Alamat ng Ibong Adarna

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Adarna ay isang maalamat na ibon ang pinaniniwalaan ng mga Tagalog na may kakayahang magpagaling ng anomang uri ng karamdaman. May angking ganda at anyo rin ito upang maging bukod-tangi sa iba pang lahi ng mga ibon.

Ibong Adarna.jpg


May mahalagang papel na ginampanan ang Adarna sa korido na pinamagatang Corrido at Buhay Nang Tatlong Principeng, Magcacapatid na Anac nang haring Fernando at nang Reina Valeriana sa Caharian ng Berbania, mas kilala bilang Ibong Adarna. Ang Adarna ay nakatakdang hanapin ng tatlong prinsipeng anak ng hari upang malunasan ang sakit ng kanilang ama.

“May isang ibong maganda

ang pangalan ay Adarna

kung marinig mong magkanta

ang sakit mo’y giginhawa.”

Dahil isang mahiwagang ibon, makikita lamang ang Adarna sa Bundok ng Tabor at nakadapo sa punongkahoy na tinatawag na Piedras Platas, na may tila diyamanteng mga dahon. Gayunman, dahil kailangang pawiin ang gutom, naglalakbay sa umaga ang ibon at tuwing gabi lamang namamalagi roon. Ang Adarna ay napakagandang ibon. Dagdag pa rito ang kaniyang tinig na nakapanghahalina. Nagbabago rin ang kulay ng balahibo nito nang pitong ulit tuwing natatapos ang isa sa pito niyang awit.

“Makapitong hinto baga

ang kaniyang pagkakanta

pito naman ang itsura

balahibong makikita.”

Gayunman, ang pag-awit ng Adarna ay may kakayahang magpatulog. Nakagawian din nito na dumumi tuwing matatapos niya ang pitong awit. Kapag minalas ang nakatulog, matutuluan pa ito ng dumi ng ibon at magiging bato.

“Sa masamang kapalaran

si Don Diego’y nadumihan

ay naging bato rin naman

kay Don Pedro’y naagapay.”

Upang malabanan ang nakaaantok na awit ng Adarna, kailangang sugatan ang sarili at patakan ng dayap. Ang kirot na mararamdaman ay kayang labanan ang antok na dulot ng ibon. Kapag hindi nakatulog, may kakayahang makaiwas sa dumi ng ibon.

“Pitong kanta’y nang mautas

nitong ibong sakdal dilag,

pito rin naman ang hilas

kay don Juang naging sugat.”

Ang Adarna ay isa lamang sa mga mahahalagang tauhan ng korido.

Mga Sanggunian

  • “The Project Gutenberg EBook of Ibong Adarna, by Anonymous.” https://www.gutenberg.org/files/16157/16157-h/16157-h.htm. Accessed 27 Abril 2021.
  • Schedar Jocson, ed. Virgilio S. Almario. “Ibong Adarna.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.  

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.