sa Senado sa ilalim ng partidong Nacionalista noong halalan 2013. Nagwagi siya at nakakuha ng 17,580,813 na ikatlong pinakamataas na boto sa pagkasenador noong eleksiyong iyon.

Pagtakbo bilang bise presidente

Sa isang pagtitipon sa Davao City, inanunsiyo ni Cayetano na tatabo siya bilang bise presidente sa halalan 2016. Una niyang inanunsiyo na tatakbo siya sa ilalim pa rin ng partidong Nacionalista ngunit hindi binanggit kung sino ang makakatambal niya. Noong 21 Nobyembre 2015, naging opsiyal ang pagtakbo ni Cayetano at sinabing si noon ay Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang makakatambal niya. Bagaman nanalo si Duterte sa pagkapangulo, nagtapos naman isa ikatlong puwesto si Cayetano.

Bilang kalihim ng DFA

Matapos ang isang taong itinakda ng batas para sa mga natalong kandidato na humawak ng ibang posisyon sa gobyerno, agad na itinalaga ni Duterte si Cayetano bilang kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Nang maaprubahan ng Commission on Appointments (CA) ang pagtatalaga kay Cayetano sa posisyon noong 17 Mayo 2017, agad namang nagbitiw si Cayetano bilang senador ng Pilipinas. Nanumpa si Cayetano noong 18 Mayo sa Malacañang of the South sa Davao City.

Bilang kalihim ng DFA, ipinanukala ni Cayetano ang mas obhektibong pamamaraan ng pagresolba sa mga pinag-aagawang teritoryo ng Pilipinas at ng ibang bansa, partikular ang China. Ibinigay na halimbawa ni Cayetano ang Kasunduan sa Paris noong 1989 at ang United Nations Convention on the Law of the Sea upang maipaglaban ang mga teritoryo ng Pilipinas. Ipinangako rin ni Cayetano na hindi niya paiiralin ang “microphone diplomacy” o ang patuloy na pagbibigay ng pahayag sa publiko patungkol sa isyu ng magkabilang panig.

Noong Enero 2018, inilahad ni Congressman Gary Alejano na pinayagan at inaprubahan ni Cayetano ang Chinese Institute of Oceanology of the Chinese Academy of Sciences na magkaroon ng pagsasaliksik sa pinag-aagawang Philippine Rise habang hindi naman pinahintulutan ang isang pagsasaliksik din na nais gawin ng mga French na siyentipiko. Noong buwang ding iyon, sinabi ng China na walang karapatan ang Pilipinas sa Philippine Rise.

Noong 9 Oktubre 2018, inanunsiyo ni Pangulong Duterte na may planong tumakbong muli si Cayetano bilang kongresista ng Taguig na hinawakan na rin niya noon. Noong Oktubre 17, nagbitiw si Cayetano eksakto sa huling araw upang makapaghain ng kandidatura sa COMELEC. Siya ay pinalitan ni Teodoro Locsin Jr.

Speaker of the House

Nanalo noong eleksiyon 2019 si Cayetano bilang kinatawan ng distrito ng Taguig – Pateros. Sa unang araw ng Ika-18 Kongreso, nahalal si Cayetano bilang bagong House Speaker matapos magkamit ng 266 na boto laban kay Benny Abante ng Ika-6 na Distrito ng Maynila na mayroong 28 boto. Si Cayetano ang ika-22 naging Tagapagsalita ng Kongreso at opisyal na nanungkulan noong 22 Hulyo 2019.

Siya ay ininomina nina Lord Allan Velasco, Martin Romualdez, at Paolo Duterte. Ang mga pangalang ito ay nagpaabot din ng kanilang intensiyon sa pagtakbo bilang House Speaker ngunit ang inendorso ni Pangulong Duterte ay si Cayetano.

Napagkasunduan nina Velasco at Cayetano na maghati sa termino bilang House Speaker, habang si Romualdez naman ay pumayag na maging Majority Floor Leader. Ang ideya ng pagkakaroon ng hatian sa termino ay ideya ni Pangulong Duterte.

Sa kaniyang unang talumpati bilang House Speaker, nagpasalamat si Cayetano sa mga kasama sa Kongreso sa pagtitiwalang ibinigay sa kaniya. Sa bisa ng term-sharing agreement, si Cayetano ay maglilingkod sa loob ng 15 buwan na susundan ng pag-upo ni Velasco sa mga nalalabing araw ng Ika-18 Kongreso.

Gayunman, noong Oktubre 2020, pinatalsik si Cayetano sa pwesto ng mga kasama sa Kongreso at inihalal si Lord Allan Velasco ng Marinduque bilang bagong House Speaker. Sa pamamagitan naman ng isang Facebook Live video, ipinaabot ni Cayetano ang kaniyang resignation ilang minuto matapos siyang patalsikin sa pwesto.

“I am tendering my irrevocable resignation as the Speaker of the House of the Republic of the Philippines… You held me up to my palabra de honor. I’m holding you up now to your palabra de honor…”

SEA Games Organizing Committee

Si Cayetano rin ang umupo bilang tagapangulo ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC), isang institusyong namahala sa ginanap na 2019 Southeast Asian (SEA) Games. Ang PHISGOC ay mayroong badyet na ₱6 bilyon.

Ang badyet ay naging laman ng pagdinig sa Senado dahil nasilip ang ginastos na ₱50 milyon para sa pagtatayo ng cauldron para sa pagbubukas ng SEA Games. Ayon sa mga senador, masyado itong magastos at makapagpapatayo n asana ng 50 klasrum.

Kontrobersiya sa ABS-CBN Franchise

Isa si Cayetano sa mga naiturong di umano’y dahilan kung bakit hindi nabigyang muli ng prangkisa ang ABS-CBN dahil daw sa hindi nito pag-aksiyon sa mga panukalang batas para sa prangkisa ng network.  Noong Hulyo 2020, tuluyang hindi nabigyan ng prangkisa ang ABS-CBN matapos ang botong 70-11 ng Kongreso.

Sa isang panayam, sinabi ni Cayetano na umpisa pa lamang ay hindi na niya inasikaso ang prangkisa ng network upang matapos na umano ang prebelehiyong pabor sa Pamilya Lopez at upang ipakita sa mga mamamayan na sila ay hindi talaga pabor sa oligarkiya.

Halalan 2022

Sa isnag panayam noong Hulyo 2020, sinabi ni Cayetano na dalawang posisyon lamang ang nais niyang takbuhin sa halalan 2022—maging pangulo o bumalik bilang kongresista ng Taguig. Hindi na raw iniisip ni Cayetano na tumakbo bilang bise presidente na tinakbo na niya noong 2016 ngunit nabigo.

Noong Setyembre 2021, muling nagbigay ng pahayag si Cayetano na seryoso niyang pinag-iisipan ang pagtakbo bilang pangulo sa 2022.

Mga sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.