Maria Venus Raj

From Wikfilipino
Revision as of 03:30, 22 March 2021 by Mctimbang (talk | contribs)
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search
File:Maria Venus Raj.jpg
Photo: Maria Venus Raj, Bb. Pilipinas-Universe, at her sendoff to the US for the Ms Universe pageant. Image courtesy of Bb. Pilipinas, believed to be under fair use due to availability as part of a press release. Some Rights Reserved

Si Maria Venus Bayonito Raj (ipinanganak 7 Hulyo 1988) ay ang kandidata ng Pilipinas sa Miss Universe 2010 na ginanap noong 24 Agosto 2010 (petsa sa Pilipinas) sa Las Vegas, Estados Unidos. Siya ay nagtapos sa ika-limang puwesto sa nasabing timpalak na pinanalunan ni Jimena Navarette ng Mehiko.

Buhay

Si Raj ay ipinanganak sa Doha, Qatar sa amang si Vincent Raj at inang si Ester Bayonito. Ayon sa kanya, siya ay lumaki at tumira sa Bato, Camarines Sur matapos maghiwalay ang kaniyang mga magulang. Mula noon ay itinaguyod siya ng kaniyang ina, na isang mananahi at magsasaka. Kasama ng kaniyang mga kapatid, tumulong din sa pagsasaka si Raj at ayon sa kaniya, natuto siyang maglakad na tulad ng isang model sa pamamagitan ng paglalakad sa mga makikipot na dike ng palayan.

Sa edad na 17 ay nagsimula siyang sumali sa mga beauty pageants. Ito ang kanyang ginamit upang maibili ng hulugang lupa ang ina sa Bicol.

Edukasyon

Si Raj ay nagtapos ng pag-aaral sa Bicol University sa Albay sa tulong ng scholarship mula sa Francis Papica Foundation. Siya ay nagtapos nang may karangalang cum laude sa kursong A.B. Communication Arts (major in Journalism).

Karera

Kasalukuyang nagtatrabaho bilang information assistant sa Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman sa Rehiyon IV.

Isa rin siyang propesyunal na modelo sa Bicol at Maynila.

Mga titulo

Ang unang titulong napanalunan ni Raj ay ang Miss Camarines Sur at noong 2007 ay itinanghal si Raj bilang Miss Bicolandia. Sa kasunod na taon, siya ay nagkamit ng titulong Miss Earth Eco-Tourism at noong 2010 ay itinanghal siyang Bb. Pilipinas-Universe.

Kontrobersya

Pagkatanggal ng korona

Bago pa man lumaban si Raj bilang kinatawan ng Pilipinas para sa Miss Universe 2010, siya ay nagkaroon ng kontrobersya hinggil sa tunay niyang pagkakakilanlan. Ang kanyang isinumiteng sertipiko ng kapanganakan (birth certificate) ay nagtataglay ng mga maling impormasyon sa lugar ng tunay niyang kapanganakan.

Ayon sa opisyal na pahayag ng Bb. Pilipinas Charities, Inc. (BPCI) na may petsang 29 Marso 2010, bagama't sinabi ni Raj na siya ay ipinanganak sa Qatar, nakasaad sa kaniyang isinumiteng sertipiko ng kapanganakan na siya ay ipinanganak sa Bato, Camarines Sur. Karagdagan pa, nakasaad din sa naturang sertipiko na ang kaniyang ama ay Filipino, bagama't sinabi ni Raj sa BPCI na ang kaniyang ama ay taga-India. Ayon kay Raj, hindi niya kailanman nakita ang kaniyang ama.

Ayon sa BPCI, ang isinumiteng sertipiko ng kapanganakan ni Raj ay itinala noong 8 Mayo 1991—halos tatlong taon pagkatapos ng kaniyang kapanganakan. Ito ay sinasabing nilagdaan nina Nicetas Landagan, na diumano'y isang manghihilot; Josephine Ramos, na diumano'y tita ni Raj; at ni Adela Z. Gonzales, na diumano'y assistant civil registrar sa Bato.

Ang isinumiteng sertipiko ng kapanganakan ni Raj ang ginamit ng BPCI bilang edidensya upang siya'y diskwalipikahin bilang Bb. Pilipinas-Universe, dahil diumano'y nagkasala si Raj ng pagsumite ng maling pagkakakilanlan (misrepresentation). Matapos siyang tanggalan ng korona, itinalaga ng BPCI si Nicolette Henson bilang Bb. Pilipinas-Universe.

Pagsauli ng korona

Ang kontrobersya kinasangkutan ni Raj sa kanyang pagkakapanalo bilang Bb. Pilipinas 2010 ay sinuportahan ng iba't-ibang personalidad at organisasyon. Nagkaroon din ng mga online petitions upang maibalik sa kaniya ang napanalunan niyang korona.

Kabilang sa mga umapela sa BPCI upang maibalik sa kaniya ang kaniyang korona ay ang mga kapuwa niyang Bikolano na sina senador Francis Escudero at gobernador Joey Salceda ng Albay. Sinuportahan din ni kalihim Leila De Lima, na noong panahong iyon ay tagapangulo ng Komisyon sa Karapatang Pantao, ang laban ni Raj para sa kaniyang korona.

Dahil sa malawakang suporta para kay Raj, sinabi ng BPCI noong 12 Abril 2010 na maisasauli kay Raj ang kaniyang korona kapag nakakuha ito ng pasaporte mula sa Kagawaran ng Ugnayang Panlabas. Noong 21 Mayo 2010 ay naisyuhan si Raj ng pasaporte at nang kalaunan ay naisauli sa kaniya ang kaniyang titulo.

Miss Universe 2010

Sinasabing si Raj ang isa sa mga paborito para manalo sa Miss Universe. Nakasama niya sa Top 5 ng timpalak sina Anna Poslavskaya ng Ukraine, Jesinta Campbell ng Australia, Yendi Phillips ng Jamaica, at si Miss Universe 2010 Jimena Navarette ng Mehiko.

Sa huling round ng Miss Universe, bumunot ang mga finalist ng tig-isang papel mula sa isang fishbowl na nagtataglay ng pangalan ng isang hurado na may nakahandang tanong para sa kalahok. Si Raj ang huling kalahok na tinanong.

Sa tanong ng huradong si William Baldwin na, “Ano ang malaking pagkakamaling nagawa mo sa iyong buhay, at ano ang ginawa mo upang maitama ito?” ang sagot ni Raj ay, “Sa 22 taon ng aking buhay, wala pa akong nagawang malaking pagkakamali (major, major problem) dahil kampante ako sa aking pamilya at sa pagmamahal na ibinigay nila sa akin.”

Ang sagot niya ay biglang sumikat sa Internet at ang keyword na “major, major” ay naging pangwalo sa pinakapinaguusapang paksa sa social networking site na Twitter.

Sanggunian

Panlabas na Kawing

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.