Lapulapu

From Wikfilipino
Revision as of 12:48, 23 February 2021 by Mrmagcamit (talk | contribs)
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search
Monumento ni Lapulapu, ang unang bayaning Pilipino, sa Mactan Shrine sa Lapu-Lapu City, Cebu

Si Lapulapu[1] ay ang datu ng Mactan sa Cebu at unang Pilipino na lumaban sa mga dayuhan matapos nitong magapi si Ferdinand Magellan at ang hukbo nito sa Labanan sa Mactan na naganap noong 27 Abril 1521. Dahil dito, naudlot nang 40 taon ang pagsakop ng mga Espanyol sa Pilipinas. Itinuturing din siya na unang bayaning Pilipino.[2]

Kakaunti lamang ang naisulat na nagsasalaysay patungkol sa buhay ni Lapulapu. Ang tanging pangunahing sanggunian lamang ng mga historyador ay ang mga salaysay ni Antonio Pigafetta. Dahil dito, nananatiling usapin at paksa sa mga pag-aaral ang pangalan, buhay, at pinagmulan ni Lapulapu. Ayon sa Pilipinong historyador na si Resil B. Mojares, walang anomang naisulat ang mga taga-Europa tungkol kay Lapulapu— hindi nila nabanggit ano ang itsura nito o narinig na magsalita. Wala ring nabanggit sa mga tala na kasama siya sa mga nakipagtunggali sa Labanan sa Mactan kung saan siya lubos na nakilala.[3]

Pinagmulan at Buhay ni Lapulapu

Maraming kuwentong-bayan ang nagsasalaysay tungkol sa pinagmulan ni Lapulapu. Ayon sa aklat na Glimpses in History of Early Cebu ni Lina Quimat, pinaniniwalaan na si Lapulapu ay isa sa dalawang anak ni Hari Mangal, pinuno ng Mat-an (o binaybay rin ng mga Espanyol na Matan, Mattan, at Mauthan) at ni Hara Bauga. Napangasawa naman ni Lapulapu si Bulacna, ang anak ni Cusgan na pinuno ng Isla ng Olanggoh. Nagkaroon sila ng tatlong anak na sina Cimangtas, Savilic, at Catahuman.

Pinaniniwalaang namatay si Lapulapu sa edad na 80, isang taon bago pa dumating ang mananakop na si Miguel Lopez de Legazpi sa Pilipinas. Kung susumahin, ang taon ng kapanganakan ni Lapulapu ay 1484.[4]

Ayon naman sa isang sayaw-epiko na Aginid Bayok Sa Atong Tawarik o Glide On, Odes to our History na isinulat ni Jovito Abellana noong 1952, nanggaling si Lapulapu sa Borneo. Humingi siya kay Humabon ng lugar kung saan siya maaaring manirahan. Inalok ni Humabon ang Isla ng Opong, naunang pangalan ng Mactan, ngunit napagpasiyahan na lamang ni Lapulapu na manatili sa Mandawili o sa kasalukuyan ay Mandaue dahil mahirap na bungkalin ang mabatong lupain ng Opong. Naging masigla ang kalakalan sa pamumuno ni Lapulapu. Ayon sa kuwento, naging isang “mangatang” o pirata si Lapulapu at inutusan niya ang kaniyang mga tauhan na nakawan ang mga dadaan sa Isla ng Opong. Humina ang kalakalan at dito sila nagkaroon ng hidwaan ni Humabon.[5][6]

Usapin sa Pangalan

Isa sa mga pangunahing usapin ay ang tamang pagbaybay sa pangalan ni Lapulapu. “Lapulapu,” walang gitling, ang tamang baybay ng pangalan ng bayani, ayon sa National Quincentennial Committee (NQC). Naging basehan nila ang mga tala ni Antonio Pigafetta kung saan binanggit ang pangalang “Çilapulapu” o “Cilapulapu.” Ayon naman sa mga iskolar, ang “Ci” ay maaaring isang titulo para sa mga maharlika na “Si.” Ayon kay E. P. Patanñe sa kaniyang aklat na The Philippines in the 6th to 16th Centuries, maaaring ito ay ang bersiyon ng mga katutubong Cebuano sa titulo ng mga Hindu na “Sri” na ang ibig sabihin ay “magiting at responsable.”[7]

