Labanan sa Look ng Maynila

From Wikfilipino
Revision as of 09:28, 2 March 2021 by Mrmagcamit (talk | contribs) (Created page with "Ang '''Labanan sa Look ng Maynila''' na naganap noong 1 Mayo 1898 ay itinuturing na una at pinakamahalagang pagtatagpo sa pagitan ng mga Amerikano at Espanyol (21 Abril–13 A...")
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search

Ang Labanan sa Look ng Maynila na naganap noong 1 Mayo 1898 ay itinuturing na una at pinakamahalagang pagtatagpo sa pagitan ng mga Amerikano at Espanyol (21 Abril–13 Agosto 1898). Sa pamumuno ni Komodor George Dewey, sinira at pinataob ng hukbong Amerikano ang mga barko ng mga Espanyol sa Pilipinas na noon ay pinamumunuan naman ni Admiral Patricio Montojo. Ito ang marka ng pagtatapos ng pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas.

Pagsisimula ng Digmaan

Ang pakikipaglaban ng mga Amerikano sa mga Espanyol ay isang matagal nang estratehiya ng hukbong pandagat ng Estados Unidos. Taong 1894, pinag-aralan na ng Naval War College ang posibilidad na makasagupa ng Amerika ang Espanya sa pagkamkam sa teritoryo ng Cuba. Ang digmaan naman sa pagitan ng dalawa sa Pilipinas ay plinano noong 1896. Ito ay hindi upang kamkamin ang kolonya ng mga Espanyol. Nais lamang umano ng Amerika na ilayo ang mga barko ng kanilang kalabang mananakop upang mabigyan sila ng mas malaking pabor sakaling dumating ang puntong magkakaroon ng mapayapang kasunduan.

Sumulat ang noon ay assistant secretary ng hubong sandatan ng Amerika na si Theodore Roosevelt kay Dewey para sabihing panatilihin ang kanilang base sa Hong Kong. Sa pagkakataong sumiklab umano ang inaasahang digmaan sa pagitan nila at ng mga Espanyol, saka pa lang niya dadalhin ang kaniyang hukbo sa Pilipinas.

Sa kabilang banda, sa isang pagpupulong sa pagitan ng gobernador-heneral ng Pilipinas at ni Montojo na naganap noong 15 Marso 1898, ipinahayag na ni Montojo na kapag dumating ang hukbo ni Dewey ay matatalo sila. Wala silang maayos na estratehiya para manalo at kulang pa sila sa tauhan. Tanging dalawang sasakyang pandagat lamang ang dumating bilang suporta mula sa gobyerno ng Espanya. Sa kabuoan, mayroon lamang silang pitong barko na may tatlumpu’t pitong malalaking armas na may bigat na mahigit labing-isang libong tonelada. Ang pinakamalaking sasakyang pandagat nila ay gawa lang sa kahoy. Malayong-malayo ito sa anim na bakal na barko ng mga Amerikano na may limampu’t tatlong bigating armas. Apat sa mga barkong ito ay protektado.

Nagplano si Montojo na sugurin ang mga Amerikano sa kanilang kuta sa Look ng Subic pero binawi rin niya ang kaniyang plano nang malamang mahina nga ang kanilang kagamitan pang-depensa. Dahil dito, inilayo niya ang kaniyang hukbo at dinala sa Look ng Maynila, isang lugar na hindi na raw maaabot ng mga Amerikano. Isa pa, ayaw umano niyang mapasabog ang lupain ng Maynila kaya sa baybayin niya dinala ang giyera. Sakaling maipit din ang kaniyang hukbo, mabilis silang makalalangoy para makatakas at iligtas ang sarili.

Ang Labanan

Lingid sa kaalaman ng mga Espanyol, batid na ng hukbong Amerikano ang estado ng kanilang sandatahang lakas. Dahil dito, hating gabi pa lang ng 30 Abril 1898, sinugod na ng mga Amerikano ang mga Espanyol sa Look ng Maynila sakay ng USS Olympia. Hindi ito inaasahan ng hukbong Espanyol dahil akala nila ay hindi maaarimg baybayin ang Look ng Maynila sa gabi kaya inasahan nilang kinabukasan pa ang pag-atake.

Imbes na sa pagitan ng Isla ng Corregidor at hilagang baybayin sila dumaan, nagtungo sila sa timog na baybaying napapagitnaan ng mga isla ng El Fraile at Caballo. Nagsimula silang magpaputok sa kinaroroonan ng sasakyang pandagat ng mga Espanyol. Pinilit ding makaganti ng pagsabog ng mga Espanyol pero hindi ito umaabot sa kinaroroonan ng sandatahang Amerikano. Hanggang sa nakatanggap ng utos ang USS Olympia na simulan nang sirain ang plotilya ng mga Espanyol.

