Marcelo H. del Pilar

From Wikfilipino
Revision as of 08:39, 23 April 2021 by Rclacuata (talk | contribs)
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search

Si Marcelo Hilario del Pilar y Gatmaitan (30 Agosto 1850–4 Hulyo 1896), kilala rin bilang ang “Dakilang Propagandista,” ay isang ilustrado noong panahon ng mga Espanyol. Ang kaniyang sagitsag-panulat ay Plaridel.[1] Pinalitan niya si Graciano López Jaena bilang patnugot ng La Solidaridad.[2]

Talambuhay

Kabataan at pamilya

Pamilya

Mayaman ang mga magulang ni Marcelo. Marami silang palaisdaan at sakahan.[3] Si Julian Hilario del Pilar, ang kaniyang ama, ay tatlong beses na naging gobernadorcillo.[4] Naglingkod din si Julian bilang oficial de mesa ng alkalde mayor. Ang ina ni Marcelo ay si Blasa Gatmaitan. Kilala si Blasa sa bansag na Blasica.[4]

Pang-siyam sa sampung magkakapatid, ang mga kapatid ni Marcelo ay sina: Toribio (paring ipinatapon sa Guam noong 1872),[5] Fernando (ama ni Heneral Gregorio del Pilar), Andrea, Dorotea, Estanislao, Juan, Hilaria (maybahay ni Deodato Arellano), Valentin, at Maria.

Ang tunay na apelyido ng pamilya ay “Hilario.” Ginamit nila ang apelyidong “del Pilar” alinsunod sa kautusan ni Gobernador-Heneral Narciso Claveria noong 1849.

Noong Pebrero 1878, pinakasalan ni Marcelo ang pinsang niyang si Marciana (kilala sa bansag na Tsanay/Chanay).[6] Sila ay may pitong anak, isang lalaki at anim na babae: Sofía, José, María, Rosario, María Consolación, María Concepcion, and Aníta. Si Sofia at Anita lamang ang lumaki (ang lima ay namatay noong kabataan nila).

Kabataan

Sa murang edad ay natuto si del Pilar magpatugtog ng biyulin, piyano, at plawta.[7] Magaling din siya sa larong arnis. Kapag panahon ng Flores de Mayo ay tumutugtog siya ng biyulin. Kumakanta rin siya sa mga harana (serenata).[8]

Edukasyon

Ang tiyuhing si Alejo ang naging unang guro ni Marcelo. Kumuha siya ng kursong Latin sa kolehiyong paaralan ni Ginoong Hermenigildo Flores. Lumipat siya sa Colegio de San Jose at doon ay tinamo ang Bachiller en Artes (Bachelor of Arts).[9]

Ipinagpatuloy ni Marcelo ang pag-aaral sa Unibersidad ng Santo Tomas. Kumuha siya ng kursong abogasya. Nasuspinde siya sa paaralan nang makipagtalo siya sa kura ng San Miguel ukol sa bayad sa binyag.[5] Ipinagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral noong 1878.[6] Natapos niya ang kurso noong 1880.

Kampanya laban sa mga Prayle: 1880–1888

Noong 1 Hulyo 1882, itinatag niya ang Diariong Tagalog (ayon kay Wenceslao Retana, isang Espanyol na manunulat, ang unang labas ay inilathala noong 1 Hunyo 1882) kung saan binatikos niya ang pang-aabuso ng mga prayle at kalupitan ng pamahalaan.[5]

Noong 1885, hinimok ni del Pilar ang mga cabeza de barangay (kapitan ng barangay) ng Malolos na tutulan ang kautusan ng pamahalaan na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga prayle na baguhin ang talaan ng mga nagbabayad ng buwis. Sa talaan ng mga prayle ay lumalabas na may tatlong libong katao ang dapat na magbayad ng buwis. Kasama sa talaan ang mga taong namatay na, lampas na sa edad o lumipat na ng ibang lugar. Ang mga cabeza de barangay ay napilitang magpaluwal ng dapat ibayad sa mga taong patay na o wala na roon.

