State of the Nation Address

From Wikfilipino
Revision as of 12:28, 21 July 2021 by Rclacuata (talk | contribs)
Jump to navigation Jump to search
Nagpahayag si Pangulong Rodrigo Duterte ng kanyang unang Talumpati sa Kalagayan ng Bansa sa Bulwagang Plenaryo ng Hugnayan ng Batasang Pambansa noong Hulyo 25, 2016.

Ang Talumpati sa Kalagayan ng Bansa (State of the Nation Address, pinapaikli bilang SONA sa wikang Ingles) ay ang taunang kaganapan sa Republika ng Pilipinas kung saan inuulat ng Pangulo ng Pilipinas ang kalagayan ng bansa, gayundin ang agenda ng pamahalaan sa mga susunod na taon, at maari ring magmungkahi ng ilang mga batas sa Lehislatura. Karaniwan itong isinasagawa kasabay ng pagbukas muli ng pinagsamang sesyon ng Kongreso (ang Kapulungan ng mga Kinatawan at Senado). Ang SONA ay isang tungkulin ng Pangulo alinsunod sa Artikulo VII, Seksiyon 23 ng Saligang Batas ng 1987. Ipinapahayag ang talumpati bawat ikaapat na Lunes ng Hulyo sa Bulwagang Plenaryo ng Hugnayan ng Batasang Pambansa sa Batasan Hills sa Quezon City.


Ang SONA, na kadalasang ibinobrodkast, ay nagsisilbing paraan ng kasalukuyang Pangulo ng bansa upang ipagbigay-alam sa mga mamamayan ang tungkol sa kasalukuyang kalagayan sa ekonomiya, pulitika, at lipunan. Kaparaanan din ito para sa Pangulo upang ibuod ang mga nagawa at pinaplano ng kanyang pamahalaan kapwa para sa isang partikular na taon at hanggang katapusan ng kanyang panahon ng panunungkulan.

Mga Tradisyon at Pamamaraan

Sa araw ng talumpati, humaharap ang Pangulo sa Kongreso sa oras na itinakda ng kapulungan. Sa pagharap na ito, magsasagawa ng joint session ang mga senador at kinatawan.

Sa umaga ng Lunes sa araw ng SONA, nagsasagawa ng kani-kaniyang sesyon ang Senado at ang Kapulungan ng mga Kinatawagn, kung saan rin nagkakaroon ng halalan ng mga opisyal. Matapos ito ay maghahain ng magkasabay na resolusyon ang dalawang kapulungan upang ipaalam na handa na silang pakinggan ang ulat ng Pangulo bago suspendihin ang sesyon.

Pagdating ng hapon, sasalubungin ng pinuno ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas at ng mga Sergeant-at-Arms ang dalawang kapulungan. Sasamahan rin ng Chief of Staff ng AFP ang Pangulo palampas sa Honor Guard. Magtutungo ang Pangulo sa Presidential Legislative Liaison Office (PLLO), na siyang nagsisilbing opisina ng Pangulo sa Batasang Pambansa. Nakaugalian nang magsagawa ng "courtesy call" ang dalawang kapulungan sa Pangulo sa PLLO. Isang komite na binubuo ng mga kasapi ng dalawang kapulungan ang sasama sa Pangulo sa bulwagan. I-aanunsiyo ng Speaker of the House ang pagdating ng Pangulo, at saka pupuwesto sa gitna ng Senate President at Speaker of the House. Dito na sisimulan ang joint session ng dalawang kapulungan ng Kongreso, na susundan ng pagkanta ng pambansang awit at panalangin. Matapos ito, sisimulan na ng Pangulo ang kaniyang ulat. Matapos ang mensahe ng Pangulo, isasara na ng Speaker of the House at ng Senate President ang joint session para sa kani-kanilang mga kapulungan.

Seremonya ng Pangulo

Kadalasang ipinapahayag ang talumpati bandang ika-apat ng hapon. Bago ang itinakdang oras, pumapasok ang mga mambabatas sa Bulwagang Plenaryo kasama ang kanilang mga bisita. Kadalasang dumarating ang Pangulo sa Hugnayan ng Batasang Pambansa ilang minuto bago magsimula ang sesyon. Malugod siyang tinatanggap at binabati ng Tagapagsalita ng Kapulungan, Pangulo ng Senado, at komite ng pagsasalubong, bago siya nagpapatuloy sa Tanggapan ng Pampanguluhang Tagapag-ugnay Pambatasan.

Pagkatapos, pumapasok ang Pangulo sa Bulwagang Plenaryo habang tinutugtog ang Pampanguluhang Awit. Ipinapakilala ng Punong Kalihim ang Pangulo, na lumalapit sa plataporma at pinapaupo. Saka nagtitipun-tipon ang Pangulo ng Senado at Tagapagsalita ng Kapulungan para sa pinagsamang sesyon at inaakay ng Koro ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang kapulungang nakatayo sa pag-aawit ng Lupang Hinirang. Pagkatapos niyan, inaakay ng mga kinatawan ng mga iba't ibang relihiyosong grupo ang kapulungan sa isang panalanging ekumenikal.

Matapos iyon, ipinapakilala ng Tagapagsalita ang Pangulo sa wikang Filipino o Ingles sa mga salitang katulad sa mga sumusunod:

Ang Talumpati, na maaaring tumagal mula sa isa hanggang sa iilang oras, ibinobrodkast sa telebisyon, radyo, at online streaming ng mga ahensya ng estado tulad ng Radio Television Malacañang, pati rin ang mga pribadong organisasyon ng midya.

Ilang trivia tungkol sa SONA

  • Si Pangulong Manuel Quezon ang unang pangulo ng Pilipinas na nag-ulat sa bayan ng SONA noong 1935. Umabot sa pitong SONA ang kaniyang naiulat sa kabuuan ng kaniyang panunungkulan bilang pangulo ng Pilipinas.
  • Tanging sina Emilio Aguinaldo atJose P. Laurel ang dalawang pangulo ng Pilipinas na hindi nakapag-ulat sa bayan.
  • Noong 1950, iniulat ni Pangulong Elpidio Quirino ang kaniyang SONA sa pamamagitan ng brodkast sa radyo dahil siya ay kasalukuyang nasa ospital noon sa Estado Unidos. Siya ang una at nag-iisang pangulong hindi humarap sa Kongreso para sa kaniyang SONA.
  • Ang dating diktador na si Ferdinand E. Marcos ang may pinakamaraming naiulat na SONA na umabot sa 20.
  • Si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang may ikalawang pinakamaraming naging SONA. Siyam na beses siya humarap sa Kongreso para sa SONA.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.