Binanggit din ni Jose Rizal noong 1890 sa kaniyang anotasyon sa Sucesos de las islas Filipinas ni Antonio de Morga ang pinuno ng Mactan. Binaybay niya ang pangalan nito na “Si Lapulapu.”[8] Sa kuwentong Aginid naman, tinawag ang bayani na “Lapulapu Dimantag.”[9]

Labanan sa Mactan

Ang Labanan sa Mactan ay isa sa mga makasaysayang pangyayari bago pa man maging ganap na bansa ang Pilipinas. Bago pa man makarating ng Cebu, nauna nang marating ni Ferdinand Magellan ang Limasawa kung saan nito nakilala si Rajah Kolambu, na gumabay sa kaniya patungong Cebu. Dito naman nakilala ni Magellan si Rajah Humabon na hindi naglaon ay nabinyagan bilang Kristiyano kasama ang kaniyang asawa na si Juana.[10] [11]

Bagama’t maraming armas at kagamitan, hindi naging madali sa hukbo ni Magellan na magapi ang mga mandirigmang katutubo. Naging kalamangan sa mga Pilipino ang mabatong dalampasigan kung saan nakadaong ang mga barko ni Magellan. Dahil dito, hindi nagamit ang mga kanyon at sandatang pandigma. Nagpalitan ng lansá, sibat, at palaso ang dalawang pangkat hanggang sa tuluyang masugatan at mapabagsak si Magellan.[12]

Bagama’t naitala ni Pigafetta ang mga detalye ng labanan, walang sapat na tala na nagpapatunay sa eksaktong pinangyarihan nito. Hindi rin nabanggit dito kung si Lapulapu ang nakagapi kay Magellan o kung isa siya sa mga mandirigmang lumaban sa hukbo ni Magellan.[13] Ngunit, malinaw na naitala ang paninindigan ni Lapulapu laban sa banta ng pananakop ng mga dayuhan.

Pag-alala sa Bayani

Bilang pagbibigay ng karangalan, tampok si Lapulapu sa ilang mga monumento, pananalapi, mga sagisag, lugar, at araw ng paggunita. Ito rin ay isa sa mga paraan upang maikintal sa bawat Pilipino ang ipinakitang katapangan ng bayani.

Mga Pook at Araw ng Paggunita

Itinayo ang monumento ni Lapulapu sa Mactan Shrine o Liberty Shrine sa Lapu-Lapu City sa Cebu noong 1969.[14] Nakatayo rin sa Rizal Park ang 30-talampakan na monumento ni Lapulapu na gawa sa tanso. Dinisenyo ito ng iskultor na si Juan Sajid Imao.[15] Bilang paggunita sa ika-500 taong anibersaryo ng Kadaugan sa Mactan (Victory at Mactan), inianunsyo ng National Quincentennial Committee na itatayo ang Lapulapu Memorial Shrine and Museum sa Lapu-Lapu City. Magmumula ang disenyo ng bagong pook-pasyalan na ito sa isang patimpalak na inorganisa rin ng komite.[16][17]

Ipinangalan naman sa bayani ang naturang siyudad sa bisa ng Batas Republika Blg. 3134 noong 1961 mula sa dating Munisipalidad ng Opon sa Lalawigan ng Cebu.[18]

Nilagdaan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Batas Republika Blg. 11040 noong 29 Hunyo 2018 na nagdedeklara sa petsang 27 Abril bilang Araw ni Lapulapu upang parangalan ang bayani. Ito ay special working holiday sa buong bansa, at special non-working holiday sa siyudad ng Lapu-Lapu sa Cebu.

Sa Pananalapi at mga Sagisag

Umikot sa pananalapi ng Pilipinas ang isang sentimong barya noong 1980 kung saan naisalarawan ang mukha ni Lapulapu. Matapos ang 40 taon, inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) noong 18 Enero 2021 ang perang papel na may halagang 5,000 piso bilang paggunita sa pagwawagi ng mga Pilipino sa Labanan sa Mactan. Sa harap nito ay makikita ang batang si Lapulapu, ang tagpo sa makasaysayang labanan, ang sagisag ng Quincentennial Commemorations in the Philippines (QCP), at ang Karaoka, isang sasakyang-pandigma na ginamit ng mga katutubong Pilipino. Makikita naman sa likod ang imahen ng Manaol o Philippine eagle na sumisimbolo sa bisyon, kapayapaan, at lakas; at pag-alaala sa lumang paniniwala ng mga Bisaya na ang lahat ng nilikha ay nagmula sa agila. Makikita rin sa perang ito ang niyog na inihandog ng mga katutubo sa Samar kay Ferdinand Magellan at sa hukbo nito; ang Bundok Apo sa Mindanao, na nagsilbing gabay kina Magellan upang matunton ang Maluku o Spice Island.

