Quiapo

From Wikfilipino
Revision as of 07:00, 27 December 2021 by Mrmagcamit (talk | contribs)
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search

Ang Quiapo ay isang popular na distrito ng Maynila. Dito matatagpuan ang Basilika Minor ng Itim na Nazareno, mas kilala sa tawag na Simbahan ng Quiapo, ang bantog na Plaza Miranda, at ang Kalye Hidalgo. Ang Pista ng Quiapo ay ginaganap tuwing Enero 9, kung saan ang Itim na Nazereno ay inililibot sa buong distrito ng Quiapo ng mga deboto.

Kasaysayan

Ang kasaysayan ng Quiapo ay naitala noong 1578, sa pagdating ng mga Pransiskano.

Ang Quiapo ay nagmula sa pangalang “kiyapo,” isang halamang tumutubo sa tubig na nahahawig sa water lily. Ito ay saganang tumutubo noon sa Ilog Pasig. Ito ay dating isang mahirap na baryo kung saan pangingisda ang pangunahing kabuhayan. Nagtatag dito ang mga Pransiskano ng isang simbahan at idineklara itong isang parokya ni San Juan de Bautista. Nang dumating naman ang mga Agustino noong 1622, isang kapilya ang kanilang itinatag bilang pagkilala kay San Sebastian.

Sa mga panahon ding ito, marami nang naninirahang Tsino sa Maynila at sa mga karatig na pook. Lalo namang dumami ang populasyon ng mga Tsino sa Maynila sa pagsisimula ng Kalakalang Galeon (1565–1815). Dahil dito, unti-unting umunlad ang baryo at dumami ang mga mestiso (mga anak ng mag-asawang magkaiba ng lahi, karaniwang pinaghalong Tsino, Espanyol, at katutubong Pilipino) na nanirahan sa Quiapo.

Noong 1586, ang distrito ay idineklara ni Gobernador-Heneral Santiago de Vera na isa nang pueblo (bayan) at naging parokya makalipas ang dalawang taon. Sa panahon ding iyon, ang Quiapo ay bahagi ng Santa Ana.

Ang Quiapo ay nakaranas ng mga sunog, lindol, at pananakop sa mga nakalipas na panahon.

Heograpiya

Ang Quiapo ay matatagpuan sa sentro ng Lungsod Maynila, at napaliligiran ito ng hanggahan ng Estero de San Miguel sa timog, Distrito ng San Miguel sa silangan, Claro M. Recto Avenue sa hilaga, at Quezon Boulevard sa kanluran. Ito ay ikatlong distrito ng Maynila at may 16 barangay.

Quiapo Church at Saturday.JPG

Pista

Ang Araw ng Quiapo o mas kilala bilang Pista ng Itim na Nazareno ay ipinagdiriwang taon-taon tuwing ika-9 ng Enero. Sa araw na ito libo-libong deboto ang nagtutungo sa Simbahan ng Quiapo, at sumasama sa prusisyon sa paniniwalang may milagrong magaganap sa buhay ng taong makahihipo o makahihimas sa imahen ng Itim na Nazareno.

Kalakalan

Ang Quiapo ay kilala sa mga murang bilihin tulad ng mga kasangkapang pambahay at elektroniko, mga katutubong produkto, mga damit na ang kalimitang makikitang nagtitinda ay mga Muslim at Instik. Hindi lang panindang gamit ang makikita sa paligid ng Quiapo, marami ding manghuhula, nagtitinda ng mga anting-anting, at mga gamot na herbal na mabibili sa murang halaga.

Plaza Miranda

Isang kilalang pook ang Plaza Miranda sa harapan ng Simbahan ng Quiapo. Noong 21 Agosto 1971, naganap ang makasaysayang pambobomba rito habang nagdaraos ng miting de avanze ang Partido Liberal ng Pilipinas. Siyam ang naitalang namatay sa insidente at maraming politiko sa ilalim ng partido ang nasugatan tulad nina Jovito Salonga, Gerardo Roxas, Eddie Ilarde, Eva Estrada Kalaw, John Osmeña, Ramon V. Mitra Jr., Ambrosio Lorenzo Jr., Ramon Bagatsing Sr., at Martin B. Isidro.

Mga Sanggunian

  • De la Torre, Visitacion R. Landmarks of Manila 1571-1930. Makati: Published for Security Bank and Trust Company by Filipinas Foundation, 1981. p22.
  • Quiapo. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Hango sa https://philippineculturaleducation.com.ph/quiapo/. Accessed 24 Disyembre 2021.
  • Ma. Patricia Brillantes-Silvestre. “Music in The Heart of Manila: Quiapo from the Colonial Period to Contemporary Times: Tradition, Change, Continuity.”https://cilam.ucr.edu/diagonal/issues/2008/Brillantes-Silvestre2.pdf. Accessed 27 Disyembre 2021
  • Andrade, Pio Jr. “Quiapo in the History of the Nation.” Quiapo Heart of Manila, edited by Fernando Nakpil Zialcita, The Cultural Heritage Studies Program Department of Sociology and Anthropology Ateneo de Manila University and Metropolitan Museum of Manila, 2006, pp. 40-69. https://updigitalhumanities.wixsite.com/quiapography/a-historical-sketch. Accessed 27 Disyembre 2021.
  • Lourdes M. Fernandez. “Miranda bombing: Beyond the scars.” Business Mirror, 21 Agosto 2021. https://businessmirror.com.ph/2021/08/21/miranda-bombing-beyond-the-scars/. Accessed 24 Disyembre 2021.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.