Alamat ng Bulkang Mayon

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang “Alamat ng Bulkang Mayon” ay nagsasalaysay sa wagas na pag-iibigan nina Daragang Magayon at Panganoron. Si Magayon ang pinakamagandang babae sa kanilang tribu. Maraming kalalakihan mula sa Bicol ang nanligaw sa dalaga at isa na rito ang mayaman at malupit na si Pagtuga. Gayunman, walang pag-ibig na naramdaman si Magayon para kay Pagtuga at nanindigan ang dalaga sa harap ng amang si Makusog na hindi si Pagtuga ang nararapat sa kaniya kundi si Panganoron na isang Tagalog.

Nagkakilala sina Magayon at Panganoron nang madulas sa bato ang dalaga habang naliligo sa ilog. Nakita at iniligtas siya ng binata. At doon nagsimula ang kanilang pag-iibigan.

Kahit ipinagbabawal noon sa kanilang tribu na maikasal sa ibang tribu, nakiusap si Magayon sa kaniyang ama na payagan silang makasal ni Panganoron. Pumayag si Makusog dahil nakikita niya kung gaano kamahal ng kaniyang anak ang binatang Tagalog. Nang malaman ni Pagtuga ang planong pagpapakasal nina Magayon at Panganoron ay dinukot nito ang ama ni Magayon upang mapilitan ang dalaga na magpakasal sa kaniya. Dahil dito, nilusob ng mga kasamahan ni Panganoron ang kampo ni Pagtuga at naganap doon ang isang labanan. Sa kasawiang palad, sa labanang ito namatay ang magkasintahan.

Naghukay ng lupa si Makusog na paglilibingan ng dalawang magsing-irog. Sa paglipas ng mga araw, napansin ng mga tao na tumataas ang lupang pinaglibingan ng dalawa hanggang sa naging bulkan ito na may perpektong hugis.

Ang bulkan ay tinawag ni Makusog na Bulkang Mayon bilang pag-alala sa kaniyang anak. Ang ulap sa paligid ng bulkan ay pinaniniwalaang si Panganoron. At sa tuwing napaliligiran ng makapal na ulap ang bulkan, naniniwala ang mga nakatira sa paligid nito na hinahagkan ni Panganoron si Magayon.[1]

Paglaganap sa Social Media

Noong Enero 2018, naalarma ang mga naninirahan sa Rehiyong Bicol nang pumutok ang Bulkang Mayon. Umabot pa sa Alert Level 4 ang alert status nito kung saan nagtagal ng halos dalawang linggo ang pag-alburoto ng bulkan. Sa kabila ng takot at pinsalang natamo ng mga mamamayan, isang alamat ang pinaalala ng sakunang ito matapos mag-viral ang isang larawang kuha habang nag-aalburoto ang bulkan.

Sa nag-viral na larawan na kuha ni Bro. Jun Santiago, isa ring freelance photojournalist, ay malinaw na makikita ang imaheng nabuo ng maitim na usok na binubuga ng Bulkang Mayon. Naipakita sa nabuong usok nito ang dalawang nilalang na tauhan sa “Alamat ng Bulkang Mayon” na sina Daragang Magayon at Pangaronon.[2]

Sanggunian

  1. “A Love Story of Explosive Proportions.” Mount Mayon. https://www.mountmayon.com/full-blog/2018/8/8/a-love-story-of-explosive-proportions. Accessed 10 Marso 2021.
  2. Peewee Bacuño. “Here's why that photo of Mount Mayon is trending.” GMA News, 18 Enero 2018.https://www.gmanetwork.com/news/hashtag/content/640171/here-s-why-that-photo-of-mount-mayon-is-trending/story/. Accessed 10 Marso 2021.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.