Leni Robredo

From Wikfilipino
Revision as of 13:04, 17 August 2021 by Mrmagcamit (talk | contribs)
Jump to navigation Jump to search

Si Maria Leonor “Leni” Santo Tomas Gerona Robredo, higit na kilala sa pangalang Leni Robredo ay isang Pilipinong manananggol, aktibista, at politiko na iprinoklama bilang ika-14 na Pangalawang Pangulo ng Pilipinas. Siya ang ikalawang babaeng naging pangalawang pangulo, pagkatapos ni Gloria Macapagal Arroyo, at ang pinakaunang pangalawang pangulo mula sa Rehiyong Bikol.

Marami ang nananawagan sa pagtakbo ni Robredo bilang pangulo sa Halalan 2022 ngunit wala pang opisyal na pahayag mula sa kaniyang kampo ukol dito. Noong Hunyo 2021, ipinahayag din niya na bukás siya sa ideyang ito.  

Simula ng Karera sa Politika

Napukaw ang pansin ng publiko kay Robrero noong 2012, pagkatapos ang kamatayan ng kaniyang asawang si Jesse Robredo, dating Kalihim ng Interyor at Pamahalaang Lokal [Interior and Local Government], nang bumagsak ang sinasakyan nitong eroplano sa baybayin ng Isla ng Masbate. Bago ang aksidente, ang kaniyang pampublikong buhay ay kadalasang tungkol sa pagiging manananggol. Pagkatapos ng aksidente, tumakbo siya sa halalan noong 2013 at nanalo bilang kinatawan ng Ikatlong Distrito ng Camarines Sur sa Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas [House of Representatives of the Philippines] para sa ikalabing-anim na Kongreso ng Pilipinas, ang posisyong kaniyang ginampanan hanggang siya ay pasinayaan bilang Pangalawang Pangulo ng Pilipinas noong 30 Hunyo 2016.

Hinirang na pangalawang pangulo ng Pilipinas si Robredo noong 2016 na may 14,418,817 kabuoang boto.  

Personal na Buhay at Pamilya

Si Robredo kasama ang kanyang mga anak

Ipinanganak si Leni Robredo noong 23 Abril 1964 sa Naga, Camarines Sur. Panganay siya sa tatlong anak ng retiradong hukom na si Antonio Gerona at ni Salvacion Sto. Tomas.

Nag-aral siya sa Universidad de Sta. Isabel sa Lungsod Naga—nakapagtapos ng elementarya noong 1978 at sa mataas na paaralan noong 1982. Nakapagtapos naman siya ng antas sa ekonomika mula sa UP Paaralan sa Ekonomiks sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Quezon City noong 1986. Pagkatapos, kumuha siya ng master degree sa business administration sa Kolehiyo ng San Beda bago siya nag-aral ng batas sa Unibersidad ng Nueva Caceres (sa Lungsod Naga) at nakapagtapos noong 1992.

Kilala si Robredo sa kaniyang payak na pamumuhay. Napangasawa niya ni Jesse Robredo, na nakilala niya habang siya ay nagtatrabaho sa Bicol River Basin Development Program, mula 1987 hanggang sa kamatayan nito noong 2012. Mayroon silang tatlong anak: sina Jessica Marie, Janine Patricia, at Jillian Therese.

Ang panganay niyang anak na si Jessica Marie “Aika” G. Robredo ay kasalukuyang executive director ng Restart Micro-Enterprise, Inc. Siya rin ang chairwoman ng Jesse M. Robredo Foundation, isang non-government organization na layuning itaguyod at ipagpatuloy ang mga simulain ng kaniyang namayapang ama, partular sa mabuting pamamahala at etikong pamumuno. Siya ay nakakuha ng full scholarship sa Harvard University’s John F. Kennedy School of Government for the Mid-Career Master in Public Administration Program noong 2017.

Ang pangalawang anak na si Janine Patricia G. Robredo ay isang lisensiyadong doktor na nakapagtapos ng Doctor of Medicine na may master’s degree sa Business Admistration sa Ateneo School of Medicine and Public Health noong 2020.

Ang bunsong anak na si Jillian Therese G. Robredo ay kasalukuyang nag-aaral bilang iskolar sa New York University. Nagtatrabaho rin siya bilang lab assistant sa unibersidad.

