Teleserye

From Wikfilipino
Revision as of 11:25, 22 March 2021 by Mrmagcamit (talk | contribs) (Created page with "Ang '''teleserye''', mula sa mga salitang “telebisyon” at “serye,” ay nagsimula sa Pilipinas bilang radio drama. Halimbawa nito ang unang pagsasahimpapawid sa radyo ng...")
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search

Ang teleserye, mula sa mga salitang “telebisyon” at “serye,” ay nagsimula sa Pilipinas bilang radio drama. Halimbawa nito ang unang pagsasahimpapawid sa radyo ng mga serye ng dramang Gulong ng Palad ni Lina Flor-Trinidad noong 1949. Sinubaybayan ito ng mga tagapakinig ng radyo at nagtala ng mataas na rating. Kinilala noon ang dramang panradyo bilang soap opera dahil mga kompanya ng sabon ang sponsor ng produksiyon ng mga ito.

Mula sa radyo, naipalabas sa unang pagkakataon ang isang soap opera sa telebisyon. Ang popular noon na soap opera na Hiwaga sa Buhay na Bato ay naisalin bilang dramang pantelebisyon. Ipinalabas ito ng ABS-CBN noong 1962. Mula noon, maraming soap opera ang ipinalabas sa telebisyon na naging bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Hindi nagtagal ay tinawag na rin itong teleserye o telenobela.

Ang mga teleserye sa kasalukuyan ay malimit na tumatagal lamang ng ilang buwan o isang taon. Gayunman, noong dekada 1980 hanggang 1990, ang mga teleserye ay karaniwang nagtatagal nang limang taon pataas. Ang mga ito ay nag-iwan ng pamana at tumatak sa isipan ng mga Pilipino tulad ng Mara Clara (1992-1997), Valiente (1992–1997), at Anna Liza (1980–1986).

Pinoy ‘Mexicanobela’

Samantala, nabigyan ng panibagong kulay ang panonood ng teleseryeng Pilipino dahil sa pag-angkat ng mga programa mula sa ibang bansa. Nanguna rito ang Marimar mula sa Mexico na ipinalabas noong 1996. Inantabayanan ito ng maraming Pilipino dahil na rin sa bagong kultura, pananaw, at sa mga tauhan nitong sina Marimar at Sergio. Nasundan pa ito ng mga serye na Rosalinda, Maria la del Barrio, Maria Mercedes, at marami pang iba. Tinawag ang mga seryeng ito na “Mexicanovela.“

Ang Marimar at Rosalinda ay ni-remake ng GMA 7 habang ang Maria Mercedes at Maria la del Barrio ay ni-remake ng ABS-CBN.

Mga Seryeng Pambata

Sa paglipas ng panahon, ang mga telenobelang puno ng drama ay nahahaluan na rin ng iba pang genre. Naisaalang-alang na rin ang mga batang manonood sa pamamagitan ng pagpapalabas ng mga fantaserye o mga kuwento na ang bida ay mga bata. Marami sa mga fantaserye na nagpalawak sa imahinasyon ng mga bata ay ang Mulawin, Entantadia, Darna, at Dyesebel. Hindi rin pahuhuli ang mga teleserye na mga bata ang pangunahing tauhan at kapupulutan ng aral tulad ng Niño at Hawak Kamay.

Palasak na Tema

Halos pareho ang pormula sa paglikha ng radio drama at teleserye. Ang mga manunulat ay gumagawa ng mga likhang-isip na palabas na episodiko ang pagkakalahad para sa mga manonood. Karaniwang melodramatiko ang pagkakatanghal at pagkukuwento ng mga ito—puno ng mga komplikasyon at “twist” para sa mga tauhan ng teleserye. Dahil inihalintulad ang teleseryeng Pilipino sa mga teleserye ng mga bansa sa Kanluran, natural lang na may pagkakatulad ang mga ito. Gayunman, may natatangi at sariling estilo ang mga Pilipino sa pagbuo ng mga kuwento. May tema at damdaming unibersal ngunit litaw ang pagkakalapat ng mga ito sa realidad ng lipunang Pilipino. Mapa-fantaserye man o kilig-serye, nananatili ang pagka-Pilipino sa mga kuwento dahil sa mga itinatampok na kaligiran, halagahan, at tema. Pansinin kung saan malimit umiinog ang teleseryeng Pilipino: pamilya, kapalaran, at pag-ibig.

Ang panonood ng teleserye ay naging parte na ng kulturang Pilipino. Malawak at malakas ang impluwensiya nito sa mga manonood. Bukod sa pagsasalamin nito sa mga karanasan at mga kaganapan sa lipunan, ang isa pang kapangyarihan ng teleserye ay ang paghulma ng mgapananaw ukol sa mga isyung panlipunan.

Malaki ang bahaging ginagampanan ng teleserye at media sa pagbuo ng mga opinyon ng mga tao sa lipunan dahil sa lawak ng nasasaklaw nitong populasyon.

Pagtangkilik ng Ibang Asyano

Sa kasalukuyan, patok sa panlasang Pilipino ang mga teleserye mula sa South Korea. Popular sa tawag na “Koreanobela,” kabilang ang mga seryeng ito sa mga nagpakilala ng kulturang Koreano sa mga Pilipino. Gayundin naman ang ibang bansang Asyano na umaangkat sa Pilipinas ng mga teleserye, partikular na sa Timog-silangang Asya. Katunayan, suki na natin sa mga teleserye ang Malaysia, Cambodia, Vietnam, at Thailand. Tatlo sa mga teleseryeng Pilipino na naipalabas na sa ibang bansa ay ang Amaya, Dyesebel,  at Pangako Sa ‘Yo.

Ang pagpapalabas ng mga teleseryeng Pilipino sa iba’t ibang bansa ay pagpapatunay na makapangyarihan ang teleserye bilang medium ng panitikan at medium ng pakikipagpalitan ng kultura. Tinutulay ng mga teleserye ang puwang sa distansiya at wika sa pamamagitan ng telebisyon na bumubuo ng ugnayan sa pagitan ng mga bansa.

Bukod sa pagpapakita ng husay sa pag-arte ng mga artista at sa pagtatampok ng magagandang tanawin, ang higit pang nagagawa ng mga teleserye ay ang naipakikita sa mga dayuhan ang kultura at kaugaliang Pilipino. Sa ganitong paraan, hindi na lamang naibabahagi ng ating bansa ang talento ng mga Pilipino sa pagbibigay ng aliw kundi hinahayaan nating silipin ng mga karatig-bansa ang mga gawi at kaugalian sa ating lipunan tulad ng pagpapahalaga sa pamilya, pagpupursigi sa pagtupad ng mga pangarap, at katapangan sa pagharap sa mga pagsubok.

Ang paghabi ng mga kuwentong nagtatampok ng mga karanasang atin ay nagiging daan para matuklasan ng mga nasa ibang bansa—kahit pa iba-iba ang ating mga wika, kulay, at kutis—lagi’t laging may pagkakatulad ang ating mga damdamin at kaugalian.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.