Mapa ng Pilipinas ni Padre Murillo Velarde

From Wikfilipino
Revision as of 12:56, 9 April 2021 by Rclacuata (talk | contribs)
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search

Ang Carta hydrográphica y chorográphica de las Islas Filipinas (Ingles: “Hydrographical and Chorographical Chart of the Philippine Islands") o mas kilala bilang Mapa ni Padre Pedro Murillo Velarde, ay isa sa mga pangunahing mapa ng Pilipinas sa kasaysayan. Itinuturing ito na kauna-unahang siyentipikong mapa ng bansa. Ito ay inilimbag noong 1734 sa Maynila.[1]

Mga Henyo sa Likod ng Mapa

Si Pedro Murillo Velarde, S.J. ay ipinanganak noong ika-6 ng Agosto 1696 sa lalawigan ng Granada sa Timog Espanya. Ang kaniyang ama ay nagsilbi bilang kawal na nakibahagi sa pagsakop sa Gitna at Timog Amerika. Ang kaniyang ina naman ay desendiyente ni Pedro de Valdivia na nanguna sa pagsakop sa Chile. Ayon sa kaniyang unang biograpo na si Padre Bernardo Pazuengos, bata pa lamang ay kinakitaan na ng interes ni Padre Velarde sa mga mapa. Nag-aral naman siya sa mga pamantasan sa Granada at Salamanca kung saan siya nagtapos ng Batsilyer sa Sagradong Batas at nagpatuloy sa kaniyang tungkulin bilang isang paring Heswita. Narating naman niya ang Pilipinas noong 1723 at naglingkod sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan. Umalis naman siya ng Maynila noong 1749 patungong Roma, at namatay noong 30 Nobyembre 1753.[2]

Tatlong Pilipino naman ang tumulong kay Padre Velarde sa paggawa ng mapang ito. Nakasulat sa kanang kuwadro (mapa ng Intramuros) ang “Fran’co Suarez, Yndio Tagalo, la hizo” na pinaniniwalaang artesano na si Francisco Suárez. Si Nicolás de la Cruz Bagay, isang Tagalog, ang siya namang umukit at naglimbag ng mapa. Isa siya sa mga pinakamahusay sa larangang ito sa kaniyang panahon. Nakasulat din ang kaniyang pangalan sa mapa, “Lo esculpió Nicolás de la Cruz Bagay Indio Tagalo en Man. Año 1734.” Si  Lorenzo Atlas naman ang umukit ng ikalawang edisyon ng mapa na ito na inilabas noong 1744.[3]

Balik Tanaw

Malaki ang ginampanan ng mga manlalakbay at mananakop mula sa Europa sa pagbuo ng mga modernong mapa ng kanilang mga kolonya, kabilang na ang Pilipinas. Sa huling bahagi ng ika-16 siglo, napagtagumpayan na ni Miguel López de Legaspi na masakop ang mga lugar sa baybayin sa kapuluan. Ito ang nagbigay-daan upang maipakita ang hangganan at hugis ng Pilipinas, maging ang katubigan sa paligid nito. Sa ika-17 siglo naman naimbento ang mga kaalaman tungkol sa astronomiya, heograpiya, trigonometry, longhitud, at latitud. Ngunit noong ika-18 siglo lamang nagkaroon ng siyentipikong mapa ng Pilipinas nang sinimulan ni Gobernador-Heneral Fernando Valdés Tamón ang pagbuo ng kartograpiya ng Pilipinas. Bago pa man siya manungkulan, nilikha na nina Romero at Ghandia ang Carta chorográphica del archipiélago de las Islas Philippinas kung saan ipinakikita ang daan ng mga galyon mula Maynila hanggang Acapulco, subalit mayroon pa rin itong ilang kamalian, tulad ng parisukat na hugis ng Mindanao at pagkakaalis ng Isla ng Dinagat. Samantala, inutos naman ni Haring Felipe V kay Gobernador-Heneral Valdés na maghanda ng isang mapa ng kolonya. Bago pa man matanggap ang kautusan, patapos na si Velarde na buoin ang kaniyang mapa.[4]

Katangian ng Mapa

Bagama’t marami nang mapa ng Pilipinas ang naunang naiguhit, naging katangi-tangi ang mapa ni Velarde dahil sa kawastuhan nito, pagiging kompleto ng pangalan ng mga lugar sa baybayin, at pagsama ng tsart ng karagatan. Makikita sa mapa ang ilang “compass rose” na nagsisilbing gabay ng mga manlalakbay sa karagatan.

Ang mapa ay may sukat na 27 x 42 pulgada, at itinuturing na pinakamalaking mapa ng kapuluan na naiguhit. Ito rin ang sinunod ng ibang mga kartograper noong ika-18 siglo. Isinalaysay ang maikling kasaysayan ng kapuluan sa isang medalyon sa timog-kanlurang bahagi ng mapa, mula sa pagdating ni Ferdinand Magellan at ni Legazpi sa Pilipinas. Binanggit din dito ang mga produktong agrikultural at industriya sa kolonya. Isinalaysay rin ang estruktura ng pamahalaan, at bilang ng mga lugar na nasasakupan ng bawat kongregasyon ng Simbahang Katoliko sa panahong iyon. Sa ibaba naman ng mapa, matatagpuan ang imahen ng Victoria, ang natatanging sasakyang-pandagat na nakabalik sa Espanya matapos ang Labanan sa Mactan, at kauna-unahang sasakyang-pandagat na nakapaglakbay palibot ng mundo.

