Partido Nacionalista

From Wikfilipino
Revision as of 07:31, 6 September 2021 by Mrmagcamit (talk | contribs)
Jump to navigation Jump to search

Ang Partido Nacionalista, o Nationalista Party sa English, ay ang pinakamatandang partidong politikal sa Pilipinas at sa Timog-silangang Asya na naitatag noong 1907. Ito ang namumunong partido noong 1935–1944 sa ilalim ng mga dating Pangulong Manuel L. Quezon at Sergio Osmeña; noong 1953–1961 sa ilalim ng mga dating Pangulo Ramon Magsaysay at Carlos P. Garcia; at noong 1965–1972 sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulo Ferdinand Marcos. [1]

Mula 2003 hanggang sa kasalukuyan, ang Partido Nacionalista ay pinamumunuan ni dating Senador Manny Villar.[2]

Kasaysayan

Noong 1907, naidaos ang Unang Asamblea ng Pilipinas na naging daan sa pagiging independiyente ng ating bansa mula sa mga mananakop na Amerikano. Binigyan nito ng karapatan ang mga Pilipinong mambabatas na pangunahan ang lokal na usaping politika. Napakahalaga nito sa kasaysayan sapagkat ito ang unang pagdaraos ng pambansang botohan sa Pilipinas.[3]

Ang pambansang halalan para sa Unang Asamblea ng Pilipinas ay nilahukan ng dalawang prominenteng partidong politikal: ang Partido Nacionalista at ang Partido Nacional Progresista. Ang Partido Nacionalista ay resulta ng pagsasanib ng dalawang makabayang grupo noong 12 Marso 1907: ang Partido Union Nacionalista na kinabibilangan nina Rafael Palma, Galicano Apacible, Pablo Ocampo, Leon Ma. Guerero, Rafael del Pan, at Felipe Agoncillo; at ang Partido Independista Imediatista na kinabibilangan nina Alberto Barretto, Sergio Osmeña, Manuel L. Quezon, Justo Lukban, Fernando Ma. Guerrero, Jose de la Vina, Francisco Liongson, Macario Adriatico, at Vicente Miranda. Samantala, ang Partido Nacional Progresista, na unang nakilala bilang Federalista Party, ay kilalang maka-Amerikano bago pa man ang halalan noong 1907. Gayunman, binago nila ang kanilang ideolohiya at naging maka-Pilipino sa pamamagitan ng kanilang panawagan ng isang independiyenteng demokratikong pamahalaan na pinamumunuan ni Arsenio Cruz Herrera. [3]

Mga Namunong Kasapi

Narito ang ilan sa mga bantog na politiko na nagwagi sa ilalim ng Partido Nacionalista:

  • Mga Pangulo:
    • Manuel L. Quezon (ika-2 Pangulo ng Pilipinas)
    • José P. Laurel (ika-3 Pangulo ng Pilipinas)
    • Sergio Osmeña (ika-4 Pangulo ng Pilipinas)
    • Manuel Roxas (ika-5 Pangulo ng Pilipinas)
    • Elpidio Quirino (ika-6 Pangulo ng Pilipinas)
    • Ramon Magsaysay (ika-7 Pangulo ng Pilipinas)
    • Carlos P. Garcia (ika-8 Pangulo ng Pilipinas)
    • Ferdinand Marcos (ika-10 Pangulo ng Pilipinas)
    • Joseph Estrada (ika-13 Pangulo ng Pilipinas)
  • Mga Pangalawang Pangulo
    • Fernando Lopez (ika-4 at ika-8 Pangalawang Pangulo ng Pilipinas sa ilalim nina dating Pangulong Elpidio Quirino at Ferdinand Marcos)
    • Emmanuel Pelaez (ika-7 Pangalawang Pangulo ng Pilipinas sa ilalim ni dating Pangulong Diosdado Macapagal)
    • Salvador Laurel (ika-10 Pangalawang Pangulo at ika-5 at huling punong ministro sa ilalim ni dating Pangulong Corazon Aquino)

Halalan 2022

Para sa Halalan 2022, ang Partido Nacionalista ay una nang nagpahayag ng pakikipag-alyansa sa Hugpong ng Pagbabago ni Sara Duterte kung ito ay tatakbo sa pagkapangulo. Kaalyansa rin nito ang apat pang partidong politikal: ang Lakas-CMD, National Unity Party, Pwersa ng Masang Pilipino, at People’s Reform Party.[4]

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.
  1. “Nacionalista Party.” Library of Congress,https://www.loc.gov/item/lcwaN0003735/. Accessed 6 Setyembre 2021.
  2. Natashya Gutierrez, et. al. “Nacionalista Party: Sure and steady.” Rappler, 5 Mayo 2013. https://www.rappler.com/nation/elections/nacionalista-party-sure-and-steady. Accessed 6 Setyembre 2021.
  3. 3.0 3.1 “The History of the First Philippine Assembly (1907-1916).” NHCP, 5 Setyembre 2012. https://nhcp.gov.ph/the-history-of-the-first-philippine-assembly-1907-1916/. Accessed 6 Setyembre 2021.
  4. Pia Ranada. “Amid Sara Duterte hype, 5 political parties seek 2022 coalition with HNP.” Rappler, 7 Hulyo 2021. https://www.rappler.com/nation/elections/political-parties-seek-coalition-hugpong-ng-pagbabago-2022. Accessed 6 Setyembre 2021.