Labanan sa Ilog Bangkusay

From Wikfilipino
Revision as of 00:23, 27 January 2021 by Cmsantos (talk | contribs) (Created page with "Ang '''Labanan sa Ilog Bangkusay''' na naganap noong 3 Hunyo 1571 ay ang huling pakikipaglaban ng mga katutubo ng Maynila sa mga mananakop na Espanyol. Ang mga pinuno at m...")
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search

Ang Labanan sa Ilog Bangkusay na naganap noong 3 Hunyo 1571 ay ang huling pakikipaglaban ng mga katutubo ng Maynila sa mga mananakop na Espanyol. Ang mga pinuno at mga katutubo ng Maynila ay napilitang isuko ang kanilang teritoryo sa soberaniya ng Espanya.

Isang mandirigma na kinilalang si Tarik Sulayman ang namuno at nagpatnubay sa humigit-kumulang isang libong mandirigmang Moro mula sa Pampanga ang nagtungo sa  Ilog Bangkusay upang harapin ang mga Espanyol.Ang pagkatalo ng mga katutubong mandirigma laban kina Legazpi at sa alyansa nito kina Rajah Lakandula ang nagtatag at nagpatibay ng pagsakop at pamumuno ng mga Espanyol sa Maynila at mga karatig-bayan nito.

Ang Mga Unang Manlulupig na Espanyol na Nakarating sa Maynila

Nang si Legazpi ay mapilitang umalis ng Cebu at Iloilo ng mga piratang Portuges, nabalitaan niya ang kasaganahan at kaunlaran ng Maynila. Noong 30 Mayo 1570, nagpadala siya ng mga manlalakbay na binubuo ng 600 katutubong Bisaya at 120 Espanyol sa ilalim ng pamumuno nina Martin de Goiti at Juan de Salcedo upang upang pag-aralan ang potensiyal ng Maynila at ang pagtatatag ng istrukturang pang-depensa sa siyudad. Ngunit, nang malaman ni Sulayman ang totoo nilang intensiyon sa lungsod, isinaad niyang hindi kailanman tatanggapin ng mga Tagalog ang soberanya ng Espanya.

Noong panahong ito, maunlad ang Maynila sa ilalim ng pamumuno ni Rajah Sulayman. Ito ay nasa timog ng Ilog Pasig at pinalilibutan ng mga matatag na depensa. Nagpaputok ng kanyon ang mga Espanyol upang maging hudyat ng kanilang pag-alis ngunit inakala nina Sulayman na ito ay tangka ng pag-atake. Nagpadala siya ng mga tauhan upang lusubin ang mga natirang Espanyol sa lungsod noong 24 Mayo 1570. Ngunit, hindi kinaya ng mga katutubong mandirigma ang mga Espanyol at iba pang mandirigma mula Visayas kung kaya’t sila ay sumuko.

Ang Labanan sa Ilog Bangkusay

Noong 1571, isang taon matapos ang unang labanan sa pagitan ng mga Tagalog at Espanyol, si Legazpi mismo ang namuno sa hukbong Espanyol upang sakupin ang Maynila. Ayon sa mga tala, umalis si Legazpi sa Panay na may dala-dalang 27  barko, 280 mandirigmang Espanyol, at daan-daang mandirigmang Bisaya.

Nang makarating sila ng Maynila noong 16 Mayo 1571, nakipag-pulong si Legazpi sa mga pinuno ng Maynila na sina Laya, Lakandula, at Sulayman. Kahit pa nagdalawang-isip noong umpisa si Sulayman, tinanggap ng tatlong pinuno si Legazpi at idineklara ang kanilang mga sarili bilang mga kaibigan ng Espanya. Makalipas ang isang linggo, ibinalita ni Legazpi na ang Maynila ay pag-aari ng Hari ng Espanya at sila ay may karapatang ibigay ang ilang lupain nito sa sinumang nais manirahan sa loob ng siyudad. Nainsulto sa narinig ang mga Tagalog kung kaya’t naisip nilang magdeklara ng giyera laban sa mga Espanyol. Sa loob ng ilang araw, libo-libong mandirigma na galing sa Agonoy at Macabebe sa Pampanga, sa pamumuno ng isang nagngangalang Tarik Sulayman (na laging napagkakamalang si Rajah Sulayman), ang nagsalubong sa Tondo upang planuhin ang pag-atake laban sa hukbong Espanyol. Ang mga mandirigma ng mga karatig-bayan ng Maynila ay nagmartsa rin at inabot ang Maynila sa pamamagitan ng Ilog Bangkusay.

