Pantayong Pananaw

From Wikfilipino
Revision as of 06:15, 29 December 2020 by Damarante (talk | contribs) (Created page with "(Upang mabása ang bersiyong Ingles nito, pindutin ang [http://en.wikipilipinas.org/index.php?title=Pantayong_Pananaw Pantayong Pananaw]) Pantayong Pananaw ang teoryang p...")
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search

(Upang mabása ang bersiyong Ingles nito, pindutin ang Pantayong Pananaw)

Pantayong Pananaw ang teoryang pangkasaysayang binuo ni Zeus Salazar, at nagpapanukala na dapat pag-aralan ang ugat at kalagayan ng kapuwa Pilipinas at Filipino alinsunod sa punto de bista ng Filipino at sa sariling diskurso na taglay nito. Ang tesis ng nasabing teorya ay naging gulugod ng iba pang pag-aaral sa ibang lárang, gaya ng antropolohiya, arkitektura, batas, edukasyon, panitikan, politika, sikolohiya, at sosyolohiya.

Mga Ugat

Hango sa mga ugat na salitang “táyo” at “tanáw” ang “pantayong pananáw” [pang+tayo+na pang+tanáw]. Tumutukoy ang “táyo” sa panlahatang tawag sa kapuwa nagsasalita at sa nakikinig; samantalang ang “pananáw” ay nangangahulugang paraan ng pagtingin o pagsagap ng tao sa bagay, kapuwa, at paligid. Nagsasaad naman ng pagkilos o pagkiling ang unlaping “pang-” alinsunod sa pangngalan o kataga nitong sinusundan. Ipinahihiwatig ng pantayong pananaw ang teoryang pakasaysayan o diyalogo ng kapuwa nagsasalita at nakikinig alinsunod sa diskurso at paghihiwatigang matalik sa bawat isa. Sa paggamit ng “pantayong pananaw,” ang “kasaysayan” ay ipinakahulugang “salaysay ukol sa nakalipas [na panahon] na may saysay para isang grupo ng mga tao” at inihahayag sa wikang batid ng dalawang panig. Pasimuno si Zeus Salazar ng kilusang Pantayong Pananaw. Inilatag niya sa kaniyang hindi pa nalalathalang tesis ang gulugod ng Pantayong Pananaw. Masinop niyang ipinaliwanag ang nasabing teorya sa kaniyang serye ng mga monograp, saliksik at iba pang dokumento. Noong 1991, ang masusing pakahulugan ng Pantayong Pananaw ay inilathala niya sa kaniyang sanaysay na pinamagatang “Ang Pantayong Pananaw Bilang Diskursong Pangkabihasnan.”

Batayang Simulain

Una sa lahat, ang orihinal na wika ng mga Filipino at iba pang pangkat etniko sa Pilipinas ang dapat gamitin sa pagsulat ng kasaysayan ng bansa. Ang wikang iminumungkahi ng mga tagapagsulong ng Pantayong Pananaw ang ugat at gulugod ng karanasang Filipino. Naniniwala ang Pantayong Pananaw na bagaman matututo ang mga banyaga at makapagsasalita sa mga wika ng Pilipinas, hindi nila ganap na nauunawaan ang salimuot ng nasabing mga wika. Kung gayon, ang pagsulat ng kasaysayan batay sa Pantayong Pananaw ay nakasandig sa paggamit at pagkasangkapan ng mga panlalawigan at pambansang wika.

Bukod sa paggamit ng mga panlalawigan at pambansang wika, ang Pantayong Pananaw ay itinataguyod ang paggamit ng mga di-opisyal na uri ng batis ng sanggunian. Yamang ang nasabing teoryang pangkasaysayan ay ipinapalagay na ang lahat ng opisyal na dokumento, manuskrito, at iba pang banyagang aklat ay nababahiran ng mga pagkiling at alinsunod sa pagsipat ng banyaga, ang Pantayong Pananaw ay nagsasaad na ang mga istoryador ay dapat gumamit ng mga di-opisyal na sanggunian na hindi nababahiran ng mga pagkiling na banyaga. Ang mga istoryador na kumakasangkapan sa Pantayong Pananaw ay gumagamit ng ibang paraan ng pagsasaliksik at pagbasa ng wagás na pangunahing sanggunian. Dahil sa ganitong kahigpit na pamantayan, ang mga istoryador ng Pantayong Pananaw ay gumagamit ng di-karaniwang pangunahing sanggunian, gaya ng mga awiting mapaghimagsik, liham ng mga kawal, tula, dula, laro, at eskultura. Sumasalalay ang nasabing teorya sa tradisyong pabigkas bilang paraan ng pagtiyak at pagtatatag ng mga diwain nito’t dalumat, imbes na gumamit ng mga banyagang pangunahing sanggunian.

