Alamat ng Lawa ng Lanao

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Lawa ng Lanao ay kabilang sa mga anyong tubig ng Pilipinas na may mahalagang ambag sa pag-unlad ng kulturang Pilipino. Ang lawa ay isa sa mga pinakamalawak at pinakamalalim na lawa sa Pilipinas na matatagpuan sa Lanao del Sur. Kabilang naman ang lawa sa 17 sinaunang lawa sa buong mundo.[1]

Ayon sa Alamat

May iba’t ibang kuwentong-bayan ang nagsasaad ng pinagmulan ng Lawa ng Lanao. Ayon sa isang alamat, wala talagang lawa sa Lanao. Ang kilalagyan ng lawa ay dating pinagyayamang teritoryo ng isang sultanato na tinatawag na Mantapoli. Higit na napalawak ang kanilang teritoryo sa pamamagitan ng pananakop at pag-aasawa. Dahil dito, lumaki ang populasyon ng Mantapoli. Sa panahong iyon, hinati sa dalawang rehiyon ang daigdig: ang Sebangan (Silangan) at Sedpan (Kanluran). Ang Mantapoli ay nasa Sebangan. Dahil sa patuloy na pagdami ng kanilang populasyon at paglakas ng puwersa, hindi naging balanse ang daigdig.[2] [3]

Nabahala si Arkanghel Diabarail kaya pinuntahan niya si Allah at sinabi ang suliranin. Sinabi niya kay Allah na maaaring bumaligtad ang daigdig dahil ang Sebangan ay higit na mabigat kumpara sa Sedpan. Humanga si Allah sa karunungan ni Diabarail. Dahil dito, pinahintulutan ni Allah na maganap ang isang eklipse at inutusan ang mga anghel, sa pamumuno ni Diabarail, na iangat ang Mantapoli at ilagay sa gitna ng daigdig.[2] [3]

Ang naiwang espasyo ng Mantapoli ay naging rabaw ng malalim na katubigan, na ngayon ay ang Lawa ng Lanao.[2]

Kulturang Mëranaw

Pinaniniwalaan ding isa sa mga sinaunang pamayanan sa Mindanao ang Lawa ng Lanao, kung saan naninirahan sa paligid nito ang mga Mëranaw. Liban sa pagkain at transportasyon, ang Lawang Lanao ay nagsilbing daluyan ng mga gawaing pangkultura at panrelihiyon. Para sa kanila, ito ang pinagmulan ng kanilang lahi. Sa paligid ng lawa ay karaniwang maririnig noon ang pag-awit ng Darangën, epikong-bayan ng mga Mëranaw.[1]

Ang Lawa ng Lanao ay tinatawag ding ranao, mula sa salitang Mëranaw na ang kahulugan ay “lawa.” Ang mga katutubong Mëranaw naman ay tinatawag na “mga tao sa lawa.”[2][3]

Mga Sanggunian

  1. 1.0 1.1 Adelfa M. Pascual, ed. Virgilio S. Almario. “Lawang Lanao.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 “How the Angels Built Lake Lanao.“ http://www.seasite.niu.edu/Tagalog/folktales/Maranao/how_the_angels_built_lake_lanao.htm. Accessed 11 Marso 2021.
  3. 3.0 3.1 3.2 Ronald de Jong. “The Maranao Tribe form Lake Lanao.” ThingsAsian, 22 Enero 2010.  http://thingsasian.com/story/maranao-tribe-lake-lanao. Accessed 11 Marso 2021.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.