Aklasang Bayan sa EDSA

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Historical marker ng EDSA People Power na itinayo ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas noong 25 Pebrero 2011 sa sulok ng EDSA at Abenida White Plains sa Lungsod Quezon

Tumutukoy ang Aklasang Bayan sa EDSA, na kilala rin bilang EDSA People Power, sa mapayapang pag-aaklas ng laksa-laksang Pilipino laban sa mapaniil na diktadura ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos. Naging titis sa pag-aaklas ang kudeta nina Hen. Fidel V. Ramos, noon ay ikalawang hepe de estado mayor, at Juan Ponce Enrile, noon ay kalihim ng Tanggulang Pambansa—na sinuportahan ng panawagan ni Jaime Cardinal Sin sa taumbayan na pigilin ang napipintong madugong bakbakan ng mga sundalo sa Camp Crame at Camp Aguinaldo, na malapit sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA). Nagsimula ang pag-aaklas noong gabi ng 21 Pebrero 1986 at nagwakas noong 25 Pebrero 1986 nang sapilitang isakay sa eroplano ng Amerikano ang pamilyang Marcos—bitbit ang daan-daang papeles, alahas, kagamitan, at di-mabilang na salapi—at idestiyero sa Hawaii.

Ugat ng Pag-aaklas

Mauugat ang Aklasang Bayan sa EDSA nang ideklara ni Marcos ang Batas Militar noong 1972. Nagprotesta sa lansangan ang libo-libong estudyante, manggagawa, magsasaka, negosyante, at iba pang tao mula sa mga mahihirap na sektor upang tutulan ang lumalaganap na kahirapan at panggigipit ng administrasyong Marcos. Sumiklab din ang rebolusyong inihasik ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), Bagong Hukbong Bayan (BHB), at Pambansang Demokratikong Prente (NDF). Ngunit maagap namang sinupil iyon ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, at ikinatwiran ni Marcos na kailangang maibalik ang estabilidad ng bansa. Sinisi rin ni Marcos ang aniya'y kutsabahan ng mga makakaliwang grupo, kasama ang mga rebeldeng Moro, at ang malalaking negosyanteng kumokontrol umano ng ekonomiya ng bansa.

Itinatag ni Marcos ang partidong Kilusang Bagong Lipunan (KBL) upang isulong ang kaniyang bagong bisyon para sa Pilipinas. Isinulong niya ang pakikipag-ugnayan sa mga bansang ASEAN, nakipagkasundo at binuksan ang pinto para sa Tsina, USSR, at iba pang bansa, at isinabatas ang pagpapadala ng mga Pilipinong manggagawa sa ibayong-dagat upang maiangat ang kabuhayan ng mga dukha. Sinikap din ni Marcos na palakasin ang pamahalaang lokal sa pamamagitan ng pagtataguyod sa mga barangay, ngunit hindi ganap ang naging tagumpay niyon dahil ang panustos sa naturang mga barangay ay nagmumula pa rin sa pambansang pamahalaan at nabahiran ng di-inaasahang korupsiyon. May mga batas din na ipinagtibay para itaguyod ang repormang agraryo subalit ang pagpapatupad niyon ay naging pangarap lamang hanggang sa adminstrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Nagpatayo ng mariringal na pampublikong gusali si Marcos,tulad ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, Manila Film Center, Philippine International Convention Center, at Philippine Coconut Palace. Gayunman, nagpatuloy ang protesta ng taumbayan dahil patuloy na lumaganap ang kahirapan at ang nakikinabang lamang sa yaman ng bansa ay ang iilang mayayamang angkan.

Sukdulan ng Kabagsikan

Benigno “Ninoy” Aquino Jr.

Umabot ang rurok ng diktadura ni Marcos nang mapaslang si dating Senador Benigno Aquino Jr. noong 21 Agosto 1983 habang pababâ sa tarmak ng Manila International Airport. Nagbabala si Ninoy, palayaw ni Aquino, na sakali’t mapatay siya ay walang dapat sisihin kundi ang rehimen ni Marcos.

Sumiklab ang serye ng mga protesta sa lansangan na sinagot naman ng panggigipit at pandarahas ng administrasyon ni Marcos. Tuloy-tuloy na gumuho ang ekonomiya, umangal ang mga negosyante, at nagpahayag ng pagkabahala ang Estados Unidos ukol sa pamumuno ni Marcos. Walang nagawa ang dating pangulo kundi tumawag ng mabilisang halalan noong 23 Nobyembre 1985, upang mabatid kung sino ang karapat-dapat mamuno sa Pilipinas.

