Partido Liberal ng Pilipinas

From Wikfilipino
Revision as of 03:29, 11 November 2021 by Gmallorca (talk | contribs)
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Ang Partido Liberal ng Pilipinas, o Liberal Party of the Philippines sa English, ay isa sa mga nangungunang partidong politikal sa Pilipinas na dumidipensa sa malayang demokrasya ng bansa. Ito ay itinatag noong 19 Enero 1946 nina Manuel Roxas, Elpidio Quirino, at Jose Avelino, na pawang mga senador, matapos umalis sa Partido Nacionalista. Pumapangalawa ang Partido Liberal sa pinakamatandang partido politikal sa Pilipinas. Ito rin ang tagapamahalang partidong politikal sa apat na naging pangulo ng bansa na sina Manuel Roxas (1946–1948), Elpidio Quirino (1948–1953), Diosdado Macapagal (1961–1965), at Benigno Aquino III (2010–2016). Tatlo pa sa mga prominenteng kasapi nito ay si Gerry Roxas, Benigno Aquino Jr., at Jovito Salonga. Sa kasalukuyan, ang partido ay pinamumunuan ni Senador Francis Pangilinan. [1][2]

Panahon ng Rehimeng Marcos

2570National Day of Protest Plaza Miranda, Quiapo, Manila 18.jpg

Isa pa sa mga dating prominenteng kasapi ng partido ay si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos na noon ay senador sa ilalim ni Macapagal. Gayunman, nang muling tumakbo sa pagkapangulo si Macapagal ay tumiwalag sa partido si Marcos at naging kasapi ng Partido Nacionalista, at kalaunan ay naging pangulo ng bansa mula 30 Disyembre 1965 hanggang 25 Pebrero 1986. Noong 1972, ipinatupad ni Marcos ang Batas Militar kung saan maraming nalabag na karapatang pantao. [3] [4]

Noong 21 Agosto 1971, naganap ang makasaysayang pambobomba sa Plasa Miranda, Quiapo, Maynila habang nagdaraos ng miting de avanze ang Partido Liberal ng Pilipinas. Siyam ang naitalang namatay sa insidente at maraming politiko sa ilalim ng partido ang nasugatan tulad nina Jovito Salonga, Gerardo Roxas, Eddie Ilarde, Eva Estrada Kalaw, John Osmeña, Ramon V. Mitra Jr., Ambrosio Lorenzo Jr., Ramon Bagatsing Sr., at Martin B. Isidro. [5]

Noong 1986, maraming partido politikal ang nagsanib-puwersa upang mapatalsik si Marcos sa kaniyang puwesto. [6]

Halalan 2010

Noong Halalan 2010, itinanghal na Pangulo ng Pilipinas si Benigno S. Aquino III (8 Pebrero 1960–24 Hunyo 2021) sa ilalim ng Partido Liberal ng Pilipinas, ang partidong naglaan nang pinakamalaking halaga para sa nasabing halalan. [7] Natitiyak ang pagkapanalo ni Aquino sapagkat nasa pamilya niya ang simpatiya ng sambayanang Pilipino dahil kamamatay lamang noon ng kaniyang ina at dating Pangulo Corazon Aquino (25 Enero 1933 –1 Agosto 2009). Nagbigay-daan din sa kaniya ang kapartidong si Mar Roxas, na unang inianunsiyo na kakandidato sa pagkapangulo. [8] [9]

Halalan 2016

Noong Halalan 2016, tumakbo at natalo sa pagkapangulo si Mar Roxas, ang kandidato Partido Liberal, laban kay Pangulong Rodrigo Duterte ng PDP-Laban. Sa kabila nito, nagwagi bilang pangalawang pangulo ang katandem at kapartidong si Leni Robredo.[10]

Pagkaupo sa puwesto ni Duterte, may mga miyembro ng partido mula sa Kongresp ang lumipat o nagpahayag ng suporta sa PDP-Laban.[11]

Halalan 2022

Si Leni Robredo noong magpasa siya ng kaniyang certificate of candidacy noong 7 Oktubre 2021

Bago namayapa si Benigno S. Aquino noong 24 Hunyo 2021, nagpahayag siya ng suporta sa Partido Liberal ng Pilipinas para sa Halalan 2022. Umaasa naman ang partido na sa pagkakamatay ng isang Aquino ay mas maraming Pilipino ang mahihikayat na bumoto at susuporta sa kanilang mga kandidato sa nalalapit na halalan.[12]