Noong 1887, sa hikayat ni del Pilar, ay isinumbong ni Manuel Crisóstomo, ang gobernadorcillo ng Malolos, ang dalawang prayleng lumabag sa batas kontra sa paglantad ng mga patay sa loob ng simbahan. Ito ay isinabatas ni Benigno Quiroga y López Ballesteros, ang patnugot ng pangasiwaang sibil. Dahil sa sumbong na ito ay inaresto ni Gobernador Manuel Gómez Florio ng Malolos ang nasabing mga prayle.

Tinuligsa ni del Pilar noong taong ding iyon ang kura paroko ng Binondo dahil sa paglalaan ng piling upuan sa loob ng simbahan. Ang prayle ay naglaan ng pangit na upuan sa mga Pilipino at magandang upuan sa mga mestisong Espanyol.

Nagkaroon ng demonstrasyon laban sa mga prayle noong 1 Marso 1888.[7] Ang demonstrasyon ay isinagawa nila Doroteo Cortés at José A. Ramos. Sumulat si del Pilar ng isang manipesto na pinamagatang Viva España! Viva el Rey! Viva el Ejército! Fuera los Frailes! (Mabuhay ang Espanya! Mabuhay ang Hari! Mabuhay ang mga Hukbo! Palayasin ang mga Prayle!). Ang pahayag na ito ay iniharap sa gobernador ng Maynila na si José Centeno. Ito ay nilagdaan ng 810 na katao.

Noong taong din yon ay binatikos ng Agustinong si José Rodriguez ang Noli Me Tangere ni Jose Rizal. Sumulat siya ng polyeto na pinamagatang ¡Caiñgat Cayo!: Sa mañga masasamang libro,t, casulatan. Binalaan ng prayle ang mga Pilipino na huwag basahin ang Noli. Noong 3 Agosto 1888 ay sumulat si del Pilar ng polyeto na pinamagatang Caiigat Cayo. Ito ay sagot sa polyeto ni Padre Rodriguez.[10]

Pagtakas: 1888

Dahil sa talas ng mga pagbatikos sa naghaharing uri at relihiyon, inatas na hulihin siya. Nakatakas si del Pilar, pumuntang Espanya at sumali sa mga Pilipinong propagandista na lumalaban para sa reporma sa Pilipinas.[11] Bago siya umalis ay itinatag niya ang Caja de Jesús, María y José.

Kilusang Propaganda sa Espanya

Noong 12 Enero 1889, pinanguluhan ni del Pilar ang pangkat pampolitika ng Asociación Hispano-Filipina (Ang Samahang Kastila-Pilipino), isang samahang pambayan na binubuo ng mga Pilipinong propagandista at mga kaibigang Kastila sa Madrid upang manawagan sa pagkakaroon ng pagbabago sa Pilipinas. Noong 15 Disyembre 1889, pinalitan niya si Lopez Jaena bilang patnugot ng La Solidaridad, isang pahayagang pampolitika na inilathala minsan tuwing ikalawang linggo na siyang nagsilbi bilang tinig ng Kilusang Propaganda.[2] Naglathala siya ng mga liberal at progresibong artikulo na nagbunyag sa kalagayan ng Pilipinas.

Huling Taon at Kamatayan

Labis na naghirap si del Pilar sa pagpapalimbag ng La Solidaridad. May mga panahong hindi siya kumakain at may panahong hindi na rin natutulog. Upang makalimutan ang gutom, may panahong namumulot siya ng upos na sigarilyo sa mga daan.[12] Ang pondo para sa pagpapalimbag ng pahayagan ay paubos na. Malaking suliranin sa kaniya ang walang tulong pinansiyal na dumarating mula sa Pilipinas dahilan kung bakit huminto ang paglalathala ng pahayagan noong 15 Nobyembre 1895.[2] Kahit gaano ang hirap na dinaranas niya, nagpatuloy pa rin siya sa pagsusulat para sa ikalalaya ng Pilipinas.

