Rodrigo Duterte
Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, pindutin ang panlabas na kawing na ito.
2016–halal | |
Hunyo 30, 2013–Hunyo 30, 2016 Hunyo 30, 2001–Hunyo 30, 2010 Pebrero 2, 1988–Marso 19,1998 | |
Lungsod ng Davao 1998–2001 | |
Lungsod ng Davao 1986–1988 2010–2013 | |
Isinilang: | 28 Marso 1945 Maasin, Leyte |
---|
Si Rodrigo Roa Duterte (ipinanganak Marso 28, 1945 sa Maasin, Leyte) ay isang Pilipinong abogado at politiko na kasalukuyang nanunungkulan bilang ika-16 na Presidente ng Pilipinas. Siya'y nanumpa sa bagong katungkulan noong Hunyo 30, 2016.
Nagsilbi siyang alkalde ng Lungsod ng Davao sa loob ng pitong termino o higit 22 taon. Siya ay unang inihalal noong 1987 at dalawang beses muling nahalal. Siya ay umalis sa opisina dahil sa limitasyon sa termino at naging isang kinatawan para sa unang distrito ng Lungsod ng Davao sa Maynila mula 1998 hanggang 2001. Nang taong iyon, siya ay tumakbo muli sa pagka-alkalde sa Davao at matagumpay na nakuhang muli ang puwesto. Noong 2004, siya ay muling nanalo bilang alkalde sa panibagong termino. Ayon sa listahan ng “most trusted individuals” ng Reader's Digest noong 2010, ika-lima si Duterte sa mga politikong Pilipino na kabilang.
Sa ilalim ng pamamahala ni Duterte, ang antas ng krimen sa Davao ay sukdulang bumaba, sa punto na ang pulong ng lokal na turismo ay maaaring ipahayag ang lungsod bilang "pinaka-mapayapang lungsod sa Timog-silangang Asya." Binansagang "The Punisher" ng Time Magazine, paulit-ulit na kinundena ang alkalde ng ilang lokal na mamamayan at ng Amnesty International dahil sa pagkakaroon at maging pagpapahintulot sa mga maliliit na kriminal (madalas ay kabataan na nadadawit sa krimen tulad ng paggamit ng bawal na gamot at pagnanakaw) na patayin ng death squads.
Kabataan at Edukasyon
Ipinanganak siya noong Marso 28, 1945 sa Maasin, Leyte kina Vicente Duterte, dating Gobernador ng Davao, at Soledad Roa, guro at civic leader.
Nagtapos siya ng elementarya sa Sta. Ana Elementary School sa Davao noong 1956 at sekundarya sa Holy Cross Academy sa Digos, Davao del Sur. Nakamit niya ang Bachelo of Arts degree sa Lyceum of the Philippines University sa Maynila noong 1968 at law degree sa San Beda College of Law noong 1972. Miyembro siya ng Lex Talionis Fraternitas, isang kapatirang nakabase sa San Beda College of Law at Ateneo de Davao University. Nakapasa siya noong 1972 at namasukan bilang Special Counsel sa City Prosecution Office sa Davao.
Karera
Matapos ang Rebolusyong EDSA ng 1986, itinalaga si Duterte bilang officer-in-charge vice mayor. Makalipas ang dalawang taon, tumakbo siya bilang mayor at nanungkulan hanggang 1998. Itinalaga niyang deputy mayors ang mga kinatawang nagtatanggol sa karapatan ng mga Lumad at Moro sa gobyerno.
Taong 1998 nang siya'y manungkulan bilang kinatawan ng Unang Distrito ng Davao. Mula 2001 to 2010 nama'y nagsilbi siyang muli bilang Mayor. Sa ilalim ng kaniyang pamumuno, nakamit ng Davao ang National Literacy Hall of Fame Award matapos manalo ng tatlong beses sa Highly Urbanized City category ng Outstanding Local Government Unit. Bumaba ang bilang ng mga krimen sa ilalim ng kaniyang panunungkulan. Magmula sa pagiging isang “crime-infested area”, ito'y naging isang siyudad na may maunlad na komersiyo na may 24/7 emergency hotline (Central 911). Noong Hunyo 2015, ang Davao ang ika-4 na “safest city in the world.”
Ginamit ni Mayor Duterte ang pondo ng pamahalaan upang magtayo ng drug rehabilitation and treatement center na nagbibigay ng 24-oras na serbisyo. Noong 2003, nag-alok siya ng monthly allowance na P2,000 sa mga drug addicts na lumapit sa kanya at humingi ng tulong upang tuluyan na itong maiwasan. Binibisita rin niya ang mga liblib na kampo ng New People's Army (NPA) upang pag-intingin ang peace transaction efforts at diplomacy.