Kasabay rin na inilabas ang isang medalya kung saan makikita ang monumento ng bayani sa Lapu-lapu Shrine sa Cebu, ang kaniyang pangalan, at ang mga sagisag ng QCP at BSP. Sa likod na bahagi naman nito makikita ang tagpo sa Labanan sa Mactan, ang markang “Battle of Mactan,” at ang petsang “27 April 1521.”[19][20]

Ginagamit rin ng ilang mga organisasyon sa gobyerno ang imahen ni Lapulapu sa kanilang sagisag. Isa na rito ang Pambansang Pulisya ng Pilipinas o Philippine National Police (PNP). Makikita ang imahen ng bayani sa selyo ng organisasyon at sa tsapa ng kapulisan na kumakatawan sa mabuting pamumuno, katapangan, nasyonalismo, tiwala sa sarili, at isang organisasyong pananggol na nakasentro sa mamamayan.[21] Makikita rin si Lapulapu sa sagisag ng Kawanihan ng Pagtatanggol sa Sunog o Bureau of Fire Protection (BFP), na sumisimbolo sa katapangan, pamumuno, at kagitingan.[22]

Usapin sa Isdang Lapu-lapu

Isa sa mga popular na isda na inihahanda ng maraming Pilipino sa hapag-kainan ang lapu-lapu o ang species na Plectropomus leopardus. Isang mambabatas naman ang naghain ng panukalang-batas na palitan ang pangalan ng isda at tawagin itong “Pugapu.” Ayon kay Cebu Representative Paz Radaza, ito ay paninira sa pangalan ng bayaning si Lapulapu.[23]

