Aklatang Bayan

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Aklatang Bayan ay samahan ng mga manunulat na Tagalog na naitatag sa Tondo, Maynila noong 1910. Dito unang nagtipon ang mga unang haligi ng panitikang Tagalog. Kabilang sa samahan sina Lope K. Santos, Carlos Ronquillo, Faustino Aguilar, Severino Reyes, Rosauro Almario, Julian Cruz Balmaseda, Gerardo Chanco, at Precioso Palma.

Marami ang naiambag ng Aklatang Bayan upang isulong ang wika at panitikang Tagalog laban sa nangingibabaw noon na wikang English. Nagdaos ng iba’t ibang patimpalak at programa ang mga tagapangasiwa ng Aklatang Bayan kaya naman naging masigla ang panitikang Tagalog sa panahong ito. Ang samahang ito rin ang nanguna sa pagdiriwang ng mga kaarawan nina Francisco Balagtas at Andres Bonifacio upang higit na maipakilala ang panitikang Tagalog.

Ang Aklatang Bayan din ang nanguna sa pagkampanya sa wikang Tagalog upang maging pambansang wika.

Upang higit na maisulong ang panitikang Tagalog, nagsulat ng mga nobela ang mga kasapi ng Aklatang Bayan at yugtuang nailathala ito sa mga pahayagan. Kabilang dito ang Salawahang Pag-ibig ni Lope K. Santos at Nena at Neneng ni Valeriano Hernandez Peña.

Sanggunian

Schedar Jocson, ed. Virgilio S. Almario. “Aklatang Bayan.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.