Nang makarating ang balitang pagsalakay sa mga hukbong Espanyol kay Legazpi, inatasan niya si Lakandula na kumbinsihin ang mga katutubo na ibaba ang kanilang mga armas ngunit hindi nagpatinag ang mga katutubo.

Noong 3 Hunyo 1571, nagtungo sina Legazpi at kaniyang hukbo sa Ilog Bangkusay para harapin ang mga katutubo. Nagapi ang mga katutubo kung kaya’t sila ay napilitang tanggapin ang soberaniya ng Espanya sa Kamaynilaan. Dahil rito, nagtatag si Legaspi ng isang siyudad sa Maynila noong 24 Hunyo 1571.

Ang Batang Lider ng Macabebe

Noong 3 Hunyo 2016, ipinakilala ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang marker o pananda sa Macabebe, Pampanga upang kilalanin at parangalan ang tinaguriang “Young Leader of Macabebe” o ang “Batang Lider ng Macabebe.” Ito ay upang tuldukan na ang paniniwalang si Rajah Sulayman ang namuno sa pag-aalsa laban sa grupo ni Legazpi at nanguna sa mga hukbong Moro mula Pampanga.

Bagama’t may mga ulat na ang pangalan ng binata ay Bambalito, Tarik Soliman, Bangkaw, o Tarik Soliman Bangkaw, nagpasiya ang NHCP na tawagin siyang “Batang Lider ng Macabebe.” Ito ay dahil walang sapat na dokumentong magsisilbing patunay ng alinman sa mga nabanggit na pangalan.

Nakalahad sa pananda na ang binatang bayani ay namuno sa higit 2,000 mandirigmang Moro mula Macabebe, Hagonoy, at iba pang lugar sa Pampanga upang mapatalsik ang mga Espanyol noong 31 Mayo 1571.

Ang hakbang na ito ng NHCP ay tugon din nila sa panukala at pag-aaral ng executive director ng Holy Angel University Center for Kapampangan Studies (CKS) na si Robby Tantingco na magtayo ng pananda upang kilalanin ang bayani ng Macabebe. Bagama’t hindi nabanggit ni Legazpi at iba pang mananalata ang pangalan ng bayani, inilahad naman nila ang ginawa nitong katapangan. Taong 1934 nang itayo ng Bayan ng Macabebe ang isang monumento para sa binatang bayani at tinawag siyang “Hari ng Macabebe.”

Inilabas din ng CKS ang librong The Nameless Hero na isinulat ng mananaliksik mula NHCP na si Ian Christopher Alfonso. Layon nitong alamin at ipakita ang pangunahin, pangalawa, at pangatlong pinag-ugatan o pinagmulan upang bigyang-halaga ang papel ng kabataan sa pagpapa-unlad ng bansa.

Mga Sanggunian

  • Sembrano, Edgar Allan M. “Historical error corrected: Rajah Soliman out, nameless hero” in 2016 ‘’The Filipino Express’’; Jersey City [Jersey City]
  • Henson, Mariano Angel. “A Historical Analysis of His Life Works And Works On Local History, 1948-1975”. ‘’Asia Pacific Journal of Advanced Business and Social Studies’’.
  • San Agustin, Gaspar de. ‘‘Conquistas delas Islas Filipinas’’.  Manila: San Agustin  Museum, 1998.
  • Piedad-Pugay, Chris Antoinette. “The Battle of Bangkusay: A Paradigm of Defiance against Colonial Conquest.” 2012. (Hinango noong 25 Enero 2021).

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.