Katulad ni Andres Bonifacio, naniwala siya sa paghihimagsik. Dahil dito, nagpasiya siyang umuwi ng Pilipinas upang tumulong kay Bonifacio. Sa Barcelona ay nagkasakit siya ng tuberkulosis. Malubha man ang kalagayan ay tinangka pa rin niya na magtungo sa Hong Kong upang doon man lang ay mapakilos niya ang kaniyang mga kababayan. Ito ay hindi na niya naisagawa sapagkat namatay siya sa isang maliit na ospital sa Barcelona, Espanya noong 4 Hulyo 1896 sa gulang na 45.[13]

Mga Isinulat

  • Caiigat Cayó (1888)
  • Dasalan at Tocsohan (1888)
  • Ang Cadaquilaan nang Dios (1888)
  • La Soberanía Monacal en Filipinas (1888)
  • Pasióng Dapat Ipag-alab nang Puso nang Tauong Babasa (1888)
  • La Frailocracía Filipina (1889)
  • Sagót ng España sa Hibíc ng Filipinas (1889)
  • Dupluhan... Dalit... Mga Bugtong (1907)
  • Sa Bumabasang Kababayan

Sa Kulturang Popular

  • Si Marcelo H. del Pilar ay nakaharap noon sa baryang Pilipinas ng 50 sentimo, mula 1967–1974 at 1983–1994.
  • Ginanap ang kaniyang buhay ni Dennis Marasigan sa Pilipinong pelikula na José Rizal (1998).

Mga Sanggunian

  1. Kahayon 1989, p. 52.
  2. 2.0 2.1 2.2 Keat 2004, p. 756
  3. Reyes 2008, p. 261.
  4. 4.0 4.1 Villarroel 1997, p. 9.
  5. 5.0 5.1 5.2 Schumacher 1997, p. 106.
  6. 6.0 6.1 Villarroel 1997, p. 11.
  7. 7.0 7.1 Reyes 2008, p. 130.
  8. Reyes 2008, p. 131.
  9. Schumacher 1997, p. 105.
  10. Schumacher 1997, p. 121.
  11. Schumacher 1997, p. 122.
  12. Mojares 1983, p. 133.
  13. Schumacher 1997, p. 293.

Bibliograpiya

  • Kahayon, Alicia H. (1989). Philippine Literature: Choice Selections from a Historical Perspective. Manila: National Book Store. ISBN 971-084-378-8.
  • Keat, Gin Ooi (2004). Southeast Asia: A Historical Encyclopedia, from Angkor Wat to East Timor. Santa Barbara, Calif: ABC-CLIO. ISBN 1-57607-770-5.
  • Mojares, Resil B. (1983). Origins and Rise of the Filipino Novel: A Generic Study of the Novel Until 1940. Quezon City: University of the Philippines Press. ISBN 971-105-001-3.
  • Reyes, Raquel A. G. (2008). Love, Passion, and Patriotism: Sexuality and the Philippine Propaganda Movement, 1882 - 1892. Singapore: NUS Press. ISBN 978-9971-69-356-5.
  • Schumacher, John N. (1997). The Propaganda Movement, 1880-1895: The Creation of a Filipino Consciousness, the Making of the Revolution. Quezon City: Ateneo de Manila University Press. ISBN 971-550-209-1.
  • Villarroel, Fidel (1997). Marcelo H. del Pilar at the University of Santo Tomas. Manila: University of Santo Tomas Publishing House. ISBN 971-506-070-6.

Maaring Bisitahin

Pagkilala

Wikipedia.png Hinango sa Wikipedia ang nilalaman ng pahinang ito na nagmula sa Marcelo H. del Pilar. Ang talaan ng mga may-akda ay makikita sa pahina-kasaysayan. Kahalintulad ng Wikipedia, binibigyang-pahintulot ng WikiFilipino ang muling paggamit at pakikinabang sa mga nilalaman nito sa ilalim ng GNU Free Documentation License. Basahin ang kumpletong pagtatanggi/pagtatatwa.