Naganap ang pambansang halalan noong 7 Pebrero 1986. Si Corazon Aquino, maybahay ni Benigno Aquino Jr., ang kandidato ng oposisyon sa pagkapangulo at si Salvador Laurel naman ang kumandidato bilang pangalawang pangulo sa ilalim ng pinagsanib ng mga organisasyon ng oposisyon. Samantala, si Marcos ay tumakbo bilang pangulo, at si Arturo Tolentino ang kaniyang pangalawang pangulo sa ilalim ng partidong KBL.

Makasaysayan ang araw na iyon dahil lumahok ang ilang milyong Pilipino upang bumoto. May mga umangal ding libo-libong botante dahil naglaho ang kanilang pangalan sa mga listahan ng Komisyon sa Halalan o Commission on Elections (Comelec). Naganap ang malawakang dayaan at kaguluhan sa buong bansa. Sa opisyal na talaan ng Comelec, si Marcos ay may 10,807,197 boto at si Aquino ay may 9,291,761 boto. Gayunman, sa talaan ng National Movement for Free Elections (NAMFREL), si Aquino ay nakapagtala ng 7,835,070 boto habang si Marcos ay may 7,053,068 boto.

Nagbitiw sa tungkulin ang ilang kawani ng Comelec upang tutulan ang diumano’y dayaan sa pagpapaskil ng datos sa pisara. Binatikos ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang malaganap na dayaan, at pati ang Estados Unidos ay nagpasa rin ng resolusyon ng pagkadismaya. Sa kabilang dako, nanalig si Marcos na siya ang nagwagi sa halalan, habang iginugupo ng matinding sakit na lupus, at naghihiyawan sa protesta ang mga tao sa iba’t ibang lalawigan.

Ang Pagtiwalag

Tumiwalag sa kani-kaniyang tungkulin sina Ramos at Enrile nang mabatid nilang daramputin na sila ng mga tauhan ni Marcos. Eksaktong 6:45 ng umaga, Biyernes, 22 Pebrero 1986, nang sina Enrile at Ramos ay nagpahayag na kanilang pagtutol sa naganap na halalan, at tumiwalag sa kanilang tungkulin. Ang dalawang opisyal ay nagbarikada sa dalawang kampo militar sa kahabaan ng EDSA. Si Ramos ay nasa Kampo Crame, na punong himpilan ng Philippine Constabulary-Integrated National Police; at si Enrile naman ay sa Kampo Aguinaldo na punong himpilan ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas. Kasama nina Ramos at Enrile ang ilang daang sundalo na ang pinakakilala ay si Col. Gregorio “Gringo” Honasan,” na handang harapin ang paglusob ng mga sundalong tapat kay Marcos at nasa pamumuno ni Hen. Fabian Ver, na hepe de estado mayor noon.

Makalipas ang ilang oras, isinahimpapawid ng Radio Veritas ang pahayag nina Ramos at Enrile. Matapos na malaman ni Marcos ang pahayag nina Ramos at Enrile, nagpalabas din siya ng sariling pahayag sa radyo, at sinabing sumuko na ang dalawa at itigil na ang kanilang balak.

Alas-nuwebe ng gabi, nagbigay ng pahayag si Arsobispo Jaime Cardinal Sin sa mga Pilipino na lumabas ng bahay, pigilan ang napipintong madugong bakbakan, at saklolohan sa kung ano-anong paraan ang mga nagrebeldeng kawal.

Agos ng mga Tao

Ang Radio Veritas ang nagsilbing tagapagbalita ng mga pangyayari dahil ang ibang estasyon ng radyo ay takot na isahimpapawid ang nagaganap na pag-aaklas. Kahit may bantang maipasara, lihim na ipinagpatuloy ng Radio Veritas ang tungkuling ihatid sa taumbayan ang kinakailangang impormasyon. Naging tinig si June Keithley ng himagsikan, at ang iba pa niyang kasama sa Veritas, samantalang naghahatid ng impormasyon sa pagkilos ng mga sundalo ng pamahalaan laban sa mga rebelde na nasa loob ng dalawang kampo.

