Difference between revisions of "Raha Sulayman"

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Line 29: Line 29:
 
[[Category:Pamahalaan at Politika]]
 
[[Category:Pamahalaan at Politika]]
 
[[Category:Kasaysayan]]
 
[[Category:Kasaysayan]]
 +
[[Category:Bayaning Pilipino]]

Revision as of 12:56, 23 February 2021

Si Raha Sulayman ay itinuturing na unang bayani ng Maynila na nagtanggol sa kaniyang teritoryo laban sa mga mananakop na Espanyol.[1]

Pinuno ng Sinaunang Maynila

Si Sulayman ay nagmula sa angkan ng maharlikang Muslim sa Borneo. Siya ay isa sa mga pinuno ng Sinaunang Maynila na noon ay isang masaganang pamayanan ng mga Muslim (bagama’t walang patunay na malaganap na rehiyon ang Islam sa Maynila). [1]

Ang kaniyang teritoryo ay ang nasa katimugan ng Ilog Pasig kung saan pinamamahayan ng ilang pamilya. Naniningil siya ng buwis sa mga mangangalakal na Intsik na nakikipagkalakalan sa Maynila. [1][2]

Pagdating ng mga Espanyol

Sa utos ni Miguel Lopez de Legazpi, na noon ay nasa Isla ng Panay, nakarating noong 1570 ang hukbo ng mga Espanyol sa Maynila sa pangunguna nina Martin de Goiti at Juan Salcedo. Tinanggap naman ni Sulayman ang pakikipagkaibigan ng mga Espanyol ngunit naghanda pa rin siya sa anomang masamang plano ng mga dayuhan.[3][1]

Nang mapatunayan ni Sulayman na nais silang sakupin ng mga Espanyol, tumangi siya na magpasakop sa mga ito kaya sinalakay ng kaniyang grupo ang barko ni Goiti sa Look ng Maynila noong 5 Hunyo 1570.[3][1]

Hindi naman sila nakaligtas sa ganti ng mga mananakop. Pinaslang ng mga Espanyol ang mga alagad ni Sulayman na naiwan sa himpilan. Sinunog din nila ang mga kabahayan bago bumalik sa Panay. [3][1]

Makaraan ang isang taon, muling nagbalik ang hukbo ng mga Espanyol sa Maynila sa pangunguna ni Legazpi. Kasama niya ang mga mandirigmang Espanyol, maging ng mga mandirigma mula sa Visayas.[3][1]

Labanan sa Ilog Bangkusay

Nang makarating ang hukbo ni Legazpi sa Maynila noong 16 Mayo 1571, nakipagpulong siya sa mga pinuno ng Sinaunang Maynila. Kahit pa nagdalawang-isip noong umpisa si Sulayman, tinanggap ng mga pinuno si Legazpi at idineklara ang kanilang mga sarili bilang mga kaibigan ng Espanya. Makalipas ang isang linggo, ibinalita ni Legazpi na ang Maynila ay pag-aari ng Hari ng Espanya at sila ay may karapatang ibigay ang ilang lupain nito sa sinomang nais manirahan sa loob ng siyudad.[4]

Nainsulto sa narinig ang mga katutubo kaya naisip nilang magdeklara ng giyera laban sa mga Espanyol. Sa loob ng ilang araw, libo-libong mandirigma na galing sa Agonoy at Macabebe sa Pampanga, sa pamumuno ng isang nagngangalang Tarik Sulayman (na laging napagkakamalang si Raha Sulayman), ang nagsalubong sa Tondo upang planuhin ang pag-atake laban sa hukbong Espanyol. Ang mga mandirigma ng mga karatig-bayan ng Maynila ay nagmartsa rin at inabot ang Maynila sa pamamagitan ng Ilog Bangkusay.[4]

Natalo ang mga katutubo sa Labanan sa Ilog Bangkusay. May mga palagay na pagkatapos ng kaniyang pagkatalo ay nagpalit ng pangalan si Sulayman at ginawang Agustin de Legazpi. Ayon pa sa tala, nakipagtulungan si Sulayman kay Magat Salamat, anak ni Lakandula, upang bumuo ng pangkat laban sa mga mananakop. Sinubukan nilang pagkaisahin ang mga kalapit na pamayanan ngunit nang matuklasan ito ng mga Espanyol, dinakip at binitay siya kasama ang iba pang katutubong pinuno.[4]

Noong Hunyo 1571, ang Maynila ay idineklarang Ciudad de Manila. Noong 1595, idineklara ni Haring Felipe II na ang Maynila ang kabisera ng Pilipinas.[2]

Mga Sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 1.6 Phillip Y. Kimpo Jr., ed. Virgilio S. Almario. “Raha Sulayman.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  2. 2.0 2.1 Malacañan Palace Presidential Museum and Library. “The Evolution of Manila.” Malacanan.gov.ph, http://malacanang.gov.ph/75830-the-evolution-of-manila. Accessed 20 Pebrero 2021.
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 Limos, Mario Alvaro. “The Rise and Fall of Sulayman, Matanda, and Lakandula, the Allied Rulers of Manila.” Esquire, 19 Oktubre 2019. https://www.esquiremag.ph/long-reads/the-rise-and-fall-rajahs-sulayman-matanda-and-lakandula-the-allied-rulers-of-manila-a00293-20191019-lfrm. Accessed 22 Pebrero 2021.  
  4. 4.0 4.1 4.2 Tonnette Orejas. “NHCP corrects error over true hero of Battle of Bangkusay.” Inquirer.net, 13 Hunyo 2016. https://newsinfo.inquirer.net/790311/nhcp-corrects-error-over-true-hero-of-battle-of-bangkusay. Accessed 22 Pebrero 2021.  

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.