Balangkas

Dapat linawing mithi ng Pantayong Pananaw ang pagbubuo ng "talastasang bayan" mula sa Filipino at tungo sa Filipino. Ngunit hindi iyon katumbas lamang ng karaniwang "diskurso" o "discourse" sa Ingles, bagkus pambansang diskursong may kakayahang "magbunyag, magpatalas, at magpabatid" ng kaalaman, karunungan, at iba pang kaugnay na diwaing may kaugnayan sa Filipino.

Iminumungkahi ng Pantayong Pananaw ang mahigpit na ugnayan, na ang diskurso ay isasagawa ng mga Filipino nang walang panghihimasok ng mga dayo o tagalabas na taglay ang dominanteng pananaw na makapagpapahina sa mga Filipino. Sa gayong paraan, makapag-uusap ang mga Filipino alinsunod sa kanilang nais, wika, diwa, at loob. Bagaman sa unang malas ay paurong ang ganitong asta, kinakailangan umano ito upang maitakda ang hanggahan kahit man lamang sa punto ng ideolohiya at kapakanan ng Filipino.

Mga Tagapagsulong

Marami nang mahahalagang lathalain, saliksik, at dokumento ang naisulat na gumagamit ng Pantayong Pananaw. Ang mga latlahain, disertasyon, at tesis nina Zeus Salazar, Jaime Veneracion, Nilo Ocampo, Ferdinand Llanes, Portia Reyes, Efren Isorena, Vicente Villan, Mary Jane Rodriguez-Tatel, Jose Rhommel B. Hernandez, Myfel Joseph Paluga, Nancy Kimuel-Gabriel, Arthur "Atoy" Navarro, at Raymund Arthur Abejo ay ginamit ang balangkas ng Pantayong Pananaw sa kani-kaniyang pag-aaral. Tumagos din ang nasabing teorya sa iba pang lárang ng kasaysayan ng Pilipinas at ngayon ay malimit banggitin ng mga sosyologo, lingguwista, at iba pang panlipunang siyentipiko upang ipaliwanag at ipakahulugan ang sikolohiya ng Filipino sa sosyolohiya, antropolohiya, at iba pang agham panlipunan.

Pagsasangá

Nagsanga sa sari-saring landas ang Pantayong Pananaw—yamang nakahimok ito ng maraming istoryador, sosyologo, at iba pang panlipunang siyentipiko—alinsunod sa paglalapat ng bawat eksperto. Ngayon, ang ibang istoryador ay maluwag na ginagamit ang Pantayong Pananaw sa pagbusisi ng mga tiyak na pag-aaral na pakasaysayan. Bagaman ginagamit nila ang mga pangunahing batis ng sangguniang isinaad ng Pantayong Pananaw, ang wika na kanilang ginagamit sa pagsasalaysay ng kasaysayan ay nasa dilang banyaga (o Ingles). Isang halimbawa nito ang proto-pantayong pananaw ng Pasyon and the Revolution (1989) ni Reynaldo Ileto. Samantala, ang mga banyagang istoryador na gumamit ng Pantayong Pananaw upang muling isulat ang kasaysayan ng Pilipinas ay gumagamit din ng mga pangunahing batis ng pamamaraang isinusulong ng nasabing teorya. Ginamit ng mga banyagang istoryador ang mga dula, liham, kasaysayang pabigkas, tula, at awit upang ipaliwanag at isalaysay muli ang kasaysayan ngunit ang wika ay hindi Filipino bagkus Ingles.

Mga Puna

Isang balakid sa kilusang Pantayong Pananaw ang paggigiit nito na ang diskursong pakasaysayan o siyentipiko ay dapat isulat sa sariling wika. Sa ganitong pangyayari, ang Pasyon and the Revolution ni Ileto ay maituturing lamang na proto-Pantayo [hindi pa ganap na Pantayong Pananaw], bagaman ang awtor ang kauna-unahang nagsaad ng kasaysayan mula sa sipat ng anakpawis, gaya ng mababatid sa mga mapaghimagsik na tekstong awit at pasyon. Sabi nga ng kritikong si Ramon Guillermo: “Mahalagang itampok dito na ang paggamit ng panloob na dalumat upang ipaliwanag ang panlipunan-pangkulturang pangyayari ay hindi kinakailangang gumamit ng wika ng pinagmulan ng dalumat sa mismong pagpapaliwanag. Halimbawa na rito ang varyant na Sikolohiyang Pilipino (SP) ni Virgilio Enriquez na gumamit ng panloob na pagdulog, kahit na ang pangunahing wika ng pamamahayag ay nakakiling sa Ingles, lalo na sa kaniyang mga bagong akda (Enriquez 1984; 1995).” Ilan sa mga puna ni Guillermo ay ang sumusunod: Labis na mahigpit, o nakasisiki, ang pagkakabuo ng Pantayong Pananaw. Kailangan ng teoryang panatilihin ang “pagiging newtral sa mga tanong na may kaugnayan sa ontolohiya at epistomolohiya na dapat nasa lárang ng siyentipikong pananaliksik at pilosopikong imbestigasyon imbes na ‘lutasin’ yaon sa pamamagitan ng mga linyadong pahayag. Ang usapin sa wika ay bumibiyak sa hanay ng mga istoryador at panlipunang siyentipiko, at nakapagpapabáwa sa simulaing gamitin nang malawak ang pambansang wika.

