Mga Pambansang Sagisag ng Pilipinas

From Wikfilipino
Revision as of 09:05, 11 March 2021 by Mrmagcamit (talk | contribs)
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search

Ang Mga Pambansang Sagisag ng Pilipinas ay mga bagay o kaisipan na kumakatawan sa kasarinlan ng ating bansa. Ang mga sagisag na ito ay opisyal na idinedeklara sa ilalim ng batas. [1]

Narito ang mga opisyal na sagisag ng ating bansa:

  • Ang Watawat ng Pilipinas ay mahalagang sagisag ng ating bansa. Ito ay may kulay na pula, asul, at puti; may araw na may walong sikat; at may tatlong bituin. Ang tatlong bituin ay sumisimbolo sa Luzon, Panay, at Mindanao, na tatlong pangunahing isla noon. Ang walong sikat ng araw ay sumisimbolo sa 8 lalawigan (Batangas, Batangas, Bulacan, Cavite, Laguna, Tarlac, Nueva Ecija, Pampanga, at Manila, na noon ay lalawigan) na nakipaglaban noong panahon ng pag-aaklas ng Katipunan para sa kalayaan ng bansa sa kamay ng Espanya. Kapag panahon ng kapayapaan, ang asul na kulay ay nasa ibabaw. Kapag panahon ng digmaan, ang pulang kulay ang nasa ibabaw. [2]
  • Ang “Lupang Hinirang” ay ang pambansang awit ng Pilipinas. Ang musika nito ay nilikha ni Julian Felipe na may orihinal na pamagat na “Marcha Filipina Magdalo” at mga titik ay isinulat ni Jose Palma, na isang tulang may orihinal na pamagat na “Filipinas.” Sa bisa ng Executive Order No. 60 noong 19 Disyembre 1963, ang “Lupang Hinirang” at ipinaturo sa mga paaralan at ipinagamit sa mga pampamahalaang gawain. [3]
  • Ang Pambansang Sagisag ng Republika ng Pilipinas (Coat of Arms of the Republic of the Philippines) ay sumasagisag sa kapangyarihan ng pamahalaan. Ito ay batay sa Executive Order No. 341 na pinagtibay ni dating Pangulong Manuel L. Quezon noong 1941. Ang coat of arms ay makikita sa mga selyo ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan. [4]
  • “Maka-Diyos, Maka-Tao, Makakalikasan at Makabansa” bilang Pambansang Motto ng Pilipinas. [5]
  • Ang Narra ay ang pambansang punongkahoy ng Pilipinas. Ito ay isa sa mahahalagang punongkahoy sa bansa dahil sa tibay, bigat, at mataas na kalidad nito. Ipinagbabawal na ang pagputol nito sa bansa. Matatagpuan ito sa mga kagubatan ng Bicol, Mindanao, at Cagayan Valley. [6]
  • Ang Sampaguita ay ang pambansang bulaklak ng Pilipinas. Ito ay idineklara ni dating Gobernador-Heneral Frank Murphy sa bisa ng Proklamasyon Blg. 652 noong 1934. [7]
  • Ang Philippine Eagle (pithecopaga jeffery) ay pambansang ibon ng Pilipinas. Ito ay idineklara ni dating Pangulong Fidel V. Ramos sa bisa ng Proklamasyon Blg. 615 noong 1995. Kilala rin ang agilang ito sa mga lokal na katawagan tulad ng banoy, manaul, maboogook at malamboogook (Mandaya at Manobo), at tipule (Subanon). [8] [1]
  • Ang Philippine Pearl, tinatawag ding perlas o mutya, ay ang pambansang hiyas ng Pilipinas. Ito ay idineklara din ni dating Pangulong Ramos sa bisa ng Proklamasyon Blg. 905 noong 1996.[9] Noong 1935, natagpuan ang pinakamalaking perlas sa buong mundo sa Oring-Oring, Brooke’s Point, Palawan. Tinawag itong “Perlas ni Allah” at “Perlas ni Lao-Tzu.”[10]
  • Ang Arnis ay ang pambansang sining ng pakikipaglaban at isports ng Pilipinas (Philippine National Martial Art and Sports). Ito ay idineklara ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa bisa Batas Republika Blg. 9850 noong 2009. Ang Arnis ay tinatawag ding Pananandata (Tagalog), Pagkalikali (Ibanag), Kalirongan (Pangasinan), Kaliradman (Bisaya), at Digja (Ilokano.) [11]

Paglilinaw

Hindi kasama sa opisyal na pambansang sagisag ng Pilipinas ang cariñosa o tinikling, kalabaw, bangus, bahay-kubo, anahaw, mangga, at maging si Jose Rizal sapagkat walang batas na naipasá para dito. [1]

Mga Sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 Leon Pangilinan Jr. “In Focus: 9 Facts You May Not Know About Philippine National Symbols.” NCCA. https://ncca.gov.ph/about-culture-and-arts/in-focus/official-national-symbols-of-the-philippines/. Accessed 11 Marso 2021.
  2. “National Symbols.” NCCA, https://ncca.gov.ph/childrens-corner/our-country/national-symbols/. Accessed 11 Marso 2021.
  3. Raul C. Navarro, ed. Galileo S. Zafra. “Pambansang Awit.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  4. Executive Order No. 341, s. 1941. Official Gazzette. https://www.officialgazette.gov.ph/1941/05/03/executive-order-no-341-s-1941/. Accessed 11 Marso 2021.
  5. “Implementing Rules and Regulations of Republic Act No. 8491.” Official Gazette. https://www.officialgazette.gov.ph/2002/01/30/implementing-rules-and-regulations-of-republic-act-no-8491/. Accessed 11 Marso 2021.
  6. Severino S. Capitan, ed. Virgilio S. Almario. “Narra.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  7. “Sampaguita.” NCCA, https://ncca.gov.ph/about-culture-and-arts/culture-profile/philippine-fast-facts/national-flower-sampaguita/. Accessed 11 Marso 2021.
  8. Severino S. Capitan, ed. Virgilio S. Almario. “Banoy.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  9. Reinerio A. Alba. “In Focus: Official National Symbols of the Philippines.” NCCA.  https://ncca.gov.ph/about-culture-and-arts/in-focus/official-national-symbols-of-the-philippines/. Accessed 11 Marso 2021.
  10. “Perlas ni Allah.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  11. Grace Bengco, ed. Galileo S. Zafra. “Arnis.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.