Josefa Llanes Escoda

From Wikfilipino
Revision as of 06:37, 29 December 2020 by Damarante (talk | contribs) (Created page with "Si '''Josefa Llanes Escoda''', kilala rin bilang '''''Florence Nightingale ng Pilipinas''''' ay isang bayaning Pilipina ng digmaan, lider sa pamayanan, at manggagawang panlipu...")
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search

Si Josefa Llanes Escoda, kilala rin bilang Florence Nightingale ng Pilipinas ay isang bayaning Pilipina ng digmaan, lider sa pamayanan, at manggagawang panlipunan. Kilala siya bilang tagapagtanggol ng karapatan ng kababihan at nagtatag ng Mga Batang Babaeng Tagapagmanman ng Pilipinas o Girl Scout of the Philippines.

Kabataan

Ipinanganak si Escoda noong 20 Setyembre 1898 sa Dingras, Ilocos Norte. Siya ang panganay nina Gabriel Llanes at Mercedes Madamba. Isa lamang ang kapatid na lalaki ni Josefa, si Florencio, at may limang babaeng kapatid, sina Luisa, Elvira, Rosario, Purita at Eufrosina.

Lumaki si Josefa o Pepa nang may tunay na paniniwala sa paglilingkod bilang Kristiyano. Sinasabing tinuruan sila ng kanilang malambing at mabait na ina ng kahalagahan ng paglilingkod sa tao—na siyang naipakita sa ilang pagkakataon sa buhay ni Pepa. Noong nasa elementarya, nakilala si Pepa bilang masiyahin, aktibo at maagap na mag-aaral. Mayroon din siyang malaking pagpapahalaga sa edukasyon.

Edukasyon

Nagtapos si Pepa nang valedictorian sa Mababang Paaralan ng Dingras, at salutatorian naman sa Laoag Provincial High School. Matapos ang sekundarya, nagtungo siya sa Lungsod Maynila at nag-aral sa Philippine Normal University kung saan nagtapos siya nang may pagkilala noong 1919.

Lalong sinubok ang kanyang katatagan nang mamatay ang kanyang ama sa sakit na influenza na kumalat noong 1918. Kinuha niya ang kanyang anim na kapatid sa Maynila at inalagaan sila roon. Pumasok siya sa panggabing klase sa Unibersidad ng Pilipinas para sa sertipiko sa pagtuturo sa hayskul at nakamit niya ito noong 1922. Nagturo siya sa Jose Rizal College, Unibersidad ng Maynila, Far Eastern University at Philippine Women's University sa maiksing panahon. Iniwan niya ang pagtuturo at sumapi sa Red Cross na nagbigay sa kanya ng iskolarsyip at nagtungo siya sa Amerika para sa mas malalim na pagsasanay sa New York School of Social Work. Nakamit niya ang sertipiko sa paglilngkod panlipunan noong 1925. Natapos niya rin ang kanyang masteral degree sa Sociolohiya sa Columbia University.

Habang nasa Estados Unidos, sumali si Josefa sa isang grupo ng mga dayuhang mag-aaral na sumuporta sa proyektong International House sa New York. Tuwing walang ginagawa, tinanggap niya ang maging panauhing tagapagsalita sa iba't ibang okasyon. Nakaugalian niya ring magsuot ng Filipiiniana tuwing magtuturo upang mahalina ang mga dayuhan sa Pilipinas.

Pagpapakasal

Habang nasa unang biyahe niya patungong Amerika, nakilala ni Josefa si Antonio Escoda, isang mamamahayag ng Philippine Press Bureau. Nagpakasal sila pagkabalik ng Maynila at nabiyayaan sila g dalawang anak, sina Maria Teresa at Antonio Jr.

Serbisyo Publiko

Nang makabalik sa Pilipipnas, itinuloy ni Josefa ang kanyang pagtuturo noong 1926 at nagtrabaho sa Tuberculosis Commission ng Bureau of Health. Naging kasapi rin siya sa Textbook Board, ang “Board of Censors for Moving Picturs,” at Labor Board. Noong 1908 hanggang 1932, nagsilbi siyang executive secretary ng Philippine Anti-Leprosy Society at naging kasapi ng Mga Batang Lalaking Tagapagmanman ng Pilipinas.

Sa gawaing panlipunan, naipakita niya ang kanyang dedikasyon, responsibilidad at hindi matatawarang pamumuno. Itinatag niya ang Boy’s Town for the underprivileged boys of Manila. Sinimulan niya ang matagumpay na kampanya na tumatawag sa probisyong pagkain at palikuran sa mga kababaihang manggagawa at pagtatayo ng iba pang pasilidad para sa kanilang ikagiginhawa. Naglingkod siya nang maigi para maipatayo ang libreng klase sa nursery sa Maynila kung saan binibigyan ang mga bata ng libreng sopas at gatas. Gumawa siya ng paraan para mapabuti ang kalusugan at kalinisan sa mga kanayunan, modernisasyon ng mga kulungan, pagpapabawas sa mga bisyo at pagpapalawig ng mga benepisyo ng edukasyon sa matatanda sa mga nasa nayon.

