10 Natatanging Babaeng Aktor sa Pelikulang Filipino

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Pamantayan sa Pamimili

Nasa Pilipinas ang mahuhusay na aktor, lalo ang mga babaeng aktor, na mailalaban kahit sa ibang aktor mula sa ibayong dagat. Ang kakatawa'y nalilimutan na ito ng madla, kaya kinakailangang maibalik sa gunita ang kanilang mga naging ambag sa sining pagtatanghal. Namili ng 10 babaeng aktor ang mga editor ng WikiFilipino, at tinimbang ang mga katangian nilang bibihirang matagpuan sa libo-libong aktor sa pinilakang tabing. Kabilang sa mga batayan ng pamimili ang pambihirang pagganap ng papel, ang komplementaryong ambag ng aktor sa iba pang aktor ng pelikula, ang paraan ng pagbigkas ng mga salita, at ang husay ng pelikula sa kabuuan.

Mga Aktor na Pinili

Ang sumusunod ay ilan lamang sa hanay ng magagaling aktor na dapat tingalain ng bagong henerasyon ng matatalinong manonood:

1. Hilda Koronel. Walang pasubaling ang Hilda Koronel sa kaniyang kasibulan ay makalaglag-puso, kung hindi man pantalon, ng sinumang lalaki. Ngunit higit pa rito, likás ang talento sa pagganap ni Hilda sa gaya ng mga pelikulang Maynila: Sa Mga Kuko ng Liwanag (1975) nang gampanan niya ang papel ni Ligaya Paraiso; Insiang (1976) sa papel ng dalagang naipit sa pagmamahal sa ina at kahayupan ng amain, at sa kabulukan ng lipunan; at sa mga pelikulang Angela Markado (1980), Kung Mangarap ka't Magising (1981), Stardoom (1971), at Tubog sa Ginto (1971).

2. Lolita Rodriguez. Aktor na dalubhasa sa pagpapagitaw ng niloloob sa banayad at eleganteng paraan si Lolita Rodriguez. Konsistent din siya sa pagganap, at laging umaalalay sa kapuwa aktor upang ang kani-kaniyang galing ay lumitaw sa pelikula. Kabilang sa kaniyang kahanga-hangang pagganap ang masisilayan sa Ina, Kapatid, at Anak (1979); Ina Ka ng Anak Mo (1979); Tinimbang ka ngunit kulang (1974); Stardoom (1971); Tubog sa Ginto (1971); Busabos (1957); at Kasalanan Kaya? (1969).

3. Nida Blanca. Kaya ni Nida Blanca ang iba't ibang papel, at hindi nakaaasiwa kung nagsasayaw, nagpapatawa, o nagpapaiyak man siya ng manonood. Ang maganda'y lagi siyang katuwang ng mga kapuwa aktor. Ang kaniyang paghuhunos ay makikita sa mga pelikulang gaya ng Dalaginding (1953); Waray-waray (1954); Saan Darating ang Umaga (1983); Magdusa ka (1987); at Babae (1997). Maraming patakbuhing pelikulang komersiyal si Nida, ngunit ang nakapagtataka'y lumitaw ang kaniyang tunay na galing nang magkaedad na't sumuhay sa iba pang aktor sa pelikulang dramatiko.

4. Nora Aunor. Internasyonal ang kalibre ni Nora Aunor, na nagsimulang mang-aawit hanggang tumanyag na dramatikong aktor. Binasag din ni Nora ang kumbensiyon ng mga artistang mestisahin, at gumanap na taglay ang mga matang nagpapahiwatig ng libong damdamin. Kabilang sa mga pelikulang lumutang ang kaniyang husay ay ang Tatlong Taong Walang Diyos (1976); Himala (1982); Minsa'y isang Gamugamo (1983); Naglalayag (2004); Ina ka ng Anak Mo (1979); Bona (1980); Atsay (1978), at maraming iba pa.

