Katipunan

From Wikfilipino
Revision as of 12:41, 9 April 2021 by Rclacuata (talk | contribs)
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search

Ang Katipunan ay ang pinaikling pangalan ng samahang Kataas-taasan Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan. Ito ay isang lihim na kapisanan ng mga Tagalog na pinag-iisa ng mga makabayang mithiin. Itinatag ito nina Andres Bonifacio, Deodato Arellano, Valentin Diaz, Teodoro Plata, Ladislao Diwa, Jose Dizon, at iba pang kasama, na kasapi rin ng La Liga Filipina. Ang lihim na pagtitipon ay ginanap sa isang bahay sa Kalye Azcarraga (ngayo’y C.M. Recto), Maynila, noong 7 Hulyo 1892, isang araw matapos dakpin si Jose Rizal, na kalaunan ay ipinatapon sa Dapitan. [1] [2]

Mga Adhikain

Nahahati sa tatlo ang adhikain ng Katipunan: politikal, moral, at sibiko. Kabilang sa mga pangunahing layunin ng samahan ay ang makamtan ng Pilipinas ang ganap na kalayaan sa kamay ng mga mananakop na Espanyol sa pamamagitan ng panghihimagsik. Iniatang din nila sa kanilang mga balikat ang pagtulong sa mahihirap at inaapi at turuan sila ukol sa kabutihang-asal, pagpapanatili ng wastong kalinisan at kalusugan, at moralidad.[1] [2]

Sa simula, ginamit na paraan ng mga kasapi upang sila ay madagdagan ay ang hasik o trianggulo, kung saan ang isang kasapi ay kailangang makapanghikayat ng dalawang bagong kasapi at ang dalawang ito naman ay kailangan ding makapanghikayat ng dalawa hanggang sa dumami. Gayunman, dahil sadyang may katagalan ang pamamaraang ito, napagkasunduan nilang ibasura ito at gawin ang inisyasyon. [2] [3]

Ang isang bagúhan ay kailangang dumaan sa proseso ng mahirap na inisyasyon. Ipasusuot sa kaniya ang itim na damit at sasamahan siya ng kaniyang isponsor sa isang maliit na silid. Pauupuin siya sa isang silya, at may mesa na kinalalagyan ng ilawan, bolo, rebolber, at papel na kinasusulatan ng ilang katanungan na kailangan niyang sagutin ayon sa inaasahan ng mga kasapi. Ang mga tanong ay ukol sa kung ano ang kondisyon ng Pilipinas noong unang panahon, ano ang kondisyon nito sa kasalukyan, at ano ang magiging kondisyon nito sa hinaharap. [2]

Ganito naman ang inaasahang sagot: Ang mga Pilipino ay dati nang malaya, at hindi naman napabuti ng mga Espanyol ang kalagayan ng bansa, ngunit ang Pilipinas ay lalayang muli. Ang pinuno ng seremonya ay pahihinain ang kalooban ng bagúhan at kapag nanindigan ito ay dadalhin sa isa pang silid, na nakapiring ang mga mata, para sa pisikal na pagsubok. Sa huling seremonya, manunumpa ang bagúhan at lalagda sa isang papel, gamit ang sariling dugo, karaniwang hinihiwa ng bisturi (scalpel) ang kaniyang bisig.[2]

May tatlong ranggo naman ang mga miyembro: ang “Katipon” para sa mga bagong kasapi, aakyat naman sa pagiging “Kawal,” at ang pinakamataas ay ang “Bayani.” Mayroon din silang password o lihim na salita na ginagamit: ang “Anak ng Bayan,” Gomburza,” at “Rizal.” [2]

May buwanang pinansiyal na kontribusyon din ang mga kasapi na kinokolekta tuwing sila ay may pagpupulong.[2]

Nang maging sandaan ang mga kasapi ng Katipunan ay nagkaroon ng halalan para sa mga opisyal nito. [2]

Mga Pinuno

Noong Oktubre 1892, isinagawa ang unang halalan para sa Kataas-taasang Sanggunian at ang unang nahalal na Kataas-taasang Pangulo (Supremo) ay si Deodato Arellano. Pebrero 1893 naman nang maging Supremo nito si Roman Basa at sa simula ng 1895 ay nahalal na si Andress Bonifacio bilang Kataas-taasang Pangulo. Si Bonifacio ay muling naihalal sa huling araw ng 1895 at sa Agosto 1896, bago mabunyag ang lihim na samahan. [2] [3]

Narito ang mga unang opisyal ng Katipunan:[2]

