10 Tala sa Buwan ng Enero

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Narito ang 10 Tala sa Buwan ng Enero, pawang may kaugnayan sa kasaysayan, kultura, at iba pang aspekto ng lipunan. Magsilbing paalaala nawa ang mga ito sa mga Filipino saaanmang panig ng mundo sila naroroon.

  1. 1 Enero 1941. Idineklarang lalawigan ang Romblon. Binubuo ito ng may 20 isla, at kabilang sa malalaki ang Tablas, Sibuyan, at Romblon. Itinatag ng Orden ng mga Heswita ang mga simbahang katolika, kabilang ang Katedral ng Romblon noong 1635. Naganap ang Bakbakan sa Kakarong de Sili sa Pandi, Bulakan noong 1897. Sinalakay ng magkasanib na puwersa ng Espanyol mula sa karatig lalawigan ng Bulakan ang kuta ni Maestrong Sebio, tawag kay Eusebio Roque. Ayon sa ilang salaysay, nalagas ang mahigit 2 libong Filipino sa digmaan. Nakatakas si Maestro Sebio ngunit ilang araw lamang ang lumipas ay nadakip rin. Nilitis at pagkaraan ay pinarusahan siya ng kamatayan noong 16 Enero 1897. Noong 1692, dinurog ng hukbong Espanyol ang pag-aalsa sa Bohol na pinangunahan ni Tamblot.
  2. 2 Enero 1942. Sinakop ng Hukbong Hapones ang Maynila, at maraming Filipino ang namatay at pinatay.
  3. Ipinanganak naman noong 6 Enero 1812 si Melchora Aquino, na itinuturing na Ina ng Himagsikan ng Pilipinas. Tinulungan niya ang mga maysakit, sugatan, at nagugutom na kawal na nakihamok sa mga Espanyol. Nabilanggo siya sa Bilibid nang lumaganap ang himagsikan, at ipinatapon pagkaraan sa Guam. Nagbalik siya sa bansa noong 26 Pebrero 1903.
  4. Ipinanganak noong 11 Enero 1902 si Honorata “Atang” de la Rama sa Pandacan, Maynila. Si Atang ay naging Pambansang Alagad ng Sining para sa teatro at musika. Kinilala siyang Reyna ng Kundiman at nagtanghal sa iba't ibang lunan, mula entablado hanggang kabundukan upang maabot ang mga karaniwang Filipino. Napangasawa niya si Amado V. Hernandez na isa ring Pambansang Alagad ng Sining, at napabalitang naging kasintahan nang lihim ni Jose Corazon de Jesus, ang pinakatanyag na makatang Tagalog noong unang hati ng siglo 20.
  5. Ipinanganak noong 14 Enero 1899 si Carlos P. Romulo sa Camiling, Tarlac. Si Romulo ay peryodista, embahador, at unang Filipinong naging pangulo ng United Nations General Assembly.
  6. Itinatag noong 16 Enero 1973 ang Integrated Bar of the Philippines sa bisa ng resolusyon ng Korte Suprema. Kinumpirma ang resolusyon nang ihayag ang Pampanguluhang Dekreto Bilang 181 noong 4 Mayo 1973.
  7. 17 Enero 1973. Pinagtibay ni Pang. Ferdinand E. Marcos ang bagong konstitusyon ng Pilipinas, na nagbibigay ng kapangyarihan sa kanya na mamuno nang habambuhay.
  8. 20 Enero 1898. Nilabag ng rehimeng Espanyol ang Kasunduan sa Biyak na Bato at pinagdadakip ang mga kasapi ng Katipunan. Walang sala ang karamihan sa mga dinakip. Samantala, ipinagpatuloy ni Hen. Francisco Makabulos ang pakikipaglaban sa mga Espanyol. Naganap sa Cavite noong 1872 ang pag-aaklas ng may 200 kawal na Filipinong kinalap ng rehimeng Espanyol. Mabangis na ginapi ng Espanyol ang pag-aaklas, at idinawit ang mga kritiko ng pamahalaan sa kasong pakikipagkutsaba. Maraming liberal ang dinakip at ipinatapon kung saan.
  9. Pinagtibay ni Hen. Emilio Aguinaldo ang Konstitusyon ng Malolos noong 21 Enero 1899.
  10. Pinasinayaan noong 23 Enero 1899 ang pamahalaan ng Unang Republika ng Filipinas, at nanumpa si Aguinaldo bilang pangulo.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.