Pantawid Pamilyang Pilipino Program
Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o kilala rin sa tawag na 4Ps ay isang programa ng pambansang pamahalaan para sa pagpapabuti ng kalagayang pantao ng mga Pilipino. Sa ilalim ng programa, nagbibigay ang pamahalaan ng kondisyonal na tulong-pinansiyal para sa mga pinakamahihirap na Pilipino upang mapabuti ang kalusugan, nutrisyon at edukasyon ng mga batang may edad 0 hanggang 18 taong gulang. Kinakailangang matupad ng mga pamilya ang mga kondisyon ng pamahalaan para maibigay sa kanila ang tulong-pinansiyal. Halaw ang programang ito sa mga programang conditional cash transfer sa mga bansa sa Latin Amerika at Aprika, na nakatulong para maialpas sa kahirapan ang milyon-milyong tao sa buong mundo.
Ang Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (Department of Social Welfare and Development) ang punong ahensiya ng pamahalaan ng Pilipinas na namamahala sa 4Ps.
Mga Layunin
Layunin ng 4Ps ang mga sumusunod:
- social assistance o pagbibigay ng pinansiyal na tulong sa pinakamahihirap na mga pamilya upang tugunan ang pangunahin nilang pangangailangan
- social development o ang pagsira sa siklo ng kahirapang naipapasa bawat henerasyon sa pamamagitan ng pamumuhunan sa kalusugan at edukasyon ng mahihirap na kabataan.
Tinutulungan din ng 4Ps ang pamahalaan ng Pilipinas na matupad ang pangako nito sa Millenium Development Goals (MDGs), partikular na ang pag-alis sa labis na kahirapan at gutom, sa pagkamit ng unibersal na edukasyong primarya, sa pagsusulong ng pagkakapantay-pantay sa kasarian, sa pagpapababa ng bilang ng mga batang namamatay, at sa pagpapabuti ng pag-aalaga sa mga buntis.
Sakop
Nitong taong 2021, umabot na sa 4,295,738 na mga pamilya sa 41,606 barangay, 146 siyudad at 1,481 na munisipalidad ang sakop ng program sa buong bansa.
Sa pangkalahatan, kailangang maabot ang sumusunod na pamantayan upang maging benepisyaryo ng programa:
- Residente ng pinakamahihirap na munisipalidad sa bansa
- Pamilyang inuuri bilang mahirap o higit pa ayon sa pamantayang pangkahirapan sa mga probinsya
- Pamilyang may anak na edad 0 hanggang 18 taong gulang at/o mayroong buntis sa panahon ng pag-apply.
- Pamilyang nangangakong tutuparin ang mga kondisyong inilatag ng programa.
Tulong-Pinansiyal
Ang mga benepisyaryo ay maaring makakuha ng mga sumusunod na tulong-pinansiyal:
Pinansiyang Pang-edukasyon (10 buwan/taon)
- Elementarya/Daycare: P300 kada bata/buwan
- Junior High: P500 kada bata/buwan
- Senior High: P700 kada bata/buwan
Pinansiyang Pangkalusugan: P750/buwan Rice Subsidy: P600/buwan
Mga Kondisyong Kailangang Tuparin
Upang makatanggap ng mga benepisyong nabanggit, kailangang matupad ng mga pamilyang benepisyaryo ang sumusunod na mga kondisyon:
- Kailangang sumailalim ang mga buntis sa pangangalagang medikal bago at matapos sila manganak (pre- and post-natal care). Kinakailangan ding isang propesyonal na kumadrona o doktor ang magpaanak sa kanila;
- Kailangang pumunta ang mga magulang o tagapangalaga sa mga family development session, o kung saan tutulungan sila kung paano maging responsableng magulang, alagaan ang kalusugan at nutrisyon;
- Kailangang regular na magpa-check up at magpabakuna ang mga batang may edad 0 hanggang 5 taong gulang para maiwasan ang pagkakasakit;
- Kailangang uminom ng pampurga ng bulate sa tiyan ang kabataang may edad 6 hanggang 14 taong gulang dalawang beses sa isang taon; at
- Kailangang mag-enrol sa eskuwelahan ang mga benepisyaryong kabataan na may edad 3 hanggang 18 taong gulang, at pumasok sa klase nang di-bababa sa 85% ng kabuuang bilang ng klase kada buwan.
Mga Sanggunian
- Pantawid Pamilyang Pilipino Program (Accessed 27 September 2021)
- Pantawid Pamilyang Pilipino Program (Accessed 27 September 2021)
Pagkilala
![]() |
Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi. |