1986 Snap Presidential Election

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ang Philippine presidential election, 1986.

Ang Halalang Pampanguluhan ng 1986 o kilala rin bilang 1986 Snap Presidential Election ay isang halalang nangyari noong ika-7 ng Pebrero 1986. Isa ito sa pinakakontrobersyal na halalan sa kasaysayan ng Pilipinas.

Noong Nobyembre 1985, inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand E. Marcos na magkakaroon ng isang snap election sa isang panayam sa programang This Week With David Brinkley sa American Broadcasting Company.

Mga Pangyayari

Noong Nobyembre 1985, inanunsiyo ni Marcos sa programang This Week With David Brinkley na magkakaroon ng isang "snap presidential election" sa ika-7 ng Pebrero 1986, isang taon bago matapos ang kaniyang anim na taong termino bilang pangulo. Naniniwala siyang makukuha niya ang suporta ng Estados Unidos at mapapatahimik ang kaniyang mga kritiko, lalo na matapos ang pagpatay kay Benigno Aquino Jr. kung magkakaroon ng isang halalan.

Sa tulong ni Jaime Cardinal Sin, ang arsobispo ng Maynila, nagkasundo sina Salvador Laurel at Corazon Aquino na tatakbo silang dalawa bilang bise presidente at presidente. Malakas ang suporta kay Aquino lalo na matapos ang pagpaslang sa kaniyang asawa, habang kilala si Laurel sa kaniyang organizational skills. Sinuportahan ng Simbahang Katoliko ang kandidatura nina Laurel at Aquino, at pinaalalahanan ni Cardinal Sin ang mga botante na pumili ayon sa kanilang konsensiya.

Sa araw ng halalan, binantayan ng National Citizens' Movement for Free Elections (Namfrel) ang mga balota at sinubukang makakuha agad ng resulta para maiwasan ang dayaan. Isang grupo ng mga tagamasid mula sa Estados Unidos ang nagbigay ng kritisismo sa mga pang-aabuso sa halalan. Ayon kay Senador Richard Lugar, mayroong nasa 10 hanggang 40 porsyento ng mga botante ang hindi nakaboto matapos tanggalin ang kanilang mga pangalan sa listahan.

Sa resulta ng halalan na inilabas ng Komisyon sa Halalan (Commission on Elections), lumalabas na nanalo si Marcos sa pagkapangulo matapos makakuha ng 53.62 porsyento, o 10,807,197 na boto, habang si Aquino ay nakakuha ng 46.10 porsyento, o 9,291,761 na boto. Samantala, lumalabas naman sa tala ng namfrel na mayroong lamang na 800,000 boto si Aquino kay Marcos.

Noong Pebrero 9, napansin ng mga computer operator sa Comelec na may mga pagkakaiba sa kanilang mga datos at sa resultang inanunsyo. Dahil dito, iniwan nila ang kanilang opisina at nagsagawa ng walk-out.

Sa kabila ng pagtutol ng Simbahan sa dayaan sa halalan, idineklara ng National Assembly si Marcos bilang opisyal na nanalo sa halalan noong Pebrero 15. Nanatili rin ang suporta ni President Ronald Reagan kay Marcos, ngunit ilang grupo mula sa White House, sa Department of State, sa Pentagon at sa Kongreso ng Estados Unidos ang bumawi ng suporta kay Marcos.

Matapos ang pagdedeklara kay Marcos na nanalo sa halalan, nagsimulang magkaroon ng paniniwalang dinaya ang halalan at nagsimula ring kuwestiyunin ang resulta nito. Dahil sa takot, nagtungo sa Simbahan ng Baclaran ang 35 tabulator na umalis mula sa Philippine International Convention Center (PICC). Dinala sa iba't ibang lugar ang mga tabulator matapos kuhanan ng kanilang mga pahayag. Nakauwi lamang sila sa kanilang mga bahay noong Pebrero 20, o dalawang araw bago magsimula ang People Power Revolution sa EDSA.

Noong Pebrero 22, naglabas ng pahayag sina Juan Ponce Enrile at Fidel V. Ramos, na siyang commander ng Philippine Constabulary, na humihiling sa pagbibitiw ni Marcos sa puwesto. Nagtayo sila ng headquarters sa Camp Aguinaldo at sa Camp Crame. Matapos ito, inutusan ni Marcos ang mga sundalo na pigilan ang pag-aalsa. Nanawagan naman si Cardinal Sin sa pamamagitan ng Radio Veritas sa publiko na dalhan ng pagkain at iba pang mga pangangailangan ang mga tumiwalag na sundalo at subukang pigilan ang mga sundalo ni Marcos sa mapayapang pamamaraan.

Libo-libo ang tumugon sa panawagan ni Cardinal Sin, katulad ng mga pari, madre at mga sibilyan na nagkapit-bisig at humarap sa mga tangke at mga armas ng mga sundalo. Marami rin sa kanila ang tumiwalag at nagpahayag ng suporta sa rebolusyon. Matapos ito, itinanghal na bagong pangulo si Aquino.

Pormal na nanumpa bilang ika-11 pangulo ng Pilipinas si Aquino noong ika-25 ng Pebrero 1986. Nanumpa siya sa harap ni Supreme Court Associate Justcie Claudio Teehankee Sr. sa Club Filipino sa Greenhills. Sa parehong araw, nagkaroon rin ng inaguarasyon si Marcos sa Malacañang. Tumangging dumalo rito ang mga ambassador na nakatalaga sa Pilipinas. Kinagabihan, umalis ang mga Marcos sa Malacañang at tumakas patungo sa Estados Unidos. Sumugod ang maraming Pilipino sa palasyo para makita ang marangyang pamumuhay ng pamilya Marcos.

Resulta ng Halalan

Presidente

Final Official Parliamentary Canvass

Candidate Party Votes %
Ferdinand Marcos Kilusang Bagong Lipunan 10,807,197 53.62%
Corazon Aquino United Nationalists Democratic Organizations (UNIDO)- LABAN 9,291,761 46.10%
Reuben Canoy Social Democratic Party 34,041 0.17%
Narciso Padilla Movement for Truth, Order and Righteousness 23,652 0.12%
Total: 20,156,651 100.0%

NAMFREL Tally

Candidate Party Votes
Ferdinand Marcos Kilusang Bagong Lipunan 7,053,068
Corazon Aquino United Nationalists Democratic Organizations (UNIDO)- LABAN 7,835,070

Bise Presidente

Final Official Parliamentary Canvass

Candidate Party Votes %
Arturo M. Tolentino Kilusang Bagong Lipunan 10,134,130 50.65%
Salvador H. Laurel United Nationalists Democratic Organizations (UNIDO) 9,173,105 45.85%
Eva Estrada-Kalaw Liberal Party 662,185 3.31%
Roger Arienda Movement for Truth, Order and Righteousness 35,974 0.18%
Total: 20,053,394 100.0%

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.