Tagalog
Ang mga Tagalog ay isa sa mga pinakamalaking kauriang panlahi at wika sa Pilipinas at ang may pinakamalawak na paglawig sa bansa. Sila ang nangingibabaw na pangkat sa mga lalawigan ng Batangas, Cavite, Bulacan, Laguna, Bataan, Quezon, Camarines Norte, Marinduque, at Rizal. May maraming bilang din ng mga Tagalog ang Nueva Ecija, Tarlac, Aurora, Zambales, Mindoro Oriental, Palawan, at Kalakhang Maynila.
Pinagmulan
Hindi lubos ang katiyakan sa lahi o lupaing pinagmulan ng mga Tagalog. Iminumungkahi na sila ay nagmula sa kinalalagyan ng kasalukuyang Taal, Batangas. Maaari ding sila ay mula sa lalong timog malapit sa kasalukuyang Kabisayaan. Pinaniniwalaang sila ay mga kaapu-apuhan ng mga taong nagsasalita ng mga wikang Austronesio na nagmula sa lupain ng Taiwan, kagaya ng ibang lahi sa kapuluang napalilibot sa Pilipinas.
Pinaniniwalaan ng karamihan na nagmula ang katawagang Tagalog sa salitang "taga-ilog". Lubos na kilala ang mungkahing ito, at ang kawikaang "Taga Ilog" nga rin ay ginawang lagdang pangkasulatan ni Gen. Antonio Luna. Iminungkahi rin ng mananaliksik na si G. Trinidad Pardo de Tavera ang "taga-álog" kung saan ang álog ay katulad ng ilog nguni't parang batis na malulusungan. Ang ganitong pagpapangalan sa isang kalipunan ng mga mananalita ng isang wika, ayon kay Tavera, ay may pagkakahalintulad sa katawagan sa mga Tagbanua atbp.
Kabihasnan
Tiyak na malaki ang kaibahan ng kalinangan ng mga Tagalog noong mga kapanahunan bago ang pagdating ng Kastila kung ihahambing sa kasalukuyan.
Wika
Ang pangunahing wikang sinasalita ng mga Tagalog ay ang sarili nilang wikang Tagalog. Ito'y lalong nauuri sa iba't-ibang diyalektong malimit ipangalan sa mga lalawigan at bayan, bagama't halos walang hadlang sa pagkakaunawaan ng mga ito.
Karamihan sa mga Tagalog na may dugong Merdeka (maharlika o malaya) at Kastila sa Ternate, Cavite ay nagsasalita ng Ternateñong Chavacano.
Kaugalian
Marami sa kaugaliang Tagalog ay kinatawan ng ibang mga kultura sa Pilipinas at ang ilan ay nanatiling haligi ng itinuturing na huwarang pag-uugali ng mga Pilipino.
May sadyang kahigpitan sa pagtataguyod ng paggalang at pakikitungo sa kapwa ang mga Tagalog, na makikita sa kanilang mga gawi at kayarian ng kanilang wika. Mahalaga rin sa pagkakabuklod ng kanilang lipunan ang katuwiran at pagpapahalaga sa mga mungkahi at pananaw ng bawa't isa.
Ang mga Tagalog, sa kanilang kasaysayan, ay likas ding nagpamalas ng pag-ibig sa kalayaan at kakayanang makapamuno sa sarili. Ito'y pinatutunayan ng bilang ng mga katauhan mula sa Katagalugang silang namayani sa adhikaing mapalaya ang Pilipinas. Uliran ang kanilang katapangang magkusang lumahok at makidigma sa Himagsikang Pilipino laban sa Kastila at Amerikano, at gayon din noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Pangkapamuhayan
Pagsasaka at pangingisda ang kinagisnang pangkaraniwang kabuhayan ng mga Tagalog, subali't higit na mahalaga sa kanilang lipunan ang pamumuhunan at negosyo. Sa katunayan, itinala ng Kastilang Agustinong prayle na si Martin de Rada ang malawakang kalakalan, ang pagsasaka ng palay bilang pangkabuhayan, at ang pakikiugnay sa pamunuan ng Borneo, na pawang mga kaganapan sa mga pamayanang itinatag ng mga Tagalog, gayon na rin ang paghilig nila sa kalakalan kaysa sa pakikidigma.[1]
Kasaysayan
Panahon ng Kastila
Naglunsad ng maraming pag-aaklas laban sa Kastila ang mga Tagalog, at isa sila sa mga pinakamaagang naghimagsik. Isa sa mga panghihimagsik na ito ang isinagawa ng Tagalog na si Apolinario de la Cruz (kilala rin bilang Hermano Pule), na may layuning makapananampalataya. Isang mestisong Tagalog-Intsik ang pambansang bayaning si Jose Rizal na mula sa Calamba, Laguna.
Noong 1898, maraming mga pinuno ng Himagsikang Pilipino ang mga Tagalog, katulad nina Apolinario Mabini, Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, ang unang pangulo ng Pilipinas na si Emilio Aguinaldo, at iba pa.
Mula kay Aguinaldo, may apat pang mga Tagalog na nanungkulan bilang pangulo ng Pilipinas: si Manuel L. Quezon (isang mestisong Pilipino-Kastila) na may malaking antas ng kanunu-nunoang Tagalog), si Jose P. Laurel, si Corazon Aquino, at si Joseph Estrada. Karaniwang kakikitaan ng masiglang pakikiisa, pakikibaka at mga tagumpay ng mga mamamayang Tagalog ang maagang bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas, at kasalukuyan pa ring nakikilahok ang mga ito sa pangkasalukuyang politika at mga gawaing pangkabuhayan sa Pilipinas. Matatag ang pagiging lantad ng mga Tagalog sa pambansang katangian at gawi, sapagkat palagiang pangunahing laman ang mga ito ng mga pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas, na nilalarawang may pagsusumigasig, pagtitiyaga, pagpupunyagi, pagsusumikap, at pagtataguyod ng kasiglahan at katanyagang Pilipino.
Demograpiya
Pangunahing pananampalataya ng mga Tagalog ang Kristiyanismo, na mga Romano Katoliko ang karamihan, kasunod ang mga Protestante. Mayroon ding ilang mga Muslim. Maraming mga mestisong Tagalog. Marami sa mga Tagalog ang may halong Intsik at Pilipino, na may maliit na bilang na may mga ninunong Kastila at Amerikano. Tinatawag na Katagalugan ang rehiyon ng mga Tagalog.
Pinagsanggunian
- ↑ Cf. William Henry Scott, Cracks in the Parchment Curtain, Quezon City: 1998, pp. 124-125
Hindi natukoy
- The Tagalogs, Seasite.niu.edu
- Tagalogs, Howstuffworks.com
- McDermott, John F., Wen-Shing Tseng, at Thomas Maretzki. The Tagalogs, People and Cultures of Hawaii, Books.google.com
- Bulseco, Patrick Rey. Tagalog, Tripod.com
- Americans Defeat Tagalogs.; United States Forces Have Only Two Men Wounded, the Enemy Losing Twenty Killed. (PDF), The New York Times, NYTimes.com, Oktubre 14, 1900
Pagkilala
![]() |
Hinango sa Wikipedia ang nilalaman ng pahinang ito na nagmula sa Tagalog. Ang talaan ng mga may-akda ay makikita sa pahina-kasaysayan. Kahalintulad ng Wikipedia, binibigyang-pahintulot ng WikiFilipino ang muling paggamit at pakikinabang sa mga nilalaman nito sa ilalim ng GNU Free Documentation License. Basahin ang kumpletong pagtatanggi/pagtatatwa. |