Kuwento ni Mabuti

From Wikfilipino
Revision as of 03:58, 20 August 2021 by Jvitug (talk | contribs) (Created page with "Ang '''Kuwento ni Mabuti''' ay isang maikling kuwentong isinulat ni Genoveva Edorza - Matute noong 1951. Ito ay ang kauna-unahang maikling kuwentong nagkamit ng parangal sa pr...")
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search

Ang Kuwento ni Mabuti ay isang maikling kuwentong isinulat ni Genoveva Edorza - Matute noong 1951. Ito ay ang kauna-unahang maikling kuwentong nagkamit ng parangal sa prestihiyosong Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature.

Tungkol ito sa isang guro na madalas bukambibig ang salitang “mabuti” kaya naman ay Mabuti na rin ang itinawag ng mga mag-aaral sa kaniya. Ngunit isang araw, ang masiyahin at mahusay na guro ay nakita ng isang mag-aaral sa silid-aklatan na malungkot at puno ng problema.

Ang kuwentong ito ay nagsilbing isang klasikong maikling kuwento ng panitikang Pilipino. Kasama rin ito sa mga akdang pampanitikang inaaral sa haiskul.

Buod

Kinagigiliwan ng mga mag-aaral ang isang gurong tinatawag nilang si “Mabuti”. Dahil sa husay nito sa pakikisama at pagtuturo, maraming mag-aaral ang kinagigiliwan siya. Tinatawag siyang “Mabuti” dahil madalas niyang banggitin ang salitang “mabuti” sa iba’t ibang pagkakataon. Binabanggit niya ito sa tuwing pupurihin ang mga mag-aaral o sa tuwing mayroong nalilimutang salita.

Isang takipsilim, naabutan ni Mabuti ang isa sa kaniyang mga mag-aaral na umiiyak sa isang sulok ng sild-aklatan dahil sa dinadalang suliranin. Sinabi ni Mabuti sa mag-aaral na naparoon siya upang umiyak din. Nakinig ang guro sa dinadala ng mag-aaral ngunit naging matipid sa kung ano ang dahilan ng pagpunta niya sa aklatan at pag-iyak doon.

Simula noon, naging mapagmasid na ang mag-aaral sa kaniyang guro. Isang araw, sa talakayan sa klase, nabanggit ni Mabuti ang tungkol sa kaniyang anim na taong gulang na anak, ngunit hindi ang ama nito. Napag-usapan nila sa klase ang pangarap niyang maging doktor ang anak nang may sumagot na mag-aaral ng “Gaya ng kaniyang ama!” na nakababatid kung sino ang ama ng bata.

Nakita ng mag-aaral na nakasama ni Mabuti sa aklatan kung paanong namutla ang guro sa isinagot na iyon ng kaniyang kaklase. Unti-unti ay nababatid niya kung ano ang problema ng guro at kung bakit umiiyak ito sa isang sulok ng aklatan.

Ilang araw ang lumipas at nabalitaan ng mag-aaral na yumao ang ama ng anak ni Mabuti. Nalaman niyang naiburol ang doktor hindi sa bahay nina Mabuti at kaniyang anak. Dito ay naunawaan ng mag-aaral ang hinaharap ng kaniyang guro.

Tungkol sa may-akda

Si Genoveva Edroza- Matute ay isang manunulat, kuwentista, at mananaysay. Kilala rin siya sa taguring “Aling Bebang.” Isinilang siya noong Enero 3, 1915. Siya ay anak nina Anastacio Edroza at Maria Magdalena Dizon. Napangasawa ni Genoveva si Epifanio Gar. Matute, ang lumikha ng sikat na serye at programa sa telebisyon na Kuwentong Kutsero noong dekada ‘50.

Nag-aral si Genoveva sa Manila North High School (ngayon ay Arellano High School), Philippine Normal School (ngayon ay Philippine Normal University), at University of Sto. Tomas. Naging guro din si Genoveva sa loob ng 46 na taon at naging department head ng Filipino at dekano ng Philippine Normal University.

Nakapagsulat din siya ng iba pang maikling kuwento tulad ng “Leave-taking” at “Land of the Bitter” na nailathala sa Manila Post Sunday Magazine at Manila Post Monthly. Kinalala rin ang husay ni Genoveva sa pagsusulat ng mga kuwentong tungkol sa kabataan at pagiging guro tulad ng “Walong Taong Gulang,” “Noche Buena,” at “Paglalayag sa Puso ng Isang Bata.” Nakapaglathala rin siya ng isang antolohiya ng mga isinulat niyang kuwento at sanaysay sa Ako’y Isang Tinig noong 1952. Nakagawa rin siya ng akda kasama ang kaniyang asawa sa Mga Pagpapahalagang Pilipino sa Mga Akda: Mga Kuwento, Mga Sanaysay, Mga Dula noong 1992.

Maliban sa pagkakapanalo sa unang taon ng Palanca Awards noong 1951, nagsunod-sunod ang pag-uuwi ng parangal ni Genoveva mula sa nasabing patimpalak hanggang noong dekada 1960. Naging Outstanding PNS-PNC Alumna rin siya noong 1966, Patnubay ng Sining at Kalinangan Awardee ng Maynila noong 1967; Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas noong 1988, at Gawad CCP Para sa Sining noong 1992.

Namatay si Genoveva noong Marso 21, 2009 sa edad na 94 habang siya ay natutulog. Inihimlay ang kaniyang labi sa Manila North Cemetery.

Noong Enero 3, 2020, ipinagdiwang ng Google ang ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ni Genoveva sa pamamagitan ng isang Google Doodle.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.