Kalakaran sa Hinaharap

Sa ngayon, ang Pantayong Pananaw ay ginamit upang matagumpay na maipaliwanag at maisulat ang mga kiming sektor at bahagi ng lipunang Filipino. Natuklasang nakatulong ang nasabing teorya sa pag-aaral hinggil sa kababaihan, lalo sa pagsulat ng mga kubling ambag at bisa ng mga babae sa panlipunan, pangkabuhayan, pampolitika, at pangkasaysayang pag-unlad ng bansa. Ang Pantayong Pananaw, sa pamamagitan ng pamamaraan nito, ay nagluluwal ng natatanging tinig mula sa mga dáting walang imik. At sa paggamit ng naturang teorya, ang walang tinig na masang Filipino—sa pamamagitan ng paggamit ng kasaysayang pabigkas at di-opisyal na sanggunian—ay may puwang ngayon upang ihayag ang kanilang panig at itala ang sariling salaysay.

Sanggunian

  1. Ileto, Reynaldo. 1999. “History and Criticism: The Invention of Heroes.” In The Filipinos and Their Revolution, Reynaldo Ileto. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
  2. Ileto, Reynaldo. 1979. Pasyon and Revolution: Popular Movements in the Philippines, 1840-1910. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
  3. Salazar, Zeus A. 2000. “The Pantayo Perspective as a Civilizational Discourse.” Translated into English from Filipino by Ramon Guillermo. Southeast Asian Journal of Social Science 28, no. 1.
  4. Salazar, Zeus A. [1991] 1998b. “‘Philippine Studies’ and ‘Pilipinolohiya’: Past, Present and Future of Two Heuristic Views in The Study of the Philippines.” In The Malayan Connection: Ang Pilipinas sa Dunia Melayu, Zeus A. Salazar. Quezon City: Palimbagan ng Lahi.
  5. Salazar, Zeus A. [1976] 1998c. “The Matter with Influence: Our Asian Linguistic Ties.” In The Malayan Connection: Ang Pilipinas sa Dunia Melayu, Zeus A. Salazar. Quezon City: Palimbagan ng Lahi.
  6. Salazar, Zeus A. 1998e. “Wika ng Himagsikan, Lengguwahe ng Rebolusyon: Mga Suliranin ng Pagpapakahulugan sa Pagbubuo ng Bansa.” In Wika, Panitikan, Sining at Himagsikan, eds. Atoy Navarro and Raymund Abejo. Quezon City: LIKAS.
  7. Salazar, Zeus A. [1971] 1997. “Ang Pagtuturo ng Kasaysayan sa Pilipino.” In Pantayong Pananaw: Ugat at Kabuluhan, mga ed. Atoy Navarro, Mary Jane Rodriguez and Vicente Villan. Mandaluyong: Palimbagang Kalawakan.
    • Salazar, Zeus A. [1973] 1996. “Ukol sa Wika at Kulturang Pilipino.” In Mga Piling Diskurso sa Wika at Lipunan, eds. Pamela C. Constantino and Monico M. Atienza. Quezon City: U.P. Press.
  8. Salazar, Zeus A. 1991a. “Paunang Salita.” In Pilipinolohiya: Kasaysayan, Pilosopiya at Pananaliksik, mga ed. Violeta V. Bautista and Rogelia Pe-Pua. Manila: Kalikasan Press.
  9. Salazar, Zeus A. 1991b. “Ang Pantayong Pananaw Bilang Diskursong Pangkabihasnan.” In Pilipinolohiya: Kasaysayan, Pilosopiya at Pananaliksik, eds. Violeta V. Bautista and Rogelia Pe-Pua. Manila: Kalikasan Press.
  10. Salazar, Zeus A. 1989. “Ilang Batayan para sa isang Sikolohiyang Pilipino.” In Sikolohiyang Pilipino: Teorya, Metodo at Gamit, ed. Rogelia Pe-Pua. Quezon: UP Press.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.

Pantayong Pananaw Pantayong Pananaw Pantayong Pananaw Pantayong Pananaw Pantayong Pananaw