Republic Act No. 1425

From Wikfilipino
Revision as of 17:12, 24 June 2021 by Rclacuata (talk | contribs)
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Ang Batas Pambansa Blg. 1425 (Republic Act No. 1425) o mas kilala bilang Batas Rizal ay isang batas na nagtatakda sa pag-aaral sa buhay at mga gawa ni Jose Rizal. Naisabatas ito noong ika-12 ng Hunyo, 1956.

Kasaysayan

Unang ipinanukala ni Senador Claro M. Recto ang Senate Bill 438, o ang Rizal Bill, na naglalayong isama sa kurikulum ng lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa bansa ang pag-aaral sa buhay at mga ginawa ni Rizal, partikular na ang kaniyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Itinuring itong isa sa mga pinakakontrobersyal na panukalang batas sa Pilipinas, lalo na't mariing tinutulan ng Simbahang Katolika ang panukala ni Recto dahil sa nilalaman ng mga nobela.

Idinulog ni Recto ang panukalang batas sa Senado at sinang-ayunan siya ni Senador Jose P. Laurel. Matagal na pinagdebatehan ang panukalang batas na umani ng batikos at pagsuporta mula sa iba't ibang kampo.

Giit ng mga mambabatas na tumututol sa panukalang batas na taliwas ito sa karapatan sa pagpili ng relihiyon. Ayon naman sa Simbahang Katolika, nilabag ni Rizal ang Canon Law 1399 na nagbabawal sa mga librong umaatake sa Simbahang Katolika. Sa kabilang banda, ipinaliwanag nina Recto at Laurel na ang tanging layunin ng pagpasa sa batas ay ang panatilihin sa kamalayan ng mga Filipino ang kabayanihan ni Rizal.

Nagpatuloy ang mainit na debate tungkol sa panukalang batas hanggang sa nagbanta ang Simbahang Katolika na isasara nila ang lahat ng mga paaralang Katoliko kapag naipasa ang batas.

Para matapos ang mahabang usapan tungkol sa panukalang batas, inamyendahan ang panukalang batas, kung saan bukod sa Noli Me Tangere at El Filibusterismo ay kasama rin sa aaralin rin ang mga iba pang sinulat ni Rizal. Pumayag rin ang mga mambabatas na gamitin ang pinaikling bersyon ng mga nobela sa mga mababang paaralan, habang tanging ang mga nasa kolehiyo ang magbabasa ng orihinal na bersyon ng nobela.

Matapos ang mga amyenda, tuluyang inaprubahan ng mga mababatas ang panukala noong ika-17 ng Mayo, 1956 at isinabatas ni Pangulong Ramon Magsaysay noong ika-12 ng Hunyo sa parehong taon.


Mga Sanggunian

  • Republic Act No. 1425 [1] accessed May 28, 2021

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.