Dalawang beses kada linggo kung mag-maneho paikit ng Davao City si Duterte upang masiguro na maayos ang lahat ng bagay. Sa night patrols, binibisita niya ang mga presinto at sinisigurong hindi natutulog ang mga pulis at inaalam kung talaga bang alam ng mga nakakulong ang kanilang nagawang kasalanan. Mayroon ding panahon noon na namahagi siya ng groceries sa mga pulis upang hindi na nila maisipan pang mangotong. Sa kabilang banda, siya na mismo ang magpapangaral sa pulis na mahuhuli niyang lasing habang oras ng trabaho.
Sinusuportahan ni Mayor Duterte ang LGBT rights at nagsasali ng gay candidates sa kanyang partido sapagkat naniniwala siyang ang lahat ay nararapat lamang na may representasyon. Isa siya sa mga nagreklamo nang alisin ng Comelec ang Ang Ladlad, isang gay rights group, mula sa party-list slate. Isa rin siya sa mga tumulong na maipasa ang Anti-Discrimination ordinance sa Davao City.
Nagsilbi siyang Vice Mayor ng Davao mula 2010 hanggang 2013.
Ang ilan sa mga kilalang ordinansang ipinatupad sa ilalim ng kaniyang pamamahala ay ang:
- Firecracker ban
- Liquor ban (pagtitinda at pagkonsumo ng alak mula 10 PM hanggang 8 AM sa mga pampublikong lugar)
- Anti-smoking ordinance
- Family planning
Inalok siyang manungkulan bilang kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) ng mga dating Pangulong sina Fidel V. Ramos, Joseph Estrada, Gloria Macapagal-Arroyo, at Benigno Aquino III, ngunit tinanghgihan niya ang lahat ng ito. Si Duterte ang anti-crime consultant ni Arroyo noong 2002. Siya ang namuno ng anti-terror task force upang makamit ang katahimikan at kapayapaan sa bansa.
Mayroong sariling local show sa Davao City sa Duterte na may pamagat na Gikan Sa Masa, Para Sa Masa (“From the Masses, For the Masses”) na matutunghayan sa ABS-CBN Davao.
Ilang beses niyang tinanggihang tumanggap ng mga parangal. Noong 2014, siya'y nominado para sa “World Mayor” award ng The City Mayors Foundation ngunit magalang niya itong tinanggihan. Aniya, hindi niya ito ginagawa para sa kanyang sarili ngunit ginagawa niya ito para sa kaniyang mga kababayan. Ang nasabing parangal ay iginagawad kada dalawang taon sa mga natatanging lider na maayos na napaglingkuran ang kanilang komunidad. Tinanggihan din niya ang mga parangal para sa Davao City mula sa American Cancer Society at ang 2010 Anti-Smoking Award sa Singapore.
Kampanya sa Pagkapangulo
Maraming beses hinimok si Rodrigo Duterte na tumakbo sa pagkapangulo ngunit tinanggihan ito sapagkat aniya, ang government system ng Pilipinas ay may mga lamat, siya'y matanda na, at hindi sang-ayon sa kaniyang pagtakbo ang kaniyang pamilya. Noong Nobyembre 27, 2015 nang siyang pormal na naghain ng certificate of candidacy.
Kontrobersiya
Bukod sa mga paratang ng extra-judicial killings at iba pang akusasyon mula sa kaniyang mga katunggali, naipit si Duterte sa ilang kontrobersiya.
Noong Nobyembre 2016, nang siya'y tanungin tungkol sa naging karanasan niya sa Maynila sa pagbisita ng Santo Papa, sinabi niyang nainis siya sa buhol-buhol na trapikong idinulot nito. Aniya, sa pabirong tono, “Gusto kong tawagan, ‘Pope putang ina ka, umuwi ka na. ‘Wag ka nang magbisita dito.” Ilang oras matapos niyang bitawan ito, sinabi niyang hindi niya intensyon na atakihin ang Santo Papa. Dagdag pa niya, nais niyang magtungo ng Vatican upang humingi ng tawad sa Santo Papa ngunit pinili na lamang na magpadala ng sulat dito.
Ilang buwan lamang ang nakalipas ay nasangkot na naman siya sa panibagong kontrobersiya matapos siyang mag-komento sa kaso ng rape na naganap sa kulungan sa Davao noong 1989. Aniya, galit siya sa mga hostage takers na nanggahasa sa 36-anyos na misyonerong Awstralyano na si Jacquelline Hammill. Dagdag pa niya, na dapat nauna rito ang Mayor. Marami ang hindi natuwa sa mga binitawan niyang salita, biro man ito o hindi. Humingi naman siya ng paumanhin kalaunan at sinabing hindi niya intensyon na lapastanganin ang mga kababaihan lalo pa ang mga naging biktima ng rape.
Inakusahan din siya ng tumatakbo namang bise presidente na si Antonio Trillanes ng pagkakaroon ng umano'y “ill-gotten wealth” na nagkakahalaga ng 211 milyong piso. Kinuwestiyon naman sina Trillanes at ang BPI kaugnay ng bank secrecy law.
