Sinulog Festival
Sumisiklab ang Lungsod Cebu, Cebu tuwing Enero dahil sa pagdiriwang ng Sinulog. Gaya ng Ati-atihan, ang Sinulog ay tinatampukan ng sagradong imahen ng Santo Niño, at sa himig ng “Pit Señor! Hala, Bira!” ay yayanigin ng tambol, palakpak, at hiyawan ng mga tao ang buong lungsod. Ang Sinulog ay binubuo ng halos isang buwan na paggunita sa mahal na patron ng mga Sebwano, at kabilang dito ang Sinulog Bazaar, ang timpalak Sinulog, ang sining at pangkulturang pagtatanghal, prusisyon, ang parada doon sa Ilog Mactan, ang Reyna ng Sinulog, at ang makukulay na kuwitis na pinasasabog sa himpapawid.
Salitang Sinulog
Ang salitang Sinulog ay nagmula sa salitang Cebuano na may ibig sabihin na, "tulad ng agos ng tubig." Itinutukoy dito ang sulong-urong na lakdaw padyak ng sayaw ng Sinulog. Ang mga mananayaw ay kadalasang sumasayaw ng pasulong at paurong kasabay sa tiyempo ng tambol.
Kasaysayan
Bago pa man dumating ang mga Kastila, ang Sinulog ay sinasayaw na ng mga Filipino sa Cebu sa kanilang pagbibigay-bunyi sa kanilang mga anito. Noong dumating Ferdinand Magellan sa Cebu noong 1521, si Rajah Humabon, kasama ang kaniyang asawa na si Amihan gayun din ang mga 800 mga katutubo ang ninais na mabinyagan bilang Katoliko. Ibinigay ni Magellan ang imahen ni Santo Niño sa asawa ni Rajah Humabon at pinangalanang Juana. Ang pangyayaring ito ay hindi lamang nagpakilala kay Santo Niño sa mga taga-Cebu kundi ito din ay naging isang napakahalagang karanasan: ang representasyon ni Reyna Juana, hawak ang imahen ni Santo Niño na binabasbasan ang kanilang mga tauhan upang mailayo sila sa sakit at masamang espiritu at maging importanteng bahagi ng sayaw ng Sinulog.
Noong dumating si Miguel Lopez de Legazpi at ang kaniyang mga tauhan sa Cebu noong 1565, isa sa mga sundalo ang nakatuklas ng isang kahon na may imahen ni Santo Niño. Ito ay napapaligiran ng bulaklak at mga pigurin ng mga anito. Ayon sa mga mananalaysay, ang mga pagbabago, mula sa pagsayaw ng Sinulog, sa pagsamba sa mga anito hanggang sa pagbubunyi kay Santo Niño ay naganap sa loob ng 44 na taon sa pagitan ng pagdating ni Magellan at Legazpi.
Idineklara ng Augustinian order na ang naturang imahen ay milagroso at itinatag nila ang simbahan kung saan ito nadiskubre. Ipinangalan ito na San Agustin Church hanggang pinalitan ito sa Basilica Minore del Santo Niño.
Ang debosyon sa Santo Niño ay tumagal at sumulong sa kultura ng Pilipinas sa pagdaan ng mga siglo lalo na sa rehiyon ng Visayas. Ang mga pilgrimo ay naglalakbay taon-taon sa Basilica upang makilahok sa prusisyon at sa kapistahan. Noong 1980, ang lokal na pamahalaan ng Cebu ay nangasiwa sa pagsasaayos ng Sinulog festival. Ang direktor noon ng Ministry of Sports and Youth Development na si David S. Odilao, Jr., ay nagtatag ng grupo ng mga estudyante at tinuruan sila ng sayaw ng Sinulog kasabay sa tiyempo ng tambol at pinagsuot ng moro-moro costumes upang makilahok sa pinakaunang parada ng Sinulog. Sa tagumpay ng pinakaunang kapistahan, ang event na ito ay isinagawa kada-taon.
Ang iba pang bersyon ng Sinulog ay makikita sa iba't-ibnag parte ng Cebu. Dahil sa commercialization ng pistang ito, ang Cebu ay ang nangungunang destinasyon ng mga turista tuwing buwan ng Enero sa Pilipinas.
Sanggunian
- Opisyal na Websayt ng Sinulog sa Cebu. (hinango noong Enero 19, 2009).
- Philippine Country. (hinango noong Enero 19, 2009).
- Araw. Issue Number 1. Maynila: National Commission for Culture and the Arts, 2004.
- Mosqueda Jr., Mars M. "Sinulog Festival fever hits Cebu City" na mula sa Manila Bulletin, Tomo 421, Bilang 8, 8 Enero 2008, p. 13.
- Hango mula sa Sinulog noong 26 Disyembre 2007.
Pagkilala
![]() |
Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi. |
Sinulog Festival
Sinulog Festival
Sinulog Festival
Sinulog Festival
Sinulog Festival