Dumagsa ang laksa-laksang tao mula sa iba’t ibang sektor at kung saan-saang lalawigan sa EDSA. Nanguna ang sektor relihiyoso, at anuman ang relihiyon ng mga tao ay nagkaisa’t nagdasal tungo sa mapayapang resolusyon ng mga pangyayari. Samantala, umulan ng pagkain at inumin sa hanay ng mga nag-aaklas na taumbayan. Nagbigayan ang bawat isa, at isinabuhay ang tunay na diwa ng bayanihan.

Noong 23 Pebrero 1986, makatapos ang tanghalian, sina Enrile at Ramos ay nagpasiyang pag-ibayuhin ang kanilang puwersa. Nagpunta si Enrile sa Kampo Crame.

Kinahapunan, ibinalita ng Radio Veritas na may mga papalapit na kawal ng Philippine Marines sa dalawang kampo. Ang nasabing mga kawal ay lulan ng mga tangke at sasakyang pandigma, na pinamumunuan ni Hen. Artemio Tadiar. Napigil ng mga tao ang kaniyang hukbo sa kahabaan ng Ortigas Avenue na may dalawang kilometro na lamang ang layo sa kinalalagyan nina Enrile at Ramos. Nagkapit-bisig ang mga tao at humarang sa mga tangke. Pinagbantaan ni Tadiar ang mga tao ngunit hindi natinag ang mga ito. Napilitang umatras ng mga sundalo, at himalang walang kaguluhang nangyari.

Kinagabihan, ang transmitter ng Radyo Veritas ay nasira. Nagawang makalipat ng ibang estasyon ang mga tauhan ng Veritas at naibalik ang pagsasahimpapawid. Si Keithley ang nagpatuloy ng programa sa naturang radyo.

Madaling araw ng Lunes, 24 Pebrero, nagpakawala ng tear gas ang mga kasapi ng hukbong pandagat na nagmula sa Libis upang mapaalis ang mga taong nakabarikada, at nang umalis ang mga tao, pumasok ang hukbo sa silangan bahagi ng Kampo Aguinaldo.

Pagkatapos, ipinadala ang mga helikopter ng 15th Air Force Strike Wing, na pinamumunuan ni Hen. Antonio Sotelo sa Kampo Crame upang tapusin na ang mga rebelde sa loob. Imbes na atakihin ng mga helikopter ang kampo, inilapag ang mga ito sa loob, at nagsibaba ang mga sundalong lulan niyon, at nakisimpatiya sa mga rebeldeng sundalo. Nagdiwang ang mga tao, at niyakap ang mga sundalong kumampi sa pag-aaklas. At dahil sa pagdating ng mga helikopter, lalong lumakas ang loob at moral nina Enrile at Ramos, at nagpatuloy sa paghimok sa mga kapuwa sundalo na umanib sa kanilang ipinaglalaban.

Pagkuha sa Channel 4

Noong 23 Pebrero, iniulat ni Keithley sa himpapawid na may natanggap siyang ulat, na nilisan na ng Pamilya Marcos ang Palasyo ng Malacañang. Narinig ng mga tao sa EDSA ang magandang balita, natuwa at nagdiwang ang lahat, pati sina Enrile at Ramos na lumabas sa Kampo Crame. Ngunit ang kanilang saya ay panandalian lamang dahil nagpakita si Marcos sa telebisyon sa pamamagitan ng Channel 4, at sinabing: “I would not step down.” [Hindi ako bababâ sa puwesto!]

Naputol ang pagsasahimpapawid ng Channel 4. Ipinadala si Koronel Mariano Santiago at ang kaniyang mga tauhan upang mabawi ang naturang estasyon. Tanghali na nang maibalik sa ere ang Channel 4, at may tinig na nagsabing “This is Channel 4. Serving the people again.” Nang sandaling iyon, tinatayang milyon na ang bilang ng mga tao sa EDSA.

Kinahapunan, inatake ng mga helikopter na nasa kamay na ng mga rebelde ang Villamor Air Base, na kinaroroonan ng dalawang sasakyan ng dating pangulo. Ang isang helicopter naman ay nagtungo sa Malacañang at nagpakawala ng rocket, na nagdulot ng bahagyang sira sa palasyo. Dahil sa mga pangyayaring ito, halos lahat ng opisyal ng hukbong sandatahan at pulisya na nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) ay tumalikod na sa pamahalaan, pati na rin ang halos lahat ng sundalo sa Hukbong Sandatahan ng Pilipinas.