Noong ika-5 ng Mayo 2016, isang political campaign ad na inaatake si Duterte na binayaran ni Senator Trillanes ang ipinalabas sa mga telebisyon. Ipinakita rito ang mga bata na pinupuna ang mga kilos at salita ni Duterte. Makalipas ang dalawang araw, naglabas ng 72-oras na TRO ang Taguig RTC na pinagbabawalan ang mga istasyon ng telebisyon sa pagpapalabas nito.
Ilang araw bago magtapos ang kampanya, hinikayat ng papaalis na pangulong si Noynoy Aquino na magkaisa ang lahat laban kay Duterte. Ayon kay Mar Roxas, kailangan nilang magkaisa laban kay Duterte na may pagbabanta ng diktadurya, walang pakialam sa katapatan, integridad, transparency, responsibilidad, maging desensiya.
Tagumpay
Ilang oras matapos magsara ang botohan, ang partial at unofficial vote counts na ipinakita ng Comelec at Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na nangunguna si Duterte sa pagtatamo ng 15,970,018 boto 38.6% ng buong boto para sa pagka-pangulo.
Matapos magtamo ng 16,601,997 boto, iniluklok si Duterte bilang ika-16 na Presidente ng Republika ng Pilipinas noong ika-30 ng Hunyo 2016.
Iba pang karanasan sa trabaho
- Special Counsel – City Prosecution Office, Lungsod ng Davao, 1977-1979
- Fourth Assistant City Prosecutor - City Prosecution Office, Lungsod ng Davao, 1979-1981
- Third Assistant City Prosecutor - City Prosecution Office, Lungsod ng Davao, 1981-1983
- Second Assistant City Prosecutor - City Prosecution Office, Lungsod ng Davao, 1983-1986
- Lecturer on Criminal Law, Criminal Evidence & Criminal Procedure - Police Academy Regional Training Center XI, 1973
- Bise-Alkalde - Lungsod ng Davao, 1986-1988
- Alkalde - Lungsod ng Davao, 1988-1992 (muling nahalal: 1992-1995, 1995-1998)
- Kinatawan/Kongresista - Unang Distrito ng Lungsod ng Davao, 1998-2001
- Alkalde - Lungsod ng Davao, 2001-2004 (muling nahalal: 2004-2007, 2007-kasalukuyan)
Si Duterte ay kasapi rin ng mga sumusunod na organisasyon:
- Integrated Bar of the Philippines
- Davao Lions International - Chinatown chapter
- Davao Practical Shooting Association
- On Any Sunday Riders
Pamilya
Dating kasal si Duterte kay Elizabeth Zimmerman, isang flight attendant mula Davao. Sila'y may tatlong anak: Paolo, Sara, at Sebastian. Pinasok nina Paolo at Sara ang pulitika samantalang si Baste naman ay itinuon ang oras at atensyon sa negosyo at surfing. Noong 2000, na-annul ang kanilang 27-taong kasal. Taong 2015 nang madiskubreng may stage 3 breast cancer si Zimmerman. Kasalukuyang kasama ni Duterte ang kanyang common-law wife na si Cielito “Honeylet” Avanceña at ang kanilang anak na si Veronica,ngunit wala pang mga apo si Duterte.
Sanggunian
- Mayor's Bio Data sa Opisyal na Website ng Lungsod ng Davao. (Hinango 20 Mayo 2009).
- I-Site Personal Information - Rodrigo Duterte. (Hinango 20 Mayo 2009).
- Camille Diola, " Rodrigo Duterte formalizes presidential bid" Philstar.com.(Hinango 11 Hulyo 2016)
- Adam Harvey, "Controversial mayor Rodrigo Duterte wins Philippine presidential election following incendiary campaign" ABC News (Australian Broadcasting Corporation).(Hinango 11 Hulyo 2016)
- "Philippines election: Rodrigo Duterte in quotes" BBC News.(Hinango 11 Hulyo 2016)
- Chrisee Dela Paz, "BPI speaks up on Duterte controversy" Rappler.(Hinango 11 Hulyo 2016)
- " EXCLUSIVE: President Aquino calls for united front against Duterte" CNN Philippines.(Hinango 11 Hulyo 2016)
- "Duterte leads presidential race" ABS-CBN News.(Hinango 11 Hulyo 2016)
- "VOTE PH 2016" INQUIRER.net.(Hinango 11 Hulyo 2016)
- Vanne Elaine Terrazola, "Duterte leads in NBOC count" Manila Bulletin.(Hinango 11 Hulyo 2016)
Panlabas na Kawing
- Opisyal na Website ng Lungsod ng Davao
- I-Site - Mga Yaman at Pananagutan ni Rodrigo Duterte
- Time Magazine: "The Punisher"
- Government Forum - Best Government Office
- Davao Today: "Rody's War
- Under Investigation: The Davao Death Squad
- Crying For Resolution: Extrajudicial Killings In The Philippines
Pagkilala
![]() |
Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi. |