  • 1892 - Deodato Arellano (Supremo); Bonifacio (Comptroller); Ladislao Diwa (Piskal); Teodoro Plata (Kalihim); Valentin Diaz (Ingat-Yaman)
  • 1893 – Ramon Basa (Supremo); Jose Turiano Santiago (Kalihim); Andres Bonifacio (Piskal); Vicente Molina (Ingat-Yaman)
  • 1894 – Andres Bonifacio (Supremo); Jose Turiano Santiago (Kalihim); Emilio Jacinto (Piskal); Vicente Molina (Ingat-Yaman)
  • Enero 1896 – Andres Bonifacio (Supremo); Emilio Jacinto (Kalihim); Pio Valenzuela (Piskal); Vicente Molina (Ingat-Yaman)

Samantala, ang Kataas-taasan Sangggunian noong Agosto 1896, bago ang pagsiklab ng rebolusyon, ay pinamumunuan ni Andres Bonifacio (Supremo); Emilio Jacinto (Kalihim ng Estado); Teodoro Plata (Kalihim ng Digmaan); Briccio Pantas (Kalihim ng Hustisya); Aguedo del Rosario (Kalihim Panloob); at Enrique Pacheco (Kalihim ng Pananalapi).[2]

Bukod sa Kataas-taasang Sanggunian, may dalawa pa itong komite: ang Sangguniang Bayan at Balangay na kumakatawan sa mga lalawigan at bayan; at ang Sangguniang Hukuman na lumilitis sa mga kasaping naakusahang lumalabag sa mga patakaran ng Katipunan.[1]

Pagdami ng mga Kasapi

Nang mailathala ang una at huling edisyon ng Kalayaan, opisyal na pahayagan ng Katipunan, noong Marso 1896 ay tinatayang umabot sa 30,000 ang mga naging kasapi ng samahan. Ilang buwan makalipas nito, 21 Hunyo 1896, binisita ni Pio Valenzuela, kasapi ng pamunuan ng Katipunan, si Rizal sa Dapitan. Ipinaalam niya kay Rizal ang tungkol sa binabalak na Himagsikan at inalok niya rito na maging pangulo ng samahan. Tumanggi umano si Rizal ngunit ipinayo na kailangang maghanda ng mga armas, maghanda bago ang himagsikan, humingi ng tulong sa mayayaman, at gawing heneral si Antonio Luna. [1] [4]

Unang Sigaw

Noong 19 Agosto 1896, nabunyag ang Katipunan nang sabihin ni Teodoro Patiño, kasapi ng Katipunan, sa kapatid nitong babae, si Honoria, ang tungkol sa lihim na samahan. Nagkataon na si Honoria ay nakatira sa piling ng mga madre sa isang ampunan sa Mandaluyong. Sinabi ni Honoria sa Madre Superiora ang tungkol dito at ang huli ay humingi ng payo kay Padre Mariano Gil, kura paroko ng Tondo. Sinalakay ng mga Espanyol ang Diario de Manila, kung saan nagtatrabaho si Patiño, at magdamag na nanghuli ang mga Espanyol ng mga pinaghihinalaan nilang Katipunero.[3] [4]

Pinaniniwalaan na umabot sa 100,000 ang naging kasapi ng Katipunan nang madiskubre ito ng mga Espanyol. Hindi lamang nagmula sa mga lalawigan ng Luzon kundi sa Visayas at Mindanao ay nakarating ang hasik ng Katipunan. [1] [5]

Nakatakas sina Andres at Procorpio Bonifacio, Emilio Jacinto, at at iba pang opisyal ng Katipunan nang mabunyag ang samahan. Noong 24 Agosto 1896, naisagawa ang makasaysayang Unang Sigaw ng mga Katipunero bilang pagpapahayag ng kanilang panghihimagsik laban sa mga Espanyol. Ayon sa mga unang tala, ang Unang Sigaw ay nangyari sa Balintawak, ngunit ayon sa historyador na si Teodoro A. Agoncillo, ito ay naganap sa Pugadlawin noong 23 Agosto 1896. [1] [3]

Ayon kay Aurelio V. Tolentino, aktibong Katipunero, ganito ang Unang Sigaw ni Bonifacio: “Kalayaan o kaalipinan? Kabuhayan o kamatayan? Mga kapatid, halina’t ating kalabanin ang mga baril at kanyon upang kamtin ang sariling kalayaan!” [3]

Sa pagpupulong na ito rin, sa bakuran ni Melchora Aquino, ay itinatag ni Bonifacio ang Pamahalaang Rebolusyonaryo at siya ang naging pangulo nito. Napagkasunduan din nila ang pagsalakay sa Maynila, gabi ng 28–30 Agosto 1896.[3]

Sa isang panayam sa beteranong Katipunero na si Guillermo Magsakay sa pahayagang Bagong Buhay noong 1952, inalala niya ang 56 kalalakihan na nagkita-kita nang ganapin ang Unang Sigaw, kasama siya.[2]

