Pasyon

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Pasyon ay isang naratibong tula ng Pilipinas, na nagsasaad ng buhay ni Kristo, mula kapanganakan hanggang sa pagkapako niya sa krus.

Ang unang Pilipinong sumulat at kumanta ng pasyon sa Tagalog ay si Padre Gaspar Aquilino de Belen, isang katutubo ng Rosario, Batangas. Ang kanyang salin ay makikita sa Manga Panalangin Nagtatagubilin sa Calolowa Nang Taong Naghihingalo. Dahil sa binigyan ng permiso mula sa simbahan ni Padre Antonio del Pueblo si de Belen, napahintulutan na ilimbag niya ang Pasyon sa Maynila noong 1704. Bilang kauna-unahang akda ng ganitong uri ng panitikan, ito ay nakatanggap ng karangalan. Naging mabenta pa ang akdang ito sa maraming taon kaya nailimbag itong muli sa ikalimang pagkakataon noong 1750.

Dahil sa kamangha-manghang pagtanggap sa Pasyon ni Padre de Belen, ito ay naging dahilan upang sumunod ang ibang manunulat sa kanyang mga yapak.

Mga Manunulat

  • Don Luis Guian -Nagsulat siya ng sarili niyang bersyon ng pasyon noong 1750. Ang kanyang akda ay nakilala bilang Pasyon ni Guian (Guian's Pasion).
  • Padre Jose Segui at Manuel Grejalva -Ang kanilang akda ay pinamagatang Pasiong Mahal ni Jesucristong Panginoon Natin.
  • Padre Mariano Pilapil -Mula sa Tondo, Maynila, siya ay kilala sa Luzon dahil sa kanyang malawak na kaalaman at kahusayan sa pagsusulat. Ang kanyang pasyon ay nailimbag noong 1814. Tulad ng pasyon ni de Belen, ang pasyon ni Pilapil ay binubuo rin ng limang linya bawat taludtod. Ang nadagdag lamang ay ang mga ilustrasyon na makikita sa pasyon ni Pilapil. Bukod pa rito, ang bawat kabanata ay may karampatang sermon o payo, na sadyang kilala pa rin magpasahanggang ngayon.
  • Padre Aniceto de la Merced -Mula sa Baliwag, Bulakan, siya ay nagsulat ng La Pasion de Nuestro Jesucristo (1856-1858). Iba sa mga naunang bersyon, ang pasyon ni de la Merced ay may lirikal na kasaganaan. Itinuturing ni Epifanio de los Santos ang Pasyon ni de la Merced na isa sa mga haligi ng tulang tagalog.

Mga Ilokanong Manunulat

  • Leona de los Reyes
  • Padre Antonio Mejia
  • Padre Manuel Gerriz

Kapampangang Manunulat

  • Felix Galaura -Sumulat ng Pasion y Muerte de Jesucristo.
  • Cornelio A. Pabalan Biron -Sumulat ng Pasion ning Guinu Tang Jesucristo.


Anyo

Halos lahat ng pasyon ay nasusulat sa quintillos – ayon ay, isang taludtod na nahahati sa limang linya: tatlong linya ay nagsisilbing tema at ang dalawa pang linya ay ang refrain. Ang bawat linya ay isinasagawa sa walong pantig na magkakatugma.

Ang unang mang-aawit ng pasyon ay kinakanta ang unang tatlong linya, at ang ikalawang mang-aawit ay kinakanta ang natitirang dalawang linya. Upang mabigyan ng tanda ang dulo ng ikatlong linya, kinakailangang patagalin ng mang-aawit ang huling nota bilang pahiwatig sa ikalawang mang-aawit na siya ay sundan at tapusin ang buong taludtod. Ang parehong pamamaraan ay sinusunod hanggang sa matapos ang lahat ng mga taludtod ng pasyon.

Sa maraming pagkakataon, ang pagkanta ng pasyon ay sinasabayan ng mga may kwerdas na instrumentong pangmusika. Sa mga nakakaangat na komunidad at mga tahanan, ang pagkanta ng pasyon ay humantong sa pagpapatayo ng mga panandaliang kapilya at ang paghahain ng mga inumin at pagkain.

Sanggunian

  • Tuazon, T. Castillo del. Philippine Literature From Ancient Times to the Present. Quezon City: Del Castillo and Sons, 1974.