Reynaldo Ileto
Si Reynaldo "Rey" Clemeña Ileto ay isang kilalang historyador na Filipino na kilala sa kaniyang akdang Pasyon and Revolution: Popular Movements in the Philippines, 1840-1910 na unang nalimbag noong 1979. Paksa ng mga pananaliksik ni Ileto ang kasaysayan ng Asya, relihiyon at lipunan, postcolonial studies, at ang pamahalaan at politika sa Asya-Pasipiko. Kilala rin siya sa kaniyang pananaw na interdisiplinaryo kung saan pinagsasama niya ang kasaysayan, literatura, antropolohiya, kultura at politika sa kaniyang mga akda.
Si Ileto ay isang honorary professor sa Australian National University at isang lecturer sa Nanyang Technological University at sa Unibersidad ng Pilipinas. Nagtapos si Ileto sa Ateneo de Manila University at nakuha niya ang kaniyang doktorado sa Southeast Asian History mula sa Cornell University noong 1975.
Noong 2003, nakatanggap si Ileto ng Fukuoka academic prize para sa kaniyang pananaliksik.
Si Ileto ay anak ni Rafael Ileto na dating kalihim ng Department of National Defense at vice chief of staff ng Armed Forces of the Philippines.
Pasyon and Revolution
Sa akdang ito ni Ileto, tiningnan niya ang Himagsikan ng 1986 at ang kasapian nito sa pamamagitan ng pagtingin sa "pasyon" na isang naratibo tungkol sa pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesukristo. Ayon kay Ileto, kung titingnan ang pagkakasunod sunod ng mga kaganapan sa buhay ni Kristo sa pasyon, mula sa kadiliman patungong liwanag, maaring maipaliwanag kung paano naintindihan ng mga normal na tao ang rebolusyon.
Ipinaliwanag rin ni Ileto sa kaniyang akda ang iba't ibang mga pag-aalsa sa panahong iyon, mula kay Hermano Pule at ang kaniyang Cofradia de San Jose; si Andres Bonifacio at ang Katipunan, ang rebolusyong pinangunahan ni Emilio Aguinaldo, ang Republikang Tagalog ni Macario Sakay at ang pagtutol sa Benevolent Assimilation ng mga Amerikano, at si Felipe Salvador at ang pag-aalsa ng Santa Iglesia sa unang mga taon ng pananakop ng mga Amerikano.
Pinalaganap ni Ileto ang history from below, ang pananaw sa pagsusulat ng kasaysayan na tinitingnan ang papel ng pangkaraniwang tao sa kasaysayan ng Pilipinas.
Ilang mga kapwa historyador ang kinuwestiyon ang paggamit ni Ileto sa mga batis tulad ng mga tula at ibang dokumento tulad ng mga ritual, na dati ay hindi ginagamit sa pagsusulat ng kasaysayan.
Mga Akda
- Maguindanao, 1860-1888: The Career of Datu Utto of Buayan. (1971). Cornell University Southeast Asia Program Series No. 82.
- Pasyon and Revolution: Popular Movements in the Philippines, 1840-1910. (1979). Ateneo de Manila University Press.
- Filipinos and their Revolution: Event, Discourse, and Historiography. (1998). Ateneo de Manila University Press.
- Knowledge and Pacification: On the U.S. Conquest and the Writing of Philippine History. (2017). Ateneo de Manila University Press.
Mga Sanggunian
- Ileto, Reynaldo C. (1982). "Critical Issues in 'Understanding Philippine Revolutionary Mentality'". Philippine Studies. 30. No. 1: 92–119.
- Ocampo, Ambeth R. "Forgetting as part of remembering". opinion.inquirer.net. Retrieved 2019-07-19.
- "Two lessons from Rey Ileto – The Manila Times". www.manilatimes.net. Retrieved 2021-04-01.
- "Pasyon and Revolution". Ateneo de Manila University Press. 2020-07-09. Retrieved 2021-04-02.
- Director (Research Services Division)."Dr Reynaldo C. Ileto". researchers.anu.edu.au. Retrieved 2019-07-19.
- Ileto, Reynaldo Clemeña, author. and pacification : on the U.S. conquest and the writing of Philippine history.
- "Reynaldo C. ILETO|Laureates". Fukuoka Prize. Retrieved 2019-07-22.
- Guerrero, Milagros C. (1981). "Review: Understanding Philippine Revolutionary Mentality". Philippine Studies. 29 (2): 240–266.
- Schumacher, John N. (1982). "Recent Perspectives on the Revolution". Philippine Studies. 30: 445–92.
- Scalice, Joseph (2018). "Reynaldo Ileto's Pasyon and Revolution Revisited, a Critique". Sojourn: Journal of Social Issues in Southeast Asia. 33 (1): 29–58.
Pagkilala
![]() |
Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi. |