Ahon Laylayan Coalition

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Ahon Laylayan Coalition ay isang inisyatibong sinimulan ni Vice President Leni Robredo kasama ang iba’t ibang organisasyon na naglalayong malabanan ang kahirapan at pagkagutom ng mga Pilipino sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, pakikiisa ng mamamayan sa gawain ng pamahalaan, at gamitin at pangalagaan ang kalayaan at demokrasya.

Pormal na inilunsad ni Robredo ang Ahon Laylayan Coalition noong Pebrero 2019 sa University of the Philippines – Diliman sa Lungsod Quezon kasama ang walong kandidato ng Partido Liberal na tinatawag na Otso Diretso.

Simula at layunin

Pangunahing layunin ng Ahon Laylayan Coalition ang pagaanin at tulungan ang mahihirap na mamamayan at mga komunidad sa Pilipinas sa tulong ng mga proyektong batay sa pangangailangan ng mga ito. Mayroong iba’t ibang kinatawan ng bawat sektor ng lipunan sa bawat lalawigan at bayan ang Ahon Laylayan Koalisyon.

Nakikipagpulong si Robredo at kaniyang mga kinatawan sa mga kababaihan, tsuper, magsasaka, mangingisda, persons with disabilities (PWDs), non-governmental organizations (NGOs), LGBT members, urban poor, mga iskolar, miyembro ng akademya, mga propesyonal na manggagawa, mga kabataan, maging faith-based groups upang isa-isahin ang mga isyu na kanilang kinahaharap at kung ano-ano ang mga solusyon na maaaring ibigay o isagawa ng tanggapan ni Robredo at mga katuwang na pribadong organisasyon at sektor.

Ayon kay Robredo, ito raw ay batay sa binuong Naga City People’s Council. Mula raw sa proyektong ito ng kanilang lungsod, nakita nila ang kahalagahan ng pakikiisa ng mamamayan at pagbibigay ng sapat na kakayahan sa bawat sektor na solusyunan ang mga nakikitang problema.

Ang Ahon Laylayan Coalition daw ang magsisilbing inspirasyon at tulong sa mga mamamayan ng bawat bayan, lungsod, o lalawigan at sila ang maghahanap ng mga asosasyon at mga tanggapan na maaaring makatulong upang mabigyang sagot ang mga suliranin ng kanilang lugar.

Mayroong tatlong hakbang ang Ahon Laylayan Coalition na nais nilang magawa ng mga lugar na pinupuntahan nila. Una ay ang pagpunta at personal na pakikipagpulong sa mga sektor upang matalakay ang mga isyu. Ikalaw ay ang pag-oorganisa ng bawat sektor sa posibleng mga solusyon na kanilang natukoy. Panghuli ay ang pagtutulong na ng mga organisasyon at tanggapang nahanap ng Koalisyon upang matugunan na ang mga pangangailangan.

Nagmula ang pangalang Ahon Laylayan sa ginamit na linya ni Robredo sa kaniyang kampanya noong 2016 nang tumakbong bise presidente ng Pilipinas. Ayon kay Robredo, tulad niya ang mga mahihirap na Pilipino noong una siyang kumandidato sa isang pambansang posisyon—nag-umpisa sa laylayan at unti-unting umangat.

Paglulunsad sa buong bansa

Inilunsad ang Ahon Laylayan Coalition sa iba’t ibang bahagi ng bansa noong 2019. Sa pagbubukas ng proyekto sa UP Diliman, kasama ni Robredo ang mga kandidato ng Liberal Party na kilala rin bilang ‘Otso Diretso’ kung saan lumagda sila ng isang kasunduan bilang pagpapatunay ng kanilang pakikiisa sa mga layunin ng proyekto upang maiangat at mapalakas ang mga nasa laylayan.

Isa sa mga unang lungsod na nakabuo ng koalisyon ay ang Naga City na kilalang balwarte ni Robredo. Sa lungsod rin niya nakuha ang ideya ng pagbuo ng Ahon Laylayan Coalition. Kasabay din ng paglulunsad ng koalisyon ang pagsasagawa ng ilang proyekto sa mga lalawigan ng Bicol region kabilang ang pagtatayo ng seawall sa San Andres, Catanduanes.

Nakipagpulong din si Robredo sa mga bahagi ng koalisyon sa Bulacan, Bohol, at Cebu City kasama ang mga kandidato ng Otso Diretso upang ilunsad ang Ahon Laylayan Coailtion.

Noong Abril 2019, bilang bahagi ng pagdiriwang ng kaniyang kaarawan, tumungo si Robredo sa Marawi City upang ilunsad roon ang Ahon Laylayan Coalition. Dumalo ang nasa 2,000 kinatawan ng iba’t ibang sektor upang pag-usapan ang mga isyung kinakailangang matugunan sa lungsod na nakaranas ng pagkasira dahil sa naganap na Marawi Siege. Ang pagdalaw ni Robredo sa Marawi City ay nagsilbing karagdagang tulong sa lungsod maliban pa sa proyekto ng bise presidenteng Angat Buhay.

Sa panahon ng pagtama ng COVID-19, patuloy pa rin ang Ahon Laylayan Coalition sa pagtugon sa mga suliranin ng mga Pilipino. Noong Marso 2021, nagtungo si Robredo sa ilang bayan sa Iloilo upang bisitahin ang kaniyang sinimulang Community Learning Hubs. Kasabay nito ay ang pakikipagpulong sa mga kasapi ng Ahon Laylayan Coalition sa Iloilo City upang matugunan ang mga suliranin sa trabaho at kabuhayan ng mga mamamayan sa gitna ng kinahaharap na krisis pangkalusugan.

Ahon Laylayan para kay PNoy

Noong Hunyo 2021, nang yumao si dating Pangulong Benigno "Noynoy" S. Aquino III, isang pagbibigay pugay ang ginawa ng mga kasapi ng Ahon Laylayan Coalition. Nagtipon ang ilang miyembro ng koalisyon sa Cebu upang magtirik ng kandila at magsabit ng dilaw na laso sa Fuente Osmeña. Nagkaroon din ang mga kasapi ng sampung araw ng pagluluksa sa pagpanaw ni Aquino.

Ayon sa mga kasapi ng koalisyon, malaki ang naitulong ni Aquino at ni Robredo sa kanilang kabuhayan at natugunan ng mga ito ang isyu ng kanilang lugar. Hinahangaan din daw nila si Aquino dahil hindi nito piniling maging marahas sa kapuwa noong ito ay pangulo pa at nanindigan para sa bansa sa usapin ng agawan ng teritoryo laban sa China.

Mga Sanggunian

  • “About page”. “Ahon Laylayan Coalition Facebook page”. (Hinango noong 18 Agosto 2021).

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.