Proklamasyon Blg. 1081

From Wikfilipino
Revision as of 15:19, 16 February 2022 by Rclacuata (talk | contribs)
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search

Ang Proclamation No. 1081 ang dokumentong pormal na naglagay sa Pilipinas sa ilalim ng batas militar o martial law. Pormal itong inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand E. Marcos noong ika-23 ng Setyembre 1972.

Ang dokumentong ito ang naging simula ng 14 taong diktadurya ni Marcos sa Pilipinas, kabilang ang 8 taon ng pormal na martial law (hanggang ika-17 ng Enero 1981) at 6 na taon nang pamumuno ni Marcos kung saan hawak pa rin niya ang lahat ng kapangyarihan.

Rason sa pagdedeklara ng Batas Militar

Iba't ibang rason ang ibinigay ng pamahalaan para ipaliwanag ang pangangailangan sa pagdedeklara ng batas militar, kabilang na ang umano'y banta laban sa administrasyong Marcos mula sa mga makakaliwang grupo. Sinasabi ring kinakailangang magdeklara ng martial law para maisaayos ang lipunan.

Kabilang ang mga sumusunod na insidente sa mga dahilan na ibinigay ng pamahalaan para ipaliwanag ang pagdedeklara ng batas militar:

Mga insidente ng pagsabog noong 1972 na binanggit sa Proclamation No. 1081
Date Place
Marso 15 Arca Building sa Taft Avenue, Pasay
Abril 23 Filipinas Orient Airways boardroom sa Domestic Road, Pasay
Mayo 30 Vietnamese Embassy
Hunyo 23 Court of Industrial Relations
Hunyo 24 Philippine Trust Company branch sa Cubao, Quezon City
Hulyo 3 Gusali ng Philippine American Life and General Insurance Company sa United Nations Avenue, Maynila
Hulyo 27 Tabacalera Cigar & Cigarette Factory compound sa Marquez de Comilas, Maynila
Agosto 15 PLDT exchange office sa East Avenue, Quezon City,
Agosto 15 Gusali ng Sugar Regulatory Administration sa North Avenue, Diliman, Quezon City
Agosto 17 Gusali ng Department of Social Welfare and Development sa San Rafael Street, Sampaloc, Maynila
August 19 Isang water main sa Aurora Boulevard and Madison Avenue, Quezon City
Agosto 30 Gusali ng Philam Life at sa kalapit na Far East Bank and Trust Company building
Agosto 30 Gusali ng Philippine Banking Corporation pati ang mga gusali ng Investment Development Inc, at Daily Star Publications habang may isa pang pagsabog sa Railroad Street, Port Area, Maynila
Setyembre 5 Joe's Department Store sa Carriedo Street, Quiapo, Maynila
Setyembre 8 Manila City Hall
Setyembre 12 Mga water main sa San Juan
Setyembre 14 Gusali ng San Miguel sa Makati
Setyembre 18 Quezon City Hall

Bukod sa mga pagsabog na ito, isa ring ginawang dahilan ang umano'y tangka sa buhay ni dating Defense Minister Juan Ponce Enrile. Inanunsiyo ni Marcos ang pagdedeklara ng batas militar noong ika-23 ng Setyembre, bandang 7:15 ng gabi. Kinalaunan, napag-alamang napirmahan na ni Marcos ang proklamasyon noong ika-21 ng Setyembre 1972, bago pa man nangyari ang umano't tangka sa buhay ni Enrile noong ika-22 ng Setyembre.

Naniniwala ang ibang mga historyador na ihinanda na ni Marcos ang proklamasyon noong pa lamang 1969, nang muli siyang tumakbo sa pagkapangulo. May iba'iba ring mga salaysay na nagsasabing pinirmahan na ni Marcos ang proklamasyon noong pa lamang ika-10 ng Setyembre, habang ang iba naman ay nagsasabing ika-25 na ng Setyembre napirmahan ang dokumento.

Bago pa man ang pormal na anunsiyo ni Marcos, ipinasara na ng pamahalaan ang mga media at broadcasting company sa Pilipinas, maliban sa mga kumpanyang pagmamay-ari ni Roberto Benedicto noong umaga ng Setyembre 23, matapos ang tangka sa buhay ni Enrile noong gabi ng Setyembre 22. Noong bandang alas-3 ng hapon, binasa ni Press Secretary Francisco Tatad ang Proclamation No. 1081. Kinagabihan, mismong si Marcos ang nag-anunsiyo ng pagdedeklara ng batas militar.

Kinalaunan, idedeklara ni Marcos ang Setyembre 21 bilang "National Thanksgiving Day", na nagdulot ng kalituhan sa totoong petsa ng deklarasyon ng batas militar sa Pilipinas.

Pormal na tinapos ni Marcos ang martial law noong ika-17 ng Enero 1981, ilang linggo bago ang pagbisita ni Pope John Paul II sa Pilipinas. Sa kabila nito, nanatili ang mahigpit na pamamahala ng rehimeng Marcos hanggang 1986.

Kabilang sa mga pangunahing probisyon ng proklamasyon ang mga sumusunod:

  • Ang pangulo ang mamamahala sa buong pamahalaan, kabilang na ang Hukbong Sandatahan ng Pilipinas
  • Iniutos ang pag-aresto sa mga taong nasa listahang kasama ng proklamasyon
  • Pagkakaroon ng curfew mula hatinggabi hanggang alas-4 ng madaling araw
  • Ipinagbawal ang mga rally, demostrasyon at anumang uri ng mga gawain ng mga grupo sa lahat ng kumpanya, ospital at mga paaralan at unibersidad
  • Ipinagbawal ang pagdadala ng kahit anong armas maliban na lamang kung may permiso mula sa pamahalaan

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.