Bilang Abogado

Kung hindi pinasok ni Leni Robredo ang mundo ng politika, maaaring sinundan niya ang mga yapak ng kaniyang namayapang ama na si Antonio Gerona Sr., hukom sa regional trial court (RTC) ng Lungsod Naga. Malaki ang posibilidad na naging hukom din si Robredo sa alinmang RTC sa Rehiyong Bicol dahil isa siya sa mga nakasama sa listahan na maging presiding judge nito. Gayunman, binawi niya ang kaniyang nominasyon at nag-apply bilang hukom sa Quezon City RTC upang makasama ang kaniyang mga anak sa lungsod. Ngunit hindi natuloy ang planong ito nang kinailangan niyang tumakbo sa Kongreso bilang kinatawan ng ikatlong distrito ng Camarines Sur.

Bilang abogado, nakatuon si Robredo sa mga kasong kinasasangkutan ng mga nasa “laylayan” ng lipunan. May koneksiyon siya sa Sentro ng Alternatibong Lingap Pang Legal (Naga Chapter), pangkat ng mga abogado na tumutulong sa mga magsasaka.

Itinatag din ni Robredo ang Lakas ng Kababaihan ng Naga. Dati rin siyang tagapangulo ng Naga City Council for Women. Kasapi rin siya ng Federacion International de Abogados.

Mga Kontrobersiya sa Administrasyon ni Duterte

Hindi lingid sa publiko ang mga pasaring ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Pangalawang Pangulong Leni Robredo sa buong termino nila.

Noong 2016, itinalaga ni Duterte si Robredo bilang tagapangulo ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC). Gayunman, sa taon ding iyon ay nagbitiw si Robredo sa kaniyang posisyon sa HUDCC na nag-ugat sa utos ng pangulo na huwag pasasamahin si Robredo sa anumang pagpupulong ng kaniyang gabinete. Sa paniwala rin ni Robredo, balak siyang pababain noon sa puwesto bilang pangalawang pangulo dahil na rin sa “irreconcilable differences” nila ng pangulo. Hindi rin magkaalyado ang dalawa.

Mariin namang tinutuligsa ni Robredo ang madugong “war on drugs” ng pangulo.

Noong 6 Nobyembre 2019, inatasan ni Duterte si Robredo na maging co-chair ng Inter-Agency Commitee on Anti-Illegal Drugs. Mariing tinutuligsa ni Robredo ang madugong “war on drugs” ng pangulo. Makalipas ang ilang araw, pinatalsik din siya ni Duterte sa puwestong ito matapos ang mga pagbabanta.

Kahit walang posisyon sa gabinete, ipinagpatuloy ni Robredo ang kaniyang mga programa sa ilalim ng Angat Buhay sa tulong na rin ng mga pribadong sektor.

Pagtakbo Bilang Pangulo sa Halalan 2022

Sa unang kuwarter ng 2021, ipinahayag ni Senator Francis Pangilin,a pangulo ng Liberal Party, na kinokonsidera nila si Robredo bilang standard bearer sa Halalan 2022. Ayon sa paliwanag ni Pangilinan, marapat lamang na ikonsidera nila si Robredo dahil ito ang miyembro nila na may pinakamataas na posisyon sa gobyerno. Paliwanag pa ng senador, bagama’t nagpahayag na si Robredo na wala pa siyang desisyon sa pagtakbo bilang pangulo ay marami pa rin ang posibleng magbago sa desisyon ng pangalawang pangulo. May online petition din ang kumalat upang lalong mahikayat si Robredo na tumakbo bilang pangulo ng bansa.

Noong Mayo 2021, umugong ang balita na may balak umanong tumakbo si Robredo bilang gobernador ng Camarines Sur sa Halalan 2022. Ito ay matapos ipahayag ni dating Senador Antonio Trillanes III na siya ang hahalili kay Robredo bilang kandidato sa pagkapangulo sa ilalim ng koalisyong 1SAMBAYANAN. Gayunman, agad itong pinabulaanan ng kampo ni Robredo.

Wala pa mang opisyal na pahayag sa kaniyang pagtakbo, sinabi na ni Robredo na bukás siya sa ideya ng pagtakbo bilang pangulo sa Halalan 2022.

May mga ulat din na lumabas tungkol sa Robredo-Roxas Tandem sa Halalan 2022. Si Mar Roxas ay malapit na kaibigan ni Jesse Robredo. Si Roxas ay ninong ng bunsong anak ni Robredo.