Karapatang Pangkababaihan

Naging aktibong kasapi rin si Josefa ng kilusang mamboboto sa Pilipinas. Naihalal siya bilang kalihim ng General Council of Women na binuo upang makialam sa mga gawain ng manggagawa. Nagbunga ito nang aprubahan noong 7 Disyembre 1993 ang Batas 4112 na nagbibigay ng pagkakataon sa mga kababaihang Pilipina na makaboto at maging kawani ng pamahalaan.

Sa tulong ng Boy Scouts of the Philippines, muli siyang pinadala sa Amerika para sa pagsasanay. Nang makabalik sa Pilipinas noong 1937, itinatag niya ang Girl Scouts of the Philippines. Kinilala ang GSP bilang pambansang samahan noong 26 Mayo 1940 sa bisa ng Batas Komonwelt Bilang 542.

Isa rin si Josefa sa likod ng National Federation of Women's Clubs nang binubuo ito. Una siyang nahalal bilang ingat-yaman at naangat bilang executive secretary, posisyong hinawakan niya sa loob ng siyam na taon.

Ikalawang Digmaang Pandaigdig

Nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nakipagtulungan si Josefa at ang kanyang asawa sa “Volunteer Social Aid Committee” (VSAC) at nagtala ng tulong sa mga bilanggo ng digmaan. Nasaksihan ni Josefa ang Bataan Death March at isa siya sa mga namahagi ng bitamina, pagkain at damit sa mga bilanggo. Pinatuloy niya sa kanyang tahanan ang mga kababaihan at mag-aaral na hindi makabalik sa kani-kanilang mga lalawigan matapos ang pagsiklab ng digmaan.

Kamatayan

Nakulong ang kanyang asawa sa Fort Santiago noong Hunyo 1944. Matapos ang dalawang buwan, nadakip din si Josefa at ikinulong sa madilim na selda sa Fort Santiago. Nahatulang mamatay ng korteng militar si Antonio Escoda noong 24 Nobyembre 1944 matapos mapatunayan ang kanyang krimeng pagtataksil, kasama si Heneral Vicente Lim. Binigyan ng pagkakataong makalaya si Josefa noong Disyembre 1944 subali't nanaig ang kanyang katapatan kay Antonio at pinili ang mamatay kasama ang asawa sa kulungan.

Huling nakita si Josefa noong 29 Enero 1945. Sinasabing dinala siya sa Far Eastern University kung saan siya pinatay ng mga Hapon. Pinaniniwalaang nakalibing ang kanyang mga labi sa North Cemetery o Chinese Cemetery kasama ang iba pang napatay.

Pagbibigay-pugay

Si Josefa Llanes Escoda (ibaba) ay makikita sa P1000

Bilang pagkilala sa kanyang katangi-tanging nagawa at dedikasyon sa paglilingkod sa kapwa, kinilala si Josefa bilang “Distinguished Alumna” sa larangan ng lingkod panlipunan at isang diploma bilang pagkilala sa kanyang mga nagawa ang iginawad sa kanya noong 1951 ng Philippine Normal College. Pinarangalan din siya ng Red Cross ng Amerika ng pilak na medalya, pinakamalaking pagkilalang iginawad ng organisasyon.

Noong Mayo 1948, ginawaran din ng U.S. Army and Navy si Josefa at kanyang asawa ng Medal of Freedom na may gintong dahon para sa kanyang paglilingkod sa mga Pilipinong bilanggo ng digmaang pandaigdig. Iginawad din ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang Philippine Legion of Honor Medal.

Nagbibigay-pugay din ang Girl Scouts of the Philippines kay Josefa sa pagdiriwang ng kanyang kapanganakan tuwing Setyembre 20 na may mga gawaing magdudulot ng pagkilala sa kanyang kabayanihan at kontribusyon sa pagpapaunlad ng kabataan.

Isang kalsada at gusali ang ipinangalan sa kanya at may isang monumentong ginawa para sa kanya. Makikita rin siya sa perang P1000 kasama ang iba pang mga napatay na bayani ng mga Hapon.

Panlabas na Kawing

Sanggunian

  • de Guzman, Jovita V., Vicente A. Santiago, Remedios T. de Leon and Teresita E. Erestain. Women Of Distinction; Biographical Essays on Outstanding Filipino Women of the Past and the Present. Philippines: Bukang Liwayway, 1967.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.