Huling Oras ni Marcos

Noong 24 Pebrero, ipinalabas sa telebisyon ang naganap na pag-uusap nina Marcos at Ver hinggil sa kung ano ang desisyon ni Marcos sa mga tangke na nakapuwesto sa EDSA. Sinabi ni Ver na ibigay lang ni Marcos ang kaniyang utos at pauulanan ng bala at bomba ng kaniyang mga sundalo ang mga tao. Nagmatigas si Marcos na huwag magpapaputok at iwasan na dumanak ang dugo.

Ito ang aktuwal na diyalogo sa telebisyon:

Pamilya Marcos noong 1969
Fabian Ver: We have to immobilize the helicopters they've got. We have two fighter planes flying now to strike at anytime, sir.
Ferdinand Marcos: My order is not to attack.
Ver: They are massing civilians near our troops and we cannot keep on withdrawing. You asked me to withdraw yesterday....
Marcos(sumabat): My order is to disperse (them) without shooting them.
Ver: We cannot withdraw all the time...
Marcos: No, no, no, no! Hold on. You disperse the crowds without shooting them. You may use any other weapons...

Ang Inagurasyon

Nagsimulang paputukan ng mga rebeldeng sundalo ang mga sundalong tapat kay Marcos na kumokontrol sa Channel 4 noong umaga ng 25 Pebrero 1986.

Noong umaga din iyon, si Cory Aquino ay nanumpa bilang Pangulo ng Pilipinas sa isang simpleng seremonya sa Club Filipino, na may ilang kilometro lamang ang layo sa Kampo Crame. Nanumpa si Aquino sa harap ni Hukom Claudio Teehankee, habang si Salvador Laurel ay nanumpa bilang pangalawang pangulo kay Hukom Vicente Abad Santos. Dumalo sa seremonyang ito sina Ramos na naging heneral, Enrile, at ibang politiko na naniniwala sa pagkapanalo ni Aquino.

Nagpatuloy ang protesta at naging tanyag na awit ang “Bayan Ko,” na mula sa tula ni Jose Corazon de Jesus at sa himig ni Constancio de Guzman.

Makalipas ang isang oras, nanumpa naman si Marcos sa harap ng kaniyang tagasunod bilang pangulo ng Pilipinas, at isinahimpapawid ng Channel 7. Pagkatapos ng manumpa ni Marcos, mabilis na umalis ang kaniyang pamilya at ang ilang taong malalapit sa kanila upang lumipad tungong Clark Field, Pampanga, bago isinakay sa eroplano ng mga Amerikano patungong Guam, at pagkaraan ay humimpil sa Honolulu, Hawai'i.

Umapaw ang mga tao sa Mendiola nang mabalitaang nilisan ng mga Marcos ang Malacañang. Ilang sandali pa’y nawasak ang harang tungong palasyo at nilusob ng mga tao ang Malacañang. Kinulimbat ng iba ang kung ano-anong bagay sa loob ng naturang lugar, nagsaya at nag-inuman, samantalang ang iba’y pinigil ang madla na manira ng mga gamit. Sa unang pagkakataon ay nakayapak sa bakuran ng mga Marcos ang mga karaniwang tao.

Iba pang Aklasang Bayan

Naulit ang Aklasang Bayan sa EDSA, na tinawag na EDSA Dos, nang patalsikin naman si dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada ng mga kalaban niya sa politika noong 2001. Muntik nang magkaroon ng EDSA Tres, at kung hindi sumaklolo ang mga loyalista ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay malamang na tumaob na siya sa puwesto nang lusubin ng mga maralitang tagalungsod ang Malacañang noong 1 Mayo 2003. Pinaputukan ang mga demonstrador, at dinakip ang daan-daang tao matapos ipataw ang pansamantalang Batas Militar.

Mga Sanggunian

  • Mercado, Paul Sagmayao, and Tatad, Francisco S. People Power: The Philippine Revolution of 1986: An eyewitness history. Manila, Philippines. The James B. Reuter, S.J., Foundation. 1986.
  • Baron, Cynthia S. and Suazo, Melba M. Nine Letters: The Story of the 1986 Filipino Revolution. Quezon City, Philippines. Gerardo P. Baron Books. 1986
  • Schock, Kurt. Unarmed Insurrections: People Power Movements in Nondemocracies. Minneapolis, USA. University of Minnesota Press. 2005.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.