Sanggunian

  1. Norman V. Mendoza. “NQC: Lapulapu (without the hyphen) is Mactan ruler’s name,” Cebu Daily News, 14 Nobyembre 2019. https://cebudailynews.inquirer.net/270251/nqc-lapulapu-without-the-hyphen-is-mactan-rulers-name. Hinango noong 19 Enero 2021.
  2. “Duterte recalls Lapu-Lapu as first national hero,” Philippine News Agency, 27 Agosto 2018. https://www.pna.gov.ph/articles/1046040. Hinango noong 20 Enero 2021.
  3. Ambeth R. Ocampo. “Lapu-Lapu, national hero,” Inquirer.net, 25 Abril 2018. https://opinion.inquirer.net/112710/lapu-lapu-national-hero. Hinango noong 20 Enero 2021.
  4. Clarence Paul Oaminal. “The Royals of Sugbo,” The Freeman, 03 Oktubre 2018. https://www.philstar.com/the-freeman/opinion/2018/10/03/1856818/royals-sugbo. Hinango noong 19 Enero 2021.
  5. Marivir R. Montebon. Retracing Our Roots: A Journey Into Cebu's Precolonial and Colonial Past. (Cebu: ES Villaver Pub.: 2000). https://books.google.com.ph/books?id=tIZxAAAAMAAJ&dq=retracing+Our+Roots%3A+A+Journey+Into+Cebu%27s+Precolonial+and+Colonial+Past. Hinango noong 19 Enero 2021.
  6. Celestino C. Macachor. “Retracing our Past on Pandan Leaves – Pre-colonial Cebu,” Hinango mula sa Hispanismo.org. http://hispanismo.org/english/13277-aginid-bayok-sa-atong-tawarik-glide-odes-our-history.html. Hinango noong 19 Enero 2021.
  7. E. P. Patanñe. The Philippines in the 6th to 16th Centuries. (Philippines: LSA Press: 1996). https://books.google.com.ph/books?id=s0RwAAAAMAAJ&q=The+Philippines+in+the+6th+to+16th+Centuries. Hinango noong 19 Enero 2021.
  8. Antonio de Morga (1559–1636) annotations by José Rizal (1890). “Sucesos de las islas Filipinas por el doctor Antonio de Morga, obra publicada en Méjico el an̄o de 1609. Nuevamente sacada à luz y anotada por José Rizal y precedida de un prólogo del prof. Fernando Blumentritt.” Hinango mula sa The United States and its Territories, 1870 - 1925: The Age of Imperialism. https://quod.lib.umich.edu/cgi/t/text/pageviewer-idx?c=philamer;cc=philamer;q1=Lapulapu;rgn=full%20text;idno=AHZ9387.0001.001;didno=AHZ9387.0001.001;view=image;seq=00000050. Hinango noong 20 Enero 2021.
  9. Romola Ouano-Savellon. ""Aginid Bayok Sa Atong Tawarik": Archaic Cebuano and Historicity in a Folk Narrative". Philippine Quarterly of Culture and Society, Tomo XLII, Bilang 3/4. (September-December 2014), pp. 189-220. https://www.jstor.org/stable/44512020?seq=1. Hinango noong 20 Enero 2021.
  10. Agoncillo, Teodoro A. “Introduction to Filipino History,” Radiant Star Pub.: 1974. p. 36, https://books.google.com.ph/books/about/Introduction_to_Filipino_History.html?id=kcRwAAAAMAAJ&redir_esc=y. Hinango noong 20 Enero 2021.
  11. Maria Luisa Camagay, et al. Unraveling the Past: Readings in Philippine History. (Lungsod Quezon: Vibal Group Inc., 2018), pp. 40-41.
  12. Ibid.
  13. Angeles, Jose Amiel. "The Battle of Mactan and the Indigenous Discourse on War." Philippine Studies 55, no. 1 (2007): 3-52. http://www.jstor.org/stable/42633898. Hinango noong 20 Enero 2021.
  14. “Republic Act No. 5695.” Hinango mula sa Chan Robles Virtual Law Library. https://laws.chanrobles.com/republicacts/57_republicacts.php?id=5699. Hinango noong 20 Enero 2021.
  15. Christina Mendez. “Lapu-Lapu: Symbol of Pinoy pride,” Philstar, 17 Enero 2006. https://www.philstar.com/other-sections/news-feature/2006/01/17/317037/lapu-lapu-symbol-pinoy-pride.  Hinango noong 20 Enero 2021.
  16. “Lapulapu Memorial Shrine and Museum.” National Quincentennial Committee. https://nqc.gov.ph/en/lapulapu-memorial-shrine-and-museum/. Hinango noong 20 Enero 2021
  17. Mitchelle L. Palaubsanon. “New Lapu-Lapu shrine to rise in Mactan,” The Freeman, 24 Hulyo 2020. https://www.philstar.com/the-freeman/cebu-news/2020/07/24/2030250/new-lapu-lapu-shrine-rise-mactan. Hinango noong 20 Enero 2021. 
  18. “Republic Act No. 3134.” Hinango mula sa The LawPhil Project. https://lawphil.net/statutes/repacts/ra1961/ra_3134_1961.html. Hinango noong 20 Enero 2021.
  19. “BSP Issues Lapulapu Commemorative Banknote and Medal.” Bangko Sentral ng Pilipinas, 18 Enero 2021. https://www.bsp.gov.ph/SitePages/MediaAndResearch/MediaDisp.aspx?ItemId=5665. Hinango noong 20 Enero 2021.
  20. Daxim L. Lucas. “Lapu-Lapu: From one-centavo coin to P 5,000 bill.” Inquirer.net, 19 Enero 2021. https://newsinfo.inquirer.net/1385357/lapu-lapu-from-one-centavo-coin-to-p-5000-bill. Hinango noong 20 Enero 2021.
  21. “PNP Seal and Badge,” Philippine National Police. http://www.pnp.gov.ph/index.php/about-us/pnp-seal-badge. Hinango noong 20 Enero 2021.
  22. BFP Logo.” Bureau of Fire Protection- Region 1. https://region1.bfp.gov.ph/bfp-logo/. Hinango noong 20 Enero 2021.
  23. Glee Jalea. “HB to ban ‘Lapu-Lapu’ as fish name,” The Manila Times, 03 Agosto 2019. https://www.manilatimes.net/2019/08/03/news/regions/hb-to-ban-lapu-lapu-as-fish-name/593952/. Hinango noong 20 Enero 2021.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.