Unang Pagbibinyag Sa Cebu

From Wikfilipino
Revision as of 13:20, 9 April 2021 by Rclacuata (talk | contribs)
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search

Nagsimula ang paglaganap ng Kristiyanismo sa Pilipinas sa Unang Pagbibinyag sa Cebu at sa kasunod na paglaganap ng popularidad ng Santo Niño de Cebú. Ang unang binyag sa Pilipinas ay naganap sa Cebu noong 1521 upang parangalan ang Santo Niño. Sina Rajah Humabon, ang pinuno ng Cebu, kasama ang kaniyang asawa at mga alagad, ang unang mga katutubong nagpabinyag sa Katolisismo.

Nang matapos ang unang binyag, ang Cebu ang naging sentro ng Kristiyanismo sa buong kapuluan, ang Pilipinas ay naging isa sa mga bansang may pinakamalaking bilang ng mga Kristiyano.

Ang Pagkatuklas sa Pilipinas

Noong 17 Marso 1521, si Ferdinand Magellan, isang Portuges na manlalakbay, ay di sinasadyang matuklasan ang Pilipinas habang sila ay nasa ekspedisyon patungong Spice Islands o Moluccas. Ang mga barko ni Magellan ay dumaong sa Homonhon sa may Silangang Samar. Natuklasan ng mga manlalakbay na Espanyol na hindi pa natitirhan ng mga tao ang isla at na mayaman din ito sa ginto. Subalit, nalaman ni Magellan na mayroon pang mas mayamang siyudad na kalapit lamang ng Homonhon kung kaya’t sila ay nagpasiya na maglayag patungo sa Golpo ng Leyte upang makarating sa Isla ng Limasawa.

Ang Unang Binyagan sa Cebu

Si Rajah Humabon, ang pinuno ng Cebu, ang kaniyang mga opisyal, at si Rajah Kolambu, ang pinuno ng Limasawa, ay sumakay sa punong barko ni Magellan, ang Trinidad, matapos itong dumaong sa baybayin ng Limasawa. Ibinahagi ni Magellan ang Kristiyanismo at ang mga paniniwala nito sa mga pinuno ng Cebu. Dahil dito, naging interesado ang mga pinuno na agad nagpabinyag bilang Kristiyano. .

Noong 14 Abril 1521, isang linggo matapos dumaong ang pangkat ni  Magellan sa Limasawa, naganap ang unang pagbibinyag sa kapuluan. Si Rajah Humabon ay bininyagan bilang Carlos, hinango mula sa ngalan ni Haring Carlos ng Espanya habang si Rajah Kolambu naman ay bininyagan bilang Fernando, ang pangalan ng kapatid ni Haring Carlos. Si Hara Humamay, ang asawa ni Rajah Humabon, ay binigyan ng pangalang Juana na hinango kay Joanna ng Castile.

Nagkaroon din ng sanduguan sa pagitan nina Magellan at ng dalawang pinuno upang bigyang-karangalan ang unang kasunduan ng kapayapaan at pagkakaibigan. Upang pasalamatan si Reyna Juana sa kaniyang pagyakap sa Katolisismo, binigyan siya ni Magellan ng imahe ng sanggol na si Hesus o mas kilala bilang Santo Niño.

Ang Krus ni Magellan

Ang unang pagbibinyag ay pahiwatig ng pagtanggap nina Rajah Humabon at ng kaniyang mga alagad sa Katolisismo. Bilang sagisag ng mahalagang panyayaring ito sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo, nagtayo ng isang krus si Magellan sa Cebu. Ayon sa mga tala, itinayo ni Magellan ang isang malaking krus na gawa sa kahoy bilang tanda ng unang pakikipag-ugnay ng Europa at paglaganap ng Katolisismo sa mga isla ng Asya.

Ang 500-taong krus ay kasalukuyang matatagpuan sa isang kapilya sa Munisipyo ng Cebu, katabi ng Basilica Minore del Santo Niño. Isang mural na gawa nina Jess Roa at Serry M. Josol ang matatagpuan sa kisame ng kapilya. Ipinakikita nito ang pagtatayo ni Magellan ng krus. Ang Krus ni Magellan ay malapit lamang sa iba pang mahahalagang lugar sa kasaysayan ng Cebu tulad ng Fort San Pedro at Cebu Metropolitan Cathedral.

Ang orihinal na krus na dala ni Magellan ay nakapaloob sa isang tindalo at nasa gitna ng kapilya. Ito ay upang maging ligtas ito sa mga deboto na naniniwalang nagmimilagro ang krus at kung kaya’t kumukuha sila ng piraso nito. Ang krus ang pangalawa sa pinakasinasamba ng mga taong relihiyoso sa Cebu, sunod sa Santo Niño.

Sanggunian

Tenazas, Rosa C.P. ‘’The Santo Nino of Cebu’’. 1965. San Carlos Publications, Cebu.

Gutierrez, Lucio O.P. “The Christianization of the Philippines: Myth and Reality.” 1976. ‘’Philippiniana Sacra’’. Volume XI — Number 32.==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.