Template:Taas-Noo Pilipino
Si Apolinario Mabini (23 Hulyo 1864–13 Mayo 1903) ay kinikilala bilang “Utak ng Himagsikang Pilipino” at “Dakilang Lumpo.” Tinatawag siyang “dakila” dahil sa kabila ng kaniyang kapansanan ay nagawa pa rin niyang maglingkod sa bayan. Hindi naging hadlang ang pisikal na limitasyon ni Mabini sa paglaban para sa kalayaan ng mga Pilipino. Si Mabini ay naging kasapi ng La Liga Filipina, na itinatag ni Jose Rizal noong 3 Hulyo 1892 sa Tondo. Naging aktibo siya sa kilusang propaganda. Nang sumiklab ang Himagsikang Pilipino noong 1896, pinaghinalaan si Mabini na kasapi ng Katipunan kaya siya ay hinuli. Gayunman, hindi siya binilanggo dahil sa kaniyang sakit. Dahil sa talino at husay, hinirang siya ni Heneral Emilio Aguinaldo bilang tagapayo at punong ministro nang maitatag niya ang Unang Republika ng Pilipinas. Nang sumiklab ang Digmaang Pilipino-Amerikano, hindi nagpatinag si Mabini kahit siya ay lumpo. Hindi rin siya napilit manumpa ng katapatan sa watawat ng Amerika.