5. Gina Alajar. Pinagsanib ni Gina Alajar ang natural na talento at ang talisik ng artistang batid ang bituka ng sining. Kahanga-hanga ang kaniyang pagganap sa gaya ng Moral (1982); Salome (1981); Brutal (1980); Bayan Ko: Kapit sa Patalim (1985); at Mulanay: Sa Pusod ng Paraiso (1996). Naglalaho ang katauhan ni Gina sa kaniyang papel na ginagampanan, at ang natitira'y ang dalisay na tauhang kapani-paniwala, gaya ng babaeng nagbubulay sa kaniyang pag-iral.

6. Charito Solis. Tantiyado ni Charito Solis ang papel na kaniyang ginagampanan, at laging umaagapay sa kaniyang mga kasamang aktor upang umigting ang kani-kaniyang pagganap. Ginamit ni Charito ang kaniyang mabining tinig, kislot ng bibig, at malalim na titig upang hatakin ang manonood sa kaniyang kinauupuan. Kabilang sa kaniyang mga di-malilimutang papel na ginampanan ay lumutang sa Ang Igorota (1968); Emily (1961); El Filibusterismo (1962); Ulilang Birhen (157); Dahil sa Isang Bulaklak (1967); Karnal (1984); at Kisapmata (1981).

7. Jacklyn Jose. Hindi umaarte si Jacklyn Jose sa harap ng kamera, bagkus iniluluwal niya ang katauhan ng babaing animo'y sinapian ng kung anong apoy na nakadadarang sa manonood. Kabilang sa kaniyang di-malilimutang pelikula ang Takaw Tukso (1986); Private Show (1986); Itanong Mo sa Buwan (1988); Macho Dancer (1988); Sarong Banggi (2006).

8. Vilma Santos. Gumanap ng sari-saring papel si Vilma Santos, at ang magagaling niyang pelikula ay humahamon sa kumbensiyonal na pagtingin sa babae. Tumitili man o humihibik, si Vilma ang aktor na nagpauso ng pambihirang pagsusumamo, pagsasakit, panunumbat, at paghihimagsik na ikadudurog ng puso ng madla. Kabilang sa kaniyang kapuri-puring pagganap ay matatagpuan sa mga pelikulang Buslesk Queen (1978); Relasyon (1983); Sister Stella L (1984); Tagos ng Dugo (1988); Pagputi ng Uwak, Pag-itim ng Tagak (1978) Dekada 70 (2003); Ipagpatawad Mo (1991); at Pahiram ng Isang Umaga (1989).

9. Amy Austria. Pinatunayan ni Amy Austria na ang pagiging aktor ay hindi laging kusot ang mukha at nagtutungayaw, bagkus maaaring daanin ang pagganap sa lumulutang na pagtitig o kaya'y banayad na pangungusap. Inmortal ang kaniyang pagganap sa Brutal (1980), at susundan iyon ng nakayayanig na pagganap sa Jaguar (1979); Narito ang Puso ko (1992); at Celestina Reyes a.k.a. Bubble (1988).

10. Mona Lisa. Magmumula lamang sa tunay na aktor ang pagganap ng gaya ng kay Mona Lisa, at tatatak sa gunita ng madla ang kaniyang papel na nagpapaigting sa pagganap ng mga kapuwa niya aktor. Hindi malilimutan ang kaniyang papel na si Tonia sa Insiang (1977); at sa iba pang pelikulang gaya ng Cain at Abel (1982); Bayan Ko: Kapit sa Patalim (1985); Huwag Mong Salingin ang Sugat Ko (1991); Mother Ignacia—Ang Uliran (1998); Princesa Urduja (1942); at Blood of Bataan (1953).

Sampung Pilipinong aktor lamang ito, na maaaring susugan, dagdagan, o bawasan upang mapalitaw at masuri nang malalim ang ambag nila sa sining ng pagtatanghal.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.

Natatanging Babaeng Aktor sa Pelikulang Filipino Natatanging Babaeng Aktor sa Pelikulang Filipino Natatanging Babaeng Aktor sa Pelikulang Filipino Natatanging Babaeng Aktor sa Pelikulang Filipino Natatanging Babaeng Aktor sa Pelikulang Filipino Natatanging Babaeng Aktor sa Pelikulang Filipino Natatanging Babaeng Aktor sa Pelikulang Filipino