Jose Mari Chan

From Wikfilipino
Revision as of 09:04, 24 August 2021 by Mrmagcamit (talk | contribs)
Jump to navigation Jump to search

Si Jose Mari Chan ay isang popular na Pilipinong mang-aawit na patuloy ang pag-viral sa social media tuwing “-ber months” dahil sa kaniyang mga pamaskong awitin. Siya ay isa ring product endorser, manunulat ng awitin, at negosyante. Bilang negosyante, siya ang kasalukuyang tagapamahala ng Binalbagan Isabela Sugar Company, Inc., ng A. Chan Sugar Corporation, at ng Central Azucarera de San Antonio. Ang pag-aasukal ay minana niya sa kaniyang ama. Siya rin ang namamahala sa Signature Music, Inc. Pinasok din niya ang real estate business at pinamamahalaan ngayon ang Morning Glow Development Corporation. [1] [2]

Personal na Buhay

Si Jose Mari Chan ay isinilang noong 11 Marso 1945 sa Iloilo kina Antonio Chan at Florencia Lim Chan.[3]  

Si Antonio Chan ay isang imigrante mula sa Fujian, China na lumisan sa kaniyang bansa upang takasan ang kahirapan. Labintatlong taon lamang ito nang dumating sa Pilipinas. Ang taglay nitong kasipagan, dedikasyon, at pagtitiyaga ang nagsilbing inspirasyon sa batang Chan upang magsumikap sa buhay. Ito rin ang unang nakapansin sa “musical gift” ng anak. Hindi niya pinigilan ang anak sa hilig nito sa musika ngunit binigyang-diin na kailangan nilang panatilihin ang pagnenegosyo. Sa edad na 10 ay naulila si Jose Marie Chan sa ama.[4]

Si Florencia Lim Chan ay kaisa-isahang anak ng mestisong Tsino at ng mestisang Cebuana. Sa edad na 16, siya ay kinoronahan bilang Miss Bisaya noong 1940 na ginanap sa isang pista sa Iloilo. Dito niya nakilala ang asawa. Makalipas ang apat na taon, nagpakasal ang dalawa at bumuo ng pamilya kahit kasagsagan noon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at sakop ng mga Hapones ang Pilipinas. [4][5]

Ang pamilya ay kilalang deboto ng Katoliko Romano. Ang pangalan niyang Jose Mari ay hango kay San Jose at kay Birheng Maria.[6]

Lumaki si Jose Mari Chan at nag-aral ng primarya sa Lungsod Iloilo. Sa murang edad, nagtatanghal na siya sa mga programa sa kanilang paaralan. Nagsimula siyang sumulat ng mga orihinal na kanta sa gulang na 13. Nagsimula rin siyang maging disc jockey tuwing Linggo sa DUYHF, isang AM radio station sa Iloilo. [4] [6]

Nagtapos naman siya ng kolehiyo sa kursong Bachelor of Arts Degree in Economics sa Ateneo de Manila University noong 1967.[3]

Si Jose Mari Chan ay ikinasal kay Mary Ann Ansaldo noong 11 Marso 1970. Nagkaroon sila ng limang anak na sina Liza Chan-Parpan, Jose Antonio Chan, Franco Chan, Michael Philip Chan, at Angelica Chan, na namana ang kaniyang talento sa musika. Sila ay kasalukuyang may walong apo. [7]

Noong 2020, nagdiwang sina Jose Mari Chan at Mary Ann Ansaldo ng kanilang 50th Golden Wedding Anniversary. [7]

Karera sa Showbiz at mga Awitin

Pinasok ni Chan ang mundo ng showbiz noong 1966. Una siyang napanood bilang TV host at mang-aawit sa Nine-Teeners, isang youth-oriented musical variety show ng ABS-CBN. Noong 1967, inilabas ang kaniyang unang hit single, ang “Afterglow.” Makalipas ang dalawang taon, inilabas niya ang una niyang long playing record sa vinyl na pinamagatang “Deep In My Heart.” Nirepresenta naman niya ang Pilipinas sa 1973 World Popular Song Festival sa Tokyo, Japan kung saan nakarating siya sa finals gamit ang kantang “Can We Just Stop and Talk Awhile.” Noong taong ding iyon, sumikat ang kaniyang mga awiting “Can We Start All Over Again” at “Refrain.” [3]

