AIDS

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Acquired Immune Deficiency Syndrome[1][2] o AIDS (bigkas: akwayrd imyun depisyensi sindrom) ay isang nakamamatay na sakit na bunga o dulot ng birus na tinatawag na human immunodeficiency virus (bigkas: human imunodepsiyensi bayrus). Kabilang ang AIDS sa mga sakit na nakukuha sa pakikipagtalik.[1]

Etimolohiya

HIV

Binubuo ang terminong Ingles na HIV ng mga salitang human, immunodeficiency, at virus. Sa kasong ito, tumutukoy ang salitang human sa "umaapekto sa tao," sapagkat nakaapekto ang AIDS o HIV sa kalusugan ng isang tao. Kakulangan naman ng depensang pangkatawan na lumalaban sa mga karamdaman ang immunodeficiency, mula ito sa pinagsanib na immune at deficiency. Samantalang tumutukoy naman ang salitang virus sa mismong mikrobyo - ang birus - na nagdurulot ng sakit na ito. Ang birus na HIV ang dahilan ng pagkakaroon ng karamdamang AIDS.[1]

AIDS

Binubuo ang terminong Ingles na AIDS ng apat na mga salita: ang acquired, immune, deficiency, at syndrome. Sa kasong ito, nangangahulugan ang acquired ng "hindi likas na taglay ng katawan ng tao," "nahahawa sa ibang tao," pero "hindi namamana." Ibig sabihin naman ng immune ang "panlaban ng katawan sa mga sakit," samantalang nangangahulugang "may kakulangan" o "hindi sapat" ang salitang deficiency. Bilang huli, nangangahulugang "sama-samang mga sakit” naman ang salitang "syndrome." Sa kabuoan at samakatuwid, ang AIDS ay ang "pagtitipon-tipon ng mga sakit at sintomas o palatandaang nakukuha dahil sa kakulangan ng depensa ng katawan laban sa anumang uri ng sakit."[1]

Katangian

Ang sakit

Ilan sa mga katangian ng taong may sakit na AIDS ang pagkakaroon ng mababang bilang ng mga katulong na selulang-T (Ingles: helper T cell), ang pagiging positibo sa pagsusuri hinggil sa HIV (mayroong HIV), at ang pagkakaroon ng ilang natatanging karamdamang kagaya ng sarcoma ni Kaposi, Pneumocystis carinii pneumonia, tuberkulosis, at iba pang sakit na dulot ng mga fungi. Ayon sa mga pag-aaral sa larangan ng panggagamot, sinasabing mahigit-kumulang sa sampung taon bago tuluyang masabing may AIDS ang isang taong naging positibo sa HIV. Hanggang sa ngayon, walang lunas para sa HIV o AIDS, subalit maraming pag-aaral ang isinasagawa para sa mga gamot na magagamit laban sa HIV/AIDS, na maaari ring maging ganap na lunas o bakuna laban sa HIV. Isa pa sa mga katangian ng birus na ito ang hindi pagpili sa kung sino ang magkakaroon nito. Maaaring magkaroon ng AIDS ang kahit sinumang tao.[1]

Ang Vayrus

Sinisira ng humano imunodepisiyensang birus[3] o HIV ang likas na pananggalang at panlaban ng katawan ng tao laban sa iba’t ibang uri mga sakit at mga impeksyon.[1]

Palatandaan

Kabilang sa mga sintomas ng pagkakaroon ng HIV at AIDS ang pamamaga ng mga kulani na tumatagal ng may mga tatlong buwan, pag-ubo at pagkakaroon ng lagnat na tumatagal ng may higit sa isang buwan, pagiging madaling mapagod kahit wala namang ginagawa, ang pagbaba ng timbang, pangangayayat, mga sugat o sakit sa balat na hindi gumagaling, at ang pagtatae. Maaaring tumagal ang impeksyon simula lima magpahanggang sampung mga taon bago maging ganap na AIDS ang sakit. Sa kadalasan, walang mapagmamasdan o lumilitaw na mga palatandaan ang isang taong impeksiyong HIV.[1]

