Thomasites

From Wikfilipino
Revision as of 11:15, 25 February 2021 by Mrmagcamit (talk | contribs) (Created page with "Ang '''Thomasites''' ay tawag sa mga gurong Amerikano na dumating sa Pilipinas sakay ng barkong US Army Transport Thomas noong 23 Agosto 1901. == Pagdating ng mga Amerik...")
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search

Ang Thomasites ay tawag sa mga gurong Amerikano na dumating sa Pilipinas sakay ng barkong US Army Transport Thomas noong 23 Agosto 1901.

Pagdating ng mga Amerikano

Isa sa naging layunin ng mga mananakop na Amerikano sa bansa noon ay ang isulong ang kanilang konsepto ng edukasyon sa mga Pilipino. Inatasan nila ang mga sundalo upang maging mga unang gurong Amerikano sa bansa. Nagtayo rin sila ng mga paaralan.

Gayunman, isa sa mga maituturing na pinakamalaking kaganapan sa kasaysayan ng edukasyon sa Pilipinas ay ang pagdaong ng barkong US Army Transport Thomas noong 23 Agosto 1901. Sakay ng barkong ito ang 509 guro mula US na ang layunin ay makapagbahagi sa mga Pilipino ng kanilang kaalaman sa iba’t ibang asignatura. Tinawag ang mga guro na Thomasites dahil sa pangalan ng barkong nagdala sa kanila.

Nagtungo sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang mga Thomasites, tulad ng mga lalawigan ng Albay, Cebu, Bataan, at Jolo, upang makapagturo sa mga pampublikong paaralan.

Dahil sinakop ng US ang Pilipinas, hindi maiwasang isipin ng nakararami na may ibang motibo ang pagdating ng Thomasites sa bansa. Gayunman, tulad ng mga guro sa kasalukuyan, marami ring sakripisyo ang dinaanan ng mga gurong ito. Nawalay sila sa kani-kanilang pamilya upang turuan ang mga hindi nila kamag-anak at manirahan sa bansang may kakaibang klima kumpara sa bansang kanilang pinanggalingan.

Iba pang Ambag

Thomasites ang unang nagtatag ng mga paaralang pang-sekundarya sa Pilipinas. Halimbawa nito ang Tarlac National High School na itinatag ni Frank Russell White. Thomasites din ang nanguna sa pagtatayo ng Philippine Normal University (PNU) sa Maynila noong 1901 upang matugunan ang kakulangan ng guro sa bansa.

Sanggunian

Aurora E. Batnag, ed. Virgilio S. Almari. “Thomasites,” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF