Walden Bello

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Walden.jpg

Si Walden Bello ay isang Pilipinong akademiko, kritiko, kolumnista, at dating miyembro ng Kongreso. Siya ay kasalukuyang propesor sa sosyolohiya sa University of New York sa Binghamton at co-chairperson ng Focus on the the Global South, isang institusyon sa pananaliksik at adbokasiya na nakabase sa Bangkok.[1]

Buhay at Pakikibaka

Si Bello ay isinilang sa Maynila kina Luz Flores at Jesse Bello, kapuwa taga-Ilocos. Nanirahan ang pamilya sa Isla ng Cielito Lindo, isang isla sa Laguna de Bay, sa baybayin ng Cardona, Rizal. Pinag-aral siya ng kaniyang mga magulang sa Ateneo de Manila University at nagtapos noong 1966. [1]

Nag-aaral naman siya noon sa Princeton University para sa doktorado niya sa sosyolohiya nang magdeklara si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos ang Batas Militar at naging aktibo sa mga gawaing aktibismo laban sa administrasyon. Sa mahigit 20 taon, siya ay naging mahalagang imahen sa mga internasyonal na pakikibaka upang mapanumbalik ang demokrasya sa Pilipinas. Isa siya sa mga bumuo ng Anti-Martial Law Coalition at itinatag ang Philippines Human Rights Lobby sa Washington. Paulit-ulit siyang naaresto bago tuluyang kinulong ng mga Amerikanong awtoridad noong 1978 dahil sa di-marahas na pagsakop nito sa konsulado ng Pilipinas sa San Francisco. Makalipas ang tatlong linggo, siya ay pinalaya bunsod ng hunger strike na layuning maisapubliko ang mga nagaganap na pang-aabuso sa mga karapatang pantao sa Pilipinas.

Habang nakikibaka para sa karapatang pantao, nakita ni Bell kung paano sinuportahan ng World Bank at ng International Monetary Fund (IMF) sa pamamagitan ng mga kaloob at utang ang rehime ni Marcos. Upang maibunyag ang mga gawaing ito, sinuong niya ang panganib sa pagpasok sa headquarter ng World Bank sa Washington at naiuwi ang 3,000 pahinang kumpidensiyal na dokumento. Ginamit niya ang mga nakuhang dokumento para sa kaniyang aklat na Development Debacle: the World Bank in the Philippines (1982). Naging underground best seller ito sa Pilipinas.

Noong 1995, isa siya sa mga nagtatag ng Focus on the Global South, isang organisasyon na layuning palawakin ang kapasidad sa pagtalakay sa mga isyu ukol sa mga rehiyonal na paglinang, pamumuhunan, at iba pa.

Isa rin si Bello sa mga nangampanya na mapaalis ang mga base militar ng Amerika sa Pilipinas, Okinawa, at Korea. Tumulong siya sa pagbuo ng iba’t ibang koalisyon na nakatuon sa denuklearisasyon at demilitarisasyon, at mga planong panseguridad batay sa pangangailangan ng mga tao. [1]

Noong 2007, nahirang si Bello bilang kinatawan ng Akbayan Citizen’s Action Party sa Kongreso. Matapos paburan ng Korte Suprema ang kaniyang posisyon, bumalik siya sa puwesto noong 2009 at naglingkod bilang kongresista sa loob ng anim na taon, hanggang 19 Marso 2016. Siya ay naging chairman ng House Committee on Overseas Workers’s Affairs sa loob ng limang taon kung saan matagumpay niyang naisulong ang mga batas para sa mga migranteng manggagawa, tumulong sa mga Pilipinong manggagawang na na-trap sa mga war zone, at umusig sa mga opisyal ng gobyerno na nambibiktima ng mga kababaihang manggagawa. Siya ay pangunahing may-akda ng Reproductive Health Law, Agrarian Reform Extension Law, at Compensation for Victims of Human Rights Abuse Law. [1]

Si Bello ay kilalang kritiko ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III. Nagbitiw siya sa posisyon bilang kinatawan ng Akbayan noong 2015, bago matapos ang ikatlong termino, bilang protesta sa mga polisiya ng administrasyong Aquino lalo na sa paghawak nito sa isang insidente sa Mamasapano. [2]

Narito ang mga posisyon noon at ngayon ni Bello: [1]