Paghawa

Naisasalin ang HIV sa ibang tao sa pamamagitan ng hindi napuproteksyonang pakikipagtalik sa isang taong may HIV o AIDS, sa pagsasalin ng nakontaminahang dugo, sa paghihiram-hiraman ng mga heringgilyang ginamit ng taong may HIV at AIDS. Naisasalin din ito ng isang inang may HIV o AIDS sa isang sanggol sa kapanahunan ng pagdadalantao, panganganak, at pagpapasuso.[1]

Hindi nakukuha ang HIV mula sa paghahalikan, pagbebeso-beso, laway, yakapan, pag-ubo, pawis, luha, hatsing o pagbahing, pakikipagkamayan, paghihiraman ng mga damit, pakikisalo sa pagkain, paghiram ng mga kubyertos, kagat ng lamok, pagtabi sa pagtulog, at paggamit ng kubeta.[1]

Pag-iwas at pag-iingat

Naiiwasan ang pagkakaroon ng HIV at AIDS sa pamamagitan ng mga sumusunod na gabay na titik pang-abakada:[1]

  • A – para sa Abstinensiya (pagpipigil at pagtanggi, pagsasabi ng Ayoko muna! sa katalik kung ibig nitong makipagtalik na).
  • B – para sa Basta, ikaw lang! ang katalik o pag-ibig ng iyong asawa o kasintahan (katumbas ng "Be faithful!" sa Ingles).
  • C – para sa Condom ay gamitin o "Correct condom use", paggamit at tamang paggamit ng kondom).
  • D – para sa Droga ay iwasan o "Don’t take drugs" sa Ingles.
  • E – para sa Ingles na "Early diagnosis and treatment", o maagang pagpapatingin at pagpapagamot sa mga manggagamot at paggamutan.

Lunas at paggamot

Sa kasalukuyan, wala pang natutuklasang gamot na kalunasan laban sa HIV. Tanging sa pagsusuri ng dugo lamang nalalaman kung may sakit na HIV ang isang tao. Tinitingnan sa pagsusuring ito ang pagkakaroon ng “laban sa katawang HIV” (o HIV antibody sa Ingles). Hindi nakikita sa pagtanaw lamang ng mga mata ang pagkakaroon ng HIV. Lihim o kumpedensyal ang pagpapasuri ng dugo. Hindi nakatutulong sa paghadlang sa pagkakaroon ng sakit na ito ang pag-inom ng mga antibiyotik o mga bitamina bago makipagtalik. Hindi rin nakahahadlang ang paglalabas ng ari bago dumating sukdulan ng pagtatalik (Ingles: withdrawal), pagdudutsa (Ingles: douching, o paggamit ng douche, paglalagay ng gamot sa paraang papuslit sa loob ng kiki), at paggamit ng mga kemikal sa paglinis ng pwerta o puke.[1]

Sanggunian

  1. 1.00 1.01 1.02 1.03 1.04 1.05 1.06 1.07 1.08 1.09 1.10 "HIV/AIDS", Sexually Transmitted Infection, "Ano ang STI?", Healthy Body STI/HIV-AIDS, NEWS, Foundation for Adolescent Development/PATH Foundation Philippines, Inc./Kabalikat ng Pamilyang Pilipino Foundation, Inc., Quiapo, Maynila, Teenfad.ph, 2000, (Tagalog), nakuha noong: Marso 13, 2008
  2. "HIV/AIDS," Sexually Transmitted Diseases/Mga Sakit na Nakukuha sa Pakikipagtalik, HealthInfo (PDF), Mount Carmel Health, Ohio State University Medical Center/OhioHealth, Columbus, Ohio, healthinfotranslations.org, healthinfotranslations.com (serbisyong pampubliko, walang restriksyon sa kopirayt), Hulyo 2007 (Tagalog at Ingles), nakuha noong Agosto 8, 2008
  3. Literal na salin ayon sa ortograpiya.