Alamat ng Chocolate Hills

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Sa Bohol, kung saan matatagpuan ang tanyag na Chocolate Hills, may dalawang alamat ang sinasabing pinagmulan ng 1,268 hanggang 1,776 na mga burol ng tsokolate. Ang dalawang alamat ay malimit na ikuwento ng matatanda o tourist guide sa mga turistang bumibisita roon.

Dalawang Alamat

Narito ang dalawang alamat:

Dalawang Higante

Noong unang panahon, may dalawang magkaaway na higante ang naghagisan sa isa’t isa ng malalaking tipak ng bato at hinulmang lupa at buhangin. Tumagal nang maraming araw ang kanilang pagtatalo hanggang sila ay mapagod. Dahil sa pagod na naramdaman, nakalimutan nila kung ano ang kanilang pinag-awayan kaya sa huli ay nagkasundo na lamang sila na maging magkaibigan. Gayunman, nilisan nila ang lugar na hindi man lang inayos o inalis ang mga nagkalat na bato, lupa, at buhangin. Pinaniniwalaang ang kanilang mga inihagis sa isa’t isa ang pinagmulan ng maraming burol sa Bohol.

Arogo at Aloya

Noong unang panahon, ang higanteng si Arogo ay naisipang bumaba mula sa kalangitan upang tunghayan ang mga gawain ng mga tao. Sa isang bahagi ng dagat, nakita niya si Aloha, isang dalagang mortal, na nangunguha ng mga lamandagat.

Kahit natatakot, nakipag-usap pa rin ang dalaga sa higante na tumulong sa kaniya upang makakuha siya ng lamandagat. Mula noon ay lagi nang hinihintay ni Arogo si Aloya at sila ay lagi nang magkausap. Gayunman, hindi sinasadyang namatay ang dalaga nang makita siya ng isang mangingisda na nag-akalang kakainin siya ng higante. Tinawag ng mangingisda ang mga kasamahan na dinala ang mga sibat at bolo.

Labis na nagdalamhati si Arogo nang mamatay ang dalaga. Dahil sa sobrang pagdadalamhati, umiyak siya nang umiyak. Ang mga patak ng kaniyang luha ay natuyo at mula rito ay nabuo ang Chocolate Hills.

Paliwanag ng Siyensiya

Bukod sa dalawang alamat, pinaniniwalaan din na ang pagkakahubog ng Chocolate Hills ay resulta ng paggalaw ng bulkan sa ilalim ng lupa o sa pagsabog nito sa maraming taon. Sinasabi rin na noong unang panahon, ang malaking bahagi ng timog-kanluran ng Bohol ay nakalubog sa tubig-dagat. Tuwing tagulan, natatangay ang mga pira-pirasong korales at mga talukab papunta sa bahagi ng lupa. Naipon ang mga ito at umangat mula sa dagat bunsod ng malawakang pagbabago sa kalupaan. Nahubog ang mga burol mula sa libo-libong taon na erosyon ng lupa.

Tuwing tagtuyot, kulay tsokolate ang mga burol. Tuwing tag-ulan ay nababalot ito ng mga berdeng damo.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.