Samantala, ang tagapangulo ng partido na si Leni Robredo ay kinonsidera rin na ipanlalaban sa pagkapangulo sa Halalan 2022. Gayunman, sa opisyal na pag-anunsiyo ni Robredo ng kaniyang pagtakbo sa pagkapangulo noong 7 Oktubre 2021 ay ibang kulay ang opisyal niyang ginamit—kalimbahin (pink) imbes na dilaw. Tumakbo rin siya bilang independiyenteng kandidato, bagay na itinuturing na isang estratehiya ng kaniyang kampo. Sa kabila nito, nananatili siyang tagapangulo ng partido. Si Bam Aquino, na hindi na tumuloy sa pagtakbo bilang senador, ang tumatayong campaign manager ni Robredo. [13] [14]

Dagdag na Kaalaman

Ang Partido Liberal ng Pilipinas ay kasapi ng Liberal International.

May isa pang website ang partido kung saan matutunghayan ang mga katagang “Parehong Paninindigan. Makabagong Paraan.”[1]

Mga Sanggunian

  1. 1.0 1.1 “Partido Liberal.” https://www.partidoliberal.ph/parehong-paninindigan_makabagong-paraan. Accessed 6 Setyembre 2021.
  2. “Partido Liberal ng Pilipinas.” https://artsandculture.google.com/entity/m03jjn8?hl=cs. Accessed 6 Setyembre 2021.
  3. Lisandro Claudio. “What Is Liberalism, and Why Is It Such a Dirty Word?” Esquire Magazine, 7 Abril 2017. https://www.esquiremag.ph/politics/opinion/liberalism-a1655-20170407-lfrm. Accessed 6 Setyembre 2021.
  4. ABS-CBN Investigative & Research Group. “BY THE NUMBERS: Human rights violations during Marcos' rule.” ABS-CBN News, 21 Setyembre 2018. https://news.abs-cbn.com/focus/09/21/18/by-the-numbers-human-rights-violations-during-marcos-rule. Accessed 6 Setyembre 2021.
  5. Lourdes M. Fernandez. “Miranda bombing: Beyond the scars.” Business Mirror, 21 Agosto 2021. https://businessmirror.com.ph/2021/08/21/miranda-bombing-beyond-the-scars/. Accessed 6 Setyembre 2021.
  6. “The Fall of the Dictatorship.” Official Gazette. https://www.officialgazette.gov.ph/featured/the-fall-of-the-dictatorship/. Accessed 6 Setyembre 2021.
  7. Fritzie Rodriguez. “#PHVote throwback: LP spent the most in past campaign.” Rappler, 3 Pebrero 2016. https://www.rappler.com/nation/elections/past-campaign-spending-party. Accessed 6 Setyembre 2021.
  8. Mark Thompson. “Benigno Aquino’s lost liberal ‘yellow’ legacy in the Philippines.” SCMP, 25 Hunyo 2021. https://www.scmp.com/week-asia/opinion/article/3138681/benigno-aquinos-lost-liberal-yellow-legacy-philippines. Accessed 6 Setyembre 2021.
  9. Aurea Calica. “Mar gives way to Noynoy.” Philstar.com, 2 Setyembre 2009. https://www.philstar.com/headlines/2009/09/02/501172/mar-gives-way-noynoy. Accessed 6 Setyembre 2021.
  10. “Final results: 2016 presidential and vice presidential canvass.” Inquirer.net, 27 Mayo 2016.https://newsinfo.inquirer.net/787867/philippine-elections-final-results-2016-congressional-canvass-presidential-vice-president-race. Accessed 6 Setyembre 2021.
  11. Patty Pasion. “Half of LP congressmen moving to Duterte's PDP-Laban – Alvarez. Rappler, 20 Mayo 2016. https://www.rappler.com/nation/lp-congressmen-moving-pdp-laban. Accessed 6 Setyembre 2021.
  12. Mara Cepeda. “Days before death, Aquino offered to help Liberal Party’s 2022 campaign.” Rappler, 28 Hunyo 2021. https://www.rappler.com/nation/elections/noynoy-aquino-offered-help-liberal-party-campaign-2022-polls-before-death. Accessed 6 Setyembre 2021/
  13. Mara Cepeda. “Yellow out, pink is in: Robredo runs for president as an independent.” Rappler, 8 Oktubre 2021.https://www.rappler.com/nation/elections/video-robredo-runs-president-as-independent-2022. Accessed 29 Oktubre 2021.
  14. Mara Cepeda. “Bam Aquino is Robredo’s campaign manager, to drop Senate bid.” Rappler, 7 Oktubre 2021.https://www.rappler.com/nation/elections/bam-aquino-robredo-campaign-manager-drop-senate-bid-2022. Accessed 29 Oktubre 2021.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.