  • Senior Research Fellow at the Center for Southeast Asian Studies of Kyoto University
  • Activist in Residence at the A.E. Havens Center, University of Wisconsin
  • Professor of sociology at the State University of New York at Binghamton
  • Representative of the political party Akbayan in the 14th, 15th, and 16th Congresses
  • Member of the editorial board, Review of International Political Economy
  • Professor of sociology at the University of the Philippines
  • Co-founder and member of the Board of Focus on the Global South
  • President of Freedom from Debt Coalition
  • Member and former Chair of the board of Greenpeace South East Asia
  • Executive Director of Food First
  • Member of the Board of the International Forum on Globalization, the Transnational Institute, and Nautilus Institute

Siya rin ang may-akda ng halos 25 aklat tungkol sa mga isyu sa Pilipinas, sa Asya, at pandaigdig, tulad ng US Military and Economic Aid to the Marcos Dictatorship (1978); Development Debacle: the World Bank in the Philippines (1982); American Lake: The Nuclear Peril in the Pacific (1984) (co-authored with Peter Hayes and Lyuba Zarsky); Dragons in Distress: Asia’s Miracle Economies in Crisis (1990); People and Power in the Pacific (1992); Dark Victory: The United States and Global Poverty (1999); Global Finance: Thinking on Regulating Speculative Capital Markets (2000); The Future in the Balance: Essays on Globalization and Resistance (2001); The Anti-Development State: the Political Economy of Permanent Crisis in the Philippines (2004); Dilemmas of Domination: the Unmaking of the American Empire (2005), Food Wars (2009); Capitalism’s Last Stand? (2013); at State of Fragmentation: the Philippines in Transition (2014). Ang kaniyang mga artikulo ay karaniwang nailalathala sa iba’t ibang peryodiko. Ilan sa kaniyang mga natanggap na gawad at pagkilala ay ang New California Media Award for Best International Reporting noong 1998; Suh Sang Don Prize ng South Korea noong 2001; at Right Livelihood Award noong 2013. [1]

Natamo ni Bello ang kaniyang doktorado sa sosyolohiya sa Princeton University noong 1975 at naging propesor sa University of the Philippines mula 1997 hanggang siya ay magretiro noong 2009. Naging visiting professor din siya sa University of California sa Los Angeles (2002), sa UC Irvine (2006); UC Santa Barbara (2006); at St. Mary’s University sa Halifax (2007–2014). Siya ay kasalukuyang propesor sa State University of New York sa Binghamton at senior research fellow sa Center for Southeast Asian Studies sa Kyoto University. [1]

Pinakasalan niya ang kaniyang partner na si Suranuch Thongsila, isang Thai executive, sa Wayne Country, Pennsylvania noong Abril 2015. [3]

Pagtakbo sa Halalan 2022

Noong 21 Hunyo 2021, sinimulan ng Laban ng Masa ang kanilang kampanya para makakuha ng 300,000 lagda hanggang Setyembre 15 na nananawagan sa kanilang chairman na si Bello na tumakbo sa pagkapangulo sa Halalan 2022. [4]

Sa isang panayam sa Rappler, inamin ni Bello na nag-aatubi siyang tumakbo bilang pangulo ngunit hinihikayat siya at hininging kompromiso ang 300,000 lagda bago niya ihayag ang pinal na desisyon.[4]

Noong 20 Oktubre 2021, naglabas ng pahayag ang kampo ni Bello na nagpasa na ito, sa tulong ng kaniyang opisyal na kinatawan, ng COC bilang kandidato sa pangalawang pangulo sa Halalan 2022 sa ilalim ng partido ng kumakandidato bilang pangulo na si Leody de Guzman, ang Partido Lakas ng Masa. [5]

Mga Sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 1.6 “About Walden.” Waldenbelo.org. https://waldenbello.org/about-walden/. Accessed 27 Agosto 2021.
  2. Gerard Lim. “The Leader I Want: Walden Bello’s to-fix list for 2016.” Rappler, 14 Abril 2016.https://www.rappler.com/nation/elections/walden-bello-advocacies-senatorial-elections. Accessed 31 Agosto 2021.
  3. Angela Casauay. “Akbayan's Walden Bello gets married.” Rappler, 14 Abril 2015. https://www.rappler.com/nation/walden-bello-married. Accessed 27 Agosto 2021.
  4. 4.0 4.1 “Signature campaign launched to push Walden Bello run for president.” Rappler, 21 Hunyo 2021. https://www.rappler.com/nation/walden-bello-launches-signature-campaign-possible-presidency-bid-2022. Accessed 31 Agosto 2021.
  5. Jairo Bolledo. “Walden Bello is Ka Leody’s new running mate, vows to fight 'Marcos-Duterte Axis of Evil.'” Rappler, 20 Oktubre 2021.https://www.rappler.com/nation/walden-bello-ka-leody-de-guzman-new-running-mate. Accessed 19 Nobyembre 2021.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.