Paglaban sa mga Espanyol

Noong 25–26 Agosto 1896 ay nagkaroon ng sagupaan ang mga Katipunero at ang mga Espanyol sa Pasong Tamo, Caloocan, at Malabon kung saan natalo ang mga Espanyol. At noong 30 Agosto 1896 ay pinangunahan ni Bonifacio ang pagsalaky sa Polvorin, San Juan del Monte (kasalukuyang Pinaglababan). Sabay-sabay rin ang ginawang pagsalakay ng mga Katipunero sa buong Maynila ngunit hindi sumipot ang hukbo ng Cavite na pinamumunuan ni Emilio Aguinaldo (dahil may sarili silang pag-aalsa sa Cavite). [3]

Dahil sa pangyayari, ipinasailalim ni Gobernador-Heneral Ramon Blanco sa Batas Militar ang mga lalawigan ng Maynila, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac, Laguna, Cavite, at Batangas (sumasagisag sa walong sinag ng araw sa watawat ng Pilipinas).[3]

Binitay naman noong 30 Disyembre 1896 si Rizal bilang bahagi ng mga serye ng pagbitay na may kaugnayan sa himagsikan. Bagama’t hindi kasapi, pinaghinalaan pa rin si Rizal ng mga Espanyol dahil isa ang kaniyang pangalan sa password ng Katipunan at tampok ang larawan niya sa mga pagpupulong ng mga Katipunero.[4]

Kumbensiyon ng Tejeros

Nagkasundo ang mga paksiyon ng Katipunan: Magdiwang (Bonifacio) at Magdalo (Aguinaldo) na magsagawa ng halalan para sa Pamahalaang Rebolusyonaryo na isinagawa sa Tejeros, Rosario, Cavite noong 22 Marso 1897. Tinawag na Tejeros Convention ang pulong. Dito pinagtaksilan ng ilang Katipunero si Bonifacio sapagkat ang botohan ay ginanap sa Cavite, na sakop ng partido ni Aguinaldo. Nanalo si Aguinaldo na ikinasamâ ng loob ng Supremo.[3] [6]

Paglilitis at Kamatayan ng Supremo

Nagkaroon ng mga komprontasyon sa pagitan ng mga hukbo nina Bonifacio at Aguinaldo.

Dahil sa paglaban ni Bonifacio sa pamumuno ni Aguinaldo, binaril at sinaksak ang Supremo kasama ang nakababatang kapatid nito na si Procopio Bonifacio noong 28 Abril 1897. Nangyari ito sa Pinagbarilan, Indang, Cavite. Dito rin namatay ang isa pa nilang kapatid na si Ciriaco habang bihag at nakakulong ang Supremo at si Procopio.

Noong 4 Mayo 1897, pinagbintangan sina Andres at Procorpio bilang tagapanguna ng rebelyon laban sa pamumuno ni Aguinaldo. Dinala ang magkapatid sa Maragondon at doon hinusgahan at tinawag na taksil.

Dinala ang magkapatid na Bonifacio sa Bundok Nagpatong sa Maragondon, Cavite at doon pinaslang noong 10 Mayo 1897. [5] [6] [7]

Mga Sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 Marco B. Lagman, ed. Galileo S. Zafra. “Katipunan.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  2. 2.00 2.01 2.02 2.03 2.04 2.05 2.06 2.07 2.08 2.09 2.10 2.11 “The Founding of the Katipunan.” Presidential Museum and Library, http://malacanang.gov.ph/4304-the-founding-of-the-katipunan/n. Accessed 4 Marso 2021.
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 3.5 3.6 3.7 3.8 Xiao Chua. “AN ANDRES BONIFACIO TIMELINE (In commemoration of the month of the 150th birth anniversary of the Father of the Filipino Nation, updated and edited November 2017).” It’s Xiaotime!, 28 Oktubre 2013. https://xiaochua.net/2013/10/28/an-andres-bonifacio-timeline-in-commemoration-of-the-month-of-the-150th-birth-anniversary-of-the-father-of-the-filipino-nation/. Accessed 4 Marso 2021.
  4. 4.0 4.1 4.2 The Katipunan is born.” Philippine History, http://www.philippine-history.org/katipunan.htm. Accessed 4 Marso 2021.
  5. 5.0 5.1 Xiao Chua. “Ika-150 taong Kaarawan ni Gat Andres Bonifacio, Gugunitain Bukas: Special Report.” It’s Xiaotime!, 29 Nobyembre 2013. https://xiaochua.net/2013/11/29/ika-150-taong-kaarawan-ni-gat-andres-bonifacio-gugunitain-bukas-special-report/. Accessed 4 Marso 2021.
  6. 6.0 6.1 Mary Rose B. Magcamit. “Sundan ang mga Yapak ni Gat Andres Bonifacio.” Integratibong Suplemento Filipino, Tomo 3, Bilang 1. Quezon City: Vibal Group, Inc., 2013.
  7. Virgilio S. Almario. “Andres Bonifacio.”2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.