Handa naman ang hukbo ng Espanyol para sa ganitong pag-atake pero sadyang wala lang silang mga gamit para depensahan ang kanilang grupo. Ang walong barko ng mga Espanyol ay gumanti ng putok sa loob ng dalawa’t kalahating oras ngunit hindi pa rin ito umubra.

Dahil tila wala ng pag-asa, nagbigay ng utos si Montojo na salpukin na lang ang sinasakyang barko ng mga Amerikano. Matapos ito, sumakay siya sa barkong Cristina. Pinaputukan ito ng mga Amerikano hanggang sa masira at magpira-piraso. Sa apat na raang Espanyol na lulan nito, dalawaang daan ang sugatan kasama na si Montojo. Tanging dalawang tao lang na may sandata para lumaban pa ang natira. Ang barkong Castilla, nagpagewang gewang sa baybayin dahil sa ilang nasirang bahagi. Dahil dito iniutos ni Kapitan Gridley ng Espanya na hayaan na itong lumubog. Ang sasakyang pandagat na Ulloa ay tinamaan din nang matindi na naging sanhi ng pagkamatay ng kalahati ng mga sakay nito. Nawalan naman ng makina ang Duero at isang baril na lang ang natitirang gumagana. Ang Luzon, nasira naman ang mga armas pero hindi ang mismong sasakyan.

Kinaumagahan, iniutos na ni Kapitan Gridley sa kaniyang hukbo na umatras na.

Matapos ang Labanan

Pagkalipas ng Labanan sa Look ng Maynila, pinarangalan ang pamumuno ni George Dewey. Ginawaran ng Dewey medal ang mga natatanging opisyal at manlalayag sa ilalim ng kaniyang hukbo. Tumaas ang ranggo ni Dewey at naging Admiral of the Navy, isang pagkilalang siya pa lang ang nakatamo sa kasaysayan ng United States Navy.

Noong 1900 binalak ni Dewey na tumakbo bilang pangulo ng US pero nang lumaon ay ipinaubaya na lang kay William McKinley na siyang nanalo.

Nakapreserba ang barkong Olympia sa Independence Seaport Museum.

Epekto sa Pilipinas

Nagpadala si McKinley ng mga tropang Amerikano para makuha ang Pilipinas mula sa kamay ng Espanya. Halos 11,000 Amerikanong sundalo ang ipinadala ng US Navy sa ilalim ng pamumuno ni Major General Wesley Merritt.

Samantala, dinala naman ni Dewey ang rebolusyonaryong si Emilio Aguinaldo sa Cavite para sana malaman ang tungkol sa pamamalagi ng mga Espanyol sa Pilipinas. Isa rin itong paraan para maging ligtas siya mula sa mga Pilipinong rebelde. Hindi inakala ni Dewey at ni Merritt na inaasahan pala ni Emilio Aguinaldo at ng mga Pilipino na ipagkakaloob na sa kanila ang kalayaan ng bansa at ibabalik na sa mga Pilipino ang pamumuno sa Pilipinas.

Nagkaroon ng kasunduan sa pagitan ng mga Amerikanong lider at sa gobernador-heneral ng Maynila. Gustong angkinin ng mga Amerikano ang Maynila. Nang sumapit ang 17 Agosto, umulan ng putukan sa kabisera at napaalis sa lungsod ang karamihan sa mga Pilipino. Isang araw bago iyon, nagkaroon na rin pala ng kasunduan sa pagitan ng Estados Unidos at ng Espanya. Ang negosasyon ay nagbigay-daan sa tuluyang pananakop ng mga Amerikano sa teritoryo ng Pilipinas. Sa takot na baka maagaw ng iba pang dayuhang bansa ang bagong teritoryo, nagpasiya si McKinley na Estados Unidos ang mamuno sa lahat ng isla ng Pilipinas.

Mga Sanggunian

  • ‘’Battle of Manila Bay, 1 May,1898.’’ Naval History and Heritage Command. (Hinango noong 27 Mayo 2014).
  • ‘’Spanish-AmericanWar: Battle of Manila Bay.’’ Military History. (Hinango noong 27 Mayo 2014).
  • ‘’The Battle of Manila Bay, 1898.’’ Eyewitness to history. (Hinango noong 27 Mayo 2014).
  • ‘’Battle of Manila Bay.’’ Encyclopedia Britannica. (Hinango noong 27 Mayo 2014).