Makikita naman ang imahen ng dalawang babae na nakahawak sa kurtina kung saan nakasaad ang titulo ng mapa, kung kanino ito inihandog, at ang nabanggit na maikling impormasyon tungkol kay Padre Velarde. Sa taas naman nito makikita ang sagisag ng bansang Espanya na hawak ng dalawang kerubin kung saan mababasa ang katagang “Tibi servit et ultima tellus” (Even the furthest earth serves you) at “Pontus quoque subditur illi” (The ocean likewise is subject to him.)[5]

Bukod sa mga mapa ng Pilipinas, makikita rin sa gilid o border nito ang 12 imahen na nagpapakita ng buhay at tradisyon ng mga nakatira noon sa Pilipinas. Bawat larawan ay may lapad na 23.7 sentimetro at may taas na 17.7 sentimetro. Sa kaliwa, makikita ang sumusunod: (1) mga residenteng Intsik o sangleyes, (2) mga cafres na mula sa Africa at mga umiindak na katutubong Indiano o canarin, (3) isang pamilya ng mga mestizo o mga Pilipino na may halong Espanyol, at ang kasama nilang Hapones, (4) isang Espanyol na nakabihis nang katulad ni Louis XIV na pinapayungan ng isang tagapaglingkod, habang nagsasabong ang dalawang Indio; pinapana naman ng dalawang Aeta ang ibon, (5) isang Armenyano o Persiano ang nananabako habang kausap ang isang mogol at Indiano na nagmula sa Malabar, at (6) isang tagpo sa kalye kung saan makikita ang isang Indio na nakasuot ng lambon kasama ang isang babae patungo sa simbahan, isang babae na nakayapak ang nagtitinda ng bayabas katabi ang dalawang bata na may dalang kawayan at alimango, isang Bisaya na may dalang patalim na tinatawag na balarao, at isang pares na nagsasayaw ng comintang habang may tumutugtog ng mandolin.[6]

Sa kanang gilid naman makikita ang: (1) mga nag-aararong magsasaka katulong ang kalabaw; iba’t ibang uri ng hayop tulad ng buwaya, ibon, at sawa; mga halaman tulad ng cacao, palay, at isang babae na nagbabayo ng bigas sa luzon o isang almires na gawa sa kahoy kung saan pinaniniwalaang kinuha ang pangalan ng Luzon, (2) isang mapa na may titulo na “Ysla de Guajan” (o ang kasalukyang Guam) na pinalilibutan ng dalawang malalaking barko at dalawang bangka, (3) ang detalyadong mapa ng Intramuros o “Walled City,” (4) isang tagpo na nagpapakita ng buhay sa probinsiya tulad ng pagsakay sa kalabaw, isang bata na may hawak na paniki, at isang lalaki na nakasakay sa langkayan na gawa sa rattan; iba’t ibang uri ng halaman tulad ng papaya, “nanca” o langka, bonga, at kawayan na tinatabas ng isang lalaki, (5) ang plano sa daungan ng Zamboanga kung saan detalyadong naiguhit ang iba’t ibang gusali at estruktura, at (6) ang daungan at tangway ng Cavite at mga bayan sa paligid nito tulad ng Parañaque, Cavite Viejo, Binacayan, Bacoor, Malate, at Ermita.[7]

Impluwensiya

Malaki ang naging impluwensiya ng mapa ni Padre Velarde hanggang sa kasalukuyan. Ipinagbuti ito ng iba’t ibang kartograpo at nailimbag sa iba’t ibang aklat. Matapos ang ilang daang taon, nabuhay muli ang interes sa mapang ito nang sumiklab ang agawan sa teritoryo ng iba’t ibang bansa sa Scarborough Shoal, partikular na ang kaso ng Pilipinas at Tsina. Ginamit ang mapa na ito bilang sanggunian na nagpapatunay na kasama ang Isla ng Panacot o Bajo de Masinloc sa hangganan ng Pilipinas simula pa noong ika-18 siglo.[8] Nabili naman ng negosyante na si Mel Velarde ang orihinal na kopya ng mapang ito sa isang subastahan sa London noong 2018 at ibinigay sa Pambansang Museo.[9]

Sanggunian

  1. “Special Exhibit of the 1734 Murillo-Velarde Map.” Department of Foreign Affairs. https://dfa.gov.ph/dfa-news/dfa-releasesupdate/12846-special-exhibit-of-the-1734-murillo-velarde-map. Hinango noong 17 Pebrero 2021.
  2. Carlos Quirino, Philippine Cartography. Ikaapat na Edisyon. (Lungsod Quezon: Vibal Foundation, Inc., 2018), p. 73.
  3. Ibid, pp. 79, 81-82.
  4. Ibid, pp. 73-74
  5. Ibid, pp. 74-75.
  6. Ibid, pp. 81-82.
  7. Ibid, pp. 81-82.
  8. Ibid, p. 90.
  9. “Manila to London and back: The story of a map’s travels,” Mel Velarde, 01 Oktubre 2018. https://melvelarde.com/manila-london-back-story-maps-travels/. Hinango noong 17 Pebrero 2021.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.