Abdulmari Imao
Si Abdulmari Asia Imao, katutubo ng Sulu, ay isang iskultor, pintor, manunulat, at mananaliksik ng kultura. Noong 2006, kabilang siya sa pitong hinirang na Pambansang Alagad ng Sining, at ang unang Muslim na ginawaran ng nasabing parangal. Nakikita sa kaniyang mga gawa ang mga elemento ng kulturang Muslim.
Buhay
Ipinanganak siya noong 14 Enero 1936 sa Jolo, Sulu at anak nina Jamasili Ali at Asia Juraiya Imao. Nag-aral siya ng Fine Arts sa Unibersidad ng Pilipinas kung saan naimpluwensyahan siya ng kaniyang mga guro na sina Guillermo Tolentino at Napoleon Abueva.
Bilang isang iskultor at pintor, kumuha siya ng inspirasyon mula sa mga makasining na tradisyon ng mga lalawigan sa katimugang parte ng Pilipinas, partikular na ang sining ng disenyong pang-ukit na okir. Ang kaniyang sining ay mababalangkas sa apat na natatanging tema: ang kaligrapiya ng Islam, ang sari-manok, ang sari-mosque, at ang sari-okir. Naisagawa niya ang mga nasabing tema sa iba't ibang proseso ng paglililok, kabilang dito ang metal casting, welding, embossing. Naisasama niya rin ang mga ito sa pagpipinta at nagagamit sa iba't ibang midyum tulad ng brass at tanso sa eskultura.
Gumawa rin siya ng mga iskultura at monumento ng mga bayani at lider na Muslim na galing sa iba’t ibang rehiyon.
Ilan sa kaniyang mga Gawa
- Industry Brass Mural, Philippine National Bank, San Fernando, La Union
- Mural Relief on Filmmaking, Manila City Hall
- Industrial Mural, Central Bank of the Philippines, San Fernando, La Union
- Sulu Warriors (representasyon nina Panglima Unaid at Captain Abdurahim Imao), 6 ft., Sulu Provincial Capitol
Mga Parangal at Gantimpala
- Tumanggap ng Ten Outstanding Young Men award noong 1968
- Gawad CCP para sa Sining mula sa Cultural Center of the Philippines, 1990
Ang mga gantimpala niya mula sa Art Association of the Philippines ay:
- Ikatlong gantimpala, Animals Memorial, 1960
- Ikatlong gantimpala, Moslem Prayer, 1962
- Gintong medalya para sa eskultura, 1980
Sanggunian
- CCP Encyclopedia of Philippine Art. Vol IV. Philippine Visual Arts. Manila: Cultural Center of the Philippines, 1994.
- Abdulmari Imao is first Moro National Artist. (Hinango noong 7 Mayo 2008).
- Abdulmari Asia Imao. (Hinango noong 7 Mayo 2008).
Pagkilala
![]() |
Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi. |