Noong 1975, nagdesisyon si Chan na pumunta sa Amerika upang asikasuhin ang negosyo ng pag-aasukal ng kaniyang pamilya. Bagama’t halos isang dekada siyang nawala sa bansa, ipinagpatuloy niya ang hilig sa pagsusulat ng mga awitin. Bunsod ng kaniyang pangungulila sa pamilya noon, naisulat niya ang awiting “Love to Last a Lifetime” na alay niya sa kaniyang asawa bilang tanda ng kaniyang wagas na pagmamahal dito. [3]

Noong 1986, nagbalik si Chan sa Pilipinas at inirekord ang kaniyang ikalawang album, ang Constant Change, na nagwagi ng Album of the Year mula sa Awit Awards. Ang benta nito ay umabot sa Diamond Record. Mataas din ang benta nito sa Malaysia, Singapore, at Indonesia. [3]

Noong 1990, inilabas ni Chan ang kaniyang album na Christmas In Our Hearts na umabot sa triple platinum ang benta sa taon ding iyon. Nagwagi naman ang kaniyang A Heart’s Journey bilang Album of the Year noong 2001. Kinomisyon din siya upang sumulat ng kanta at umawit para sa Southeast Asian Games noong 2005 kaya naisilang ang “We’re All Just One.” Noong 2011, inilabas ni Chan ang ika-13 full-length album niya na Manhattan Collection: The Songs of Jose Mari Chan. [3]

Narito ang ilan pa sa mga awitin ni Chan: “Deep in My Heart,” “Constant Change,” “Beautiful Girl,” “Tell Me Your Name,” “Stay, My Love,” “Perhaps Love,” “Afraid For Love To Fade,” “High and Mighty,” “Sing Me Your Song Again, Daddy,” “Leave You,” “So I’ll Go,” “If We Only Have More Time Together,” “Please Be Careful With My Heart,” “Christmas In Our Hearts,” “I Have Fallen In Love With The Same Woman Three Times,” at “My Girl, My Woman, My Friend.” [3]

Ang “Christmas In Our Hearts” ay orihinal na tula ng yumaong si Chari Cruz-Zarate. Naisulat niya ito noong 1988 na may orihinal na pamagat na “Ang Tubig ay Buhay” para sa Assumption College Silver Jubilee. Nagdesisyon si Chan na gamitin ito at lapatan ng parehong melodiya at ginawang isang pamaskong awit sa tulong ng co-lyricist na si Riña Cañiza. Ang awiting ito ay patuloy na bahagi ng kulturang Pilipino na pinatutugtog tuwing Kapaskuhan. [4]

Mga Gawad at Pagkilala

Narito ang ilan pa sa mga gawad at pagkilala kay Jose Mari Chan:[8]

  • Ten Outstanding Young Men of the Philippines Award (1974)
  • Dangal ng Musikang Pilipino Lifetime Achievement Award (1997, The Philippine Association of the Recording Industry)
  • “Constant Change” (certified Triple Platinum Album sa Indonesia)
  • Katha Lifetime Achievement Award (2002)
  • Antonio C. Barreiro Lifetime Achievement Award mula sa Metro Pop Foundation
  • FAMAS Golden Artist Award (2004)
  • MYX Magna Award (2010) mula sa MYX Music Awards
  • Dangal ng OPM (2011) mula sa Organisasyon ng mga Pilipinong Mang-aawit
  • Aliw Lifetime Achievement Award (2012)
  • FILSCAP (Filipino Society of Composers, Authors, & Publishers) Lifetime Achievement Award (2015)

Noong 2018, kinilala si Chan ng Lokal na Pamahalaan ng Lungsod Bacolod bilang “adopted son” dahil sa naging ambag nito sa pag-unlad ng industriya ng asukal sa nasabing lungsod. [9]

