TV Patrol

From Wikfilipino
Revision as of 00:20, 4 January 2021 by Damarante (talk | contribs) (Created page with "Ang '''TV Patrol World''' o mas naunang nakilala bilang '''TV Patrol''' ay isang panggabihang balitang programa sa ABS-CBN. Bukod sa teleb...")
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search

Ang TV Patrol World o mas naunang nakilala bilang TV Patrol ay isang panggabihang balitang programa sa ABS-CBN. Bukod sa telebisyon, ito rin ay umeere sa DZMM, ang radyong istasyon ng ABS-CBN. Ito ang nagpasimula sa pagbabalita sa telebisyon, na mayroong mabilisang paghahatid ng mga balita. Nagsimula ito bilang TV Patrol noong 1987 kung kaya naman naipagdiwang na nito ang ika-20 taon nito nang pagsasahimpapawid sa telebisyon. Sa ngayon, ito na ang pinakamatagal na balitang programa sa Pilipinas. Nagsimula lamang ito ng pagpapalit ng pangalan at anyo noong 2004.

TV Patrol

Nagsimula ito noong ika-2 ng Marso 1987 sa pangalang TV Patrol. Pinamunuan ito ng Ikalawang Pangulo Noli de Castro, na noo'y isa sa mga tinitingalang mamamahayag sa telebisyon at radyo. Kasama niya si Robert Arevalo na agad ding napalitan ni Frankie Evangelista. Matapos ang dalawang buwan, kasama pa si Mel Tiangco, at Angelique Lazo. Bukod pa sa kanila ay naroon din si Ernie Baron na siyang naghahatid ng balita tungkol sa panahon at nagdadala rin ng mga dagdag kaalaman hinggil sa kasaysayan o kaya naman ay sa agham. Nang lumipat si Mel Tiangco sa GMA matapos masuspinde sa ABS-CBN, naiwan kay Noli de Castro ang programa.

Ngunit nang kumandidato si de Castro para sa pagka-Senador noong 2001, pinalitan siya ni Korina Sanchez. Sinamahan siya ni Henry Omaga-Diaz at Aljo Bendijo. Si Marc Logan naman ang tagapagbasa ng mga dagdag kaalaman. Matapos ang ilang mga pagbabago, naiwan sina Korina Sanchez at Julius Babao hanggang sa ika-19 ng Nobyembre 2004 bago pa man ipakilala ang TV Patrol World.

TV Patrol World

Sa kasalukuyan, ang mga tagapagbalita ay sina Ted Failon, Julius Babao, at Karen Davila, habang ang ibang pangkat naman ay ibinabalita nina Kim Atienza, Phoemela Barranda, at Bernadette Sembrano. Napapanood ito ng buong bansa tuwing ika-6:30 ng gabi at napapakinggan din sa DZMM, DYAB Radyo Patrol 1512 sa Cebu, DYRV Radyo Patrol 1188 kHz sa Catbalogan at sa DXAB Radyo Patrol 1296 sa Davao. Ipinapalabas rin ito sa ibang bansa sa pamamagitan ng The Filipino Channelo ng TFC.

Pinaganda ring lalo ang anyo nito sa pamamagitan ng pag-aayos muli ng disenyo ng logo, ng tunog, at ng 3D graphic animation ngunit ang porma ng pagbabalita ay pareho pa rin- mayroong mga malalaking mga screen upang makausap ng mga nasa istudyo ang nagbabalita sa ibang lugar.

Ang pag-uulat nito tungkol sa aksidente sa PhilSports Arena ay nakapag-uwi sa kanila ng ikalawang karangalan sa 2007 New York Festivals Television Programming and Promotion Awards. Nakasali rin ang programa sa kategorya ng balita sa 2007 International Emmy Awards.

Nito lamang ika-30 ng Marso 2008 ay inayos muli ang anyo ng programa.

Mga Bahagi ng Programa

  • Ronda Patrol
  • Star Patrol
  • 1 Minute Patrol
  • World Patrol
  • Weather Weather
  • Citizen Patrol
  • Todo Lakas Pinoy
  • Hulog ng Langit

Sanggunian

Panlabas na Kawing

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.

Kategorya: Aliwan Kategorya: Telebisyon