10 Simbahang Angkop sa Pagpapakasal

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang isa sa pinakamahalagang detalye sa pagpaplano ng isang magaganap na kasalan ay kung saang simbahan ito mainam na idaos. May mga bagay na dapat isaalang-alang sa pagpili ng simbahan base sa lokasyon, tema ng kasal, kaginhawaan sa biyahe upang dumalo, at iba pa. Ngunit saan mang simbahan napupusuan ng magsing-irog na idaos ang kanilang kasal, ang mahalaga ay ang basbas ng pari na siyang magiging gabay tungo sa isang maayos at mapayapang pagsasama. Alalahanin lamang na ang pagpapakasal ay minsan lang maaaring maganap sa buhay ng isang tao kung kaya't nangangailangan ito ng isang masusi at matalinong pagdedesisyon.

Ang mga sumusunod ay ang sampung simbahang angkop sa pagpapakasal.


1.Simbahan ng Caleruega


Ang Simbahan ng Caleruega o ang Chapel of Transfiguration of Jesus ay matatagpuan sa Batulao, Nasugbu, Batangas. Ang tahimik na kapaligiran, ang napakagandang tanawin, at ang mahalumigmig na hangin ay ilan lamang sa mga dahilan kung bakit kabilang ang simbahan ng Caleruega sa mga napipiling pagdausan ng kasal ng mga Filipino.


San Agustin Church (Intramuros, Manila; 07-22-2020).jpg
2. Simbahan ng San Agustin

Matatagpuan sa makasaysayang lugar ng Intramuros ang simbahan ng San Agustin. Mula sa sahig hanggang sa kisame ay napupuno ito ng kakaiba at misteryosong disenyo, higit- lalo ang malalaking pinto na gawa sa molave. Ang kariktan ng simbahang ito ang siyang humahatak sa magsing-irog at ng mga lokal at banyagang turista upang dito gawin ang kanilang kasal.


The Manila Cathedral, Intramuros, Manila.jpg
3. Manila Cathedral


Ang simbahan ng Manila Cathedral na kilala din bilang Manila Metropolitan Cathedral-Basilica (MMCB) ay isa sa mga paboritong pinagdadausan ng kasal dahil sa ganda ng labas at loob ng simbahan. Ang arkitektura ng harap ng simbahan ay Romanesque-Byzantine, isang pamana ng kasaysayan na lubos na umaakit sa mga turista. Ang napakagandang altar ay handog at pagkilala sa Our Lady of the Immaculate Conception , angkop sa sumpaan ng dalawang nagmamahalan.


San Sebastian Church Manila Philippines.jpg
4. Simbahan ng San Sebastian


Ang simbahan ng San Sebastian ay kilala rin bilang Basilica Minore de San Sebastian. Ito ay matatagpuan sa Plaza del Carmen, Quiapo, Maynila. Ito lamang ang nag-iisang simbahang gawa sa asero sa buong mundo at idineklarang isang National Historical Landmark ayon sa Presidential Decree No. 260.


SantuariodeSanJosejf0188 05.JPG
5. Santuario de San Jose


Ang simbahan ng Santuario de San Jose ay kilala bilang Shrine of Saint Joseph the Patriarch. Ito ay matatagpuan sa East Greenhills, isang pribadong subdibisyon sa Lungsod San Juan Dahil sa mapayapang paligid ay nakatitiyak nang isang mataimtim at sagradong seremonya ng kasal. Dito kadalasang makikita ang mga residente ng Wack-Wack at Whiteplains. Dito rin masasaksihan ang magarbong altar na nakadaragdag sa pagiging mapayapa nang ginaganap na kasalan.


6033Christ the King Parish Church Greenmeadows 06.jpg
6. Simbahan ng Christ the King

Ang simbahan ng Christ the King ay matatagpuan sa Greenmeadows, Lungsod Quezon. Ang istruktura ng simbahan ay pabilog at may napakagandang interyor na nakapaloob sa klarong salamin. Dito masasalamin ang liwanag sa loob ng simbahan. Ang mga detalyeng ito ang makatutulong na makapagbigay ng magagandang kuha na magiging alaala ng isang makasaysayang pag-iisang dibdib.


Art-filled San Beda Church.jpg
7. Kapilya ng San Beda


Ang kapilya ng San Beda ay kilala rin bilang Abbey of Our Lady of Monserrat na matatagpuan sa loob ng San Beda College sa Mendiola, Maynila. Ang estilo ng kabuuan ng kapilya ay neo-Gothic na tunay na nakapanghihikayat sapagkat pumupuno ito sa buong kisame pati na rin ang palyo (ng altar) ng naggagandahang makukulay na paintings.



Paco Church, Paco, Manila.jpg
8. Simbahan ng Paco


Ang simbahan sa Paco Park ay kilala bilang St. Pancratius Chapel na matatagpuan sa San Marcelino, Paco, Maynila. Ang edipisyo ng simbahan ay naitayo noong panahon ng mga Kastila at natapos noong 1820 na nagtataglay ng disenyong Romanesque. Ang marikit na harap ng simbahan, ang pabilog na korte ng kisame, at ang sagradong kapaligiran ay angkop na pagdausan ng isang simpleng kasalan.



Malate Church Facade.JPG
9. Simbahan ng Malate


Ang simbahan ng Malate ay kilala bilang Our Lady of Remedies Parish na matatagpuan sa M. H. Del Pilar, Malate, Maynila. Ito ay isa sa pinakalumang simbahan sa Maynila na may disenyong Muslim at Baroque na artiketura. Ang konserbatibo at solidong istruktura ay akma sa mga magkasintahang nais na magpakasal sa ganitong ambiyansya.



Binondo Church in front of Plaza San Lorenzo Ruiz, Binondo, Manila.jpg
10. Simbahan ng Binondo

Ang simbahan ng Binondo ay kilala bilang Minor Basilica of St. Lorenzo Ruiz na naitayo noong 1596. Ito ay matatagpuan sa Quentin Paredes, Binondo, Maynila kung saan dito nagsimula sa pagmiministro si San Lorenzo Ruiz. Ang orihinal na edipisyo ay napinsala ng mga nagdaang lindol kung kaya't sumailalim ito sa mga renovations. Sa ngayon, ang simbahan ng Binondo ay kilala sa pagkakahawig ng loob ng simbahan ng St. Peter's Dome.


Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.