Reaksiyon sa Social Media Memes

Tuwing “-ber months,” na nagsisimula ng Setyembre, hindi lamang mga awitin ni Jose Mari Chan ang lumalaganap. Maging ang memes ng kaniyang mga larawan ay viral din sa social media na may kaugnayan sa Christmas countdown. Sa isang panayam, sinabi ni Chan na ang social media memes ay nakikita niya bilang isang compliment o papuri kahit may kaunting negatibo rito. Tanggap niya na sa mundo ng social media, ang lahat ay maaaring magbahagi ng kanilang opinyon.[10]

Si Chan ay kilala ring endorser at brand ambassador ng Shopee, isang e-commerce platform. [11]

Mga Sanggunian

  1. “Did you know? Apart from the sugar business, Jose Mari Chan reveals he’s also into real estate.” Push, 1 Disyembre 2019. https://push.abs-cbn.com/2019/12/1/fresh-scoops/did-you-know-apart-from-the-sugar-business-jose-40884. Accessed 24 Agosto 2021.
  2. James A. Loyola. “Chan family’s sugar mill sets P558-M public offer.” Manila Bulletin, 11 Pebrero 2021. https://mb.com.ph/2021/02/11/chan-familys-sugar-mill-sets-p558-m-public-offer/. Accessed 24 Agosto 2021.
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 3.5 3.6 Bobby T. Yalong. “Jose Mari Chan Juggles Between His Music And Business Enterprise.” Asian Journal, 21 Nobyembre 2021. https://www.asianjournal.com/life-style/lifestyle-columnists/jose-mari-chan-juggles-between-his-music-and-business-enterprise/. Accessed 24 Agosto 2021.
  4. 4.0 4.1 4.2 4.3 Kara Ortiga. “Jose Mari Chan: 71, singer-songwriter, businessman, and face of Christmas.” Esquire Magazine, 19 Disyembre 2016. https://www.esquiremag.ph/long-reads/what-ive-learned/jose-mari-chan-a1520-20161219. Accessed 24 Agosto 2021.
  5. Frannie Jacinto. “A musical tribute to Inday Chan.” Philstar.com, 11 Hunyo 2014. https://www.philstar.com/lifestyle/fashion-and-beauty/2014/06/11/1333262/musical-tribute-inday-chan. Accessed 24 Agosto 2021.
  6. 6.0 6.1 Jojo G. Silvestre. “Jose Mari Chan’s unforgettable Christmases.” The Daily Tribune, 27 September 2020.  https://www.pressreader.com/philippines/daily-tribune-philippines/20200927/281526523496441. Accessed 24 Agosto 2021.
  7. 7.0 7.1 Ricky Lo. “The stories behind Joe Mari’s three songs.” Philstar.com, 3 Abril 2020. https://www.philstar.com/entertainment/2020/04/03/2005051/stories-behind-joe-maris-three-songs. Accessed 24 Agosto 2020.
  8. “JOSE MARI CHAN CELEBRATING 50 YEARS IN THE MUSIC INDUSTRY.” DWWW 774 Facebook post, 6 Marso 2017. https://www.facebook.com/DWWW774/photos/a.397694423632481/1256966664371915/?type=3&p=60. Accessed 24 Agosto 2021.
  9. Nanette Guadalquiver. “Jose Mari Chan offers accolade to Chinese immigrant father.” Philippine News Agency, 16 Pebrero 2018. https://www.pna.gov.ph/articles/1025544. Accessed 24 Agosto 2021.
  10. Jan Milo Severo. “Jose Mari Chan reacts to his trending memes.” Philstar.com, 29 Oktubre 2018. https://www.philstar.com/entertainment/2018/10/29/1864204/jose-mari-chan-reacts-his-trending-memes. Accessed 24 Agosto 2021.
  11. Jonathan Castillo. “Kickstart the “Ber” Months with the Return of Brand Ambassador Jose Mari Chan.” Manila Bulletin, 1 Setyembre 2020. https://mb.com.ph/2020/09/01/kickstart-the-ber-months-with-the-return-of-brand-ambassador-jose-mari-